law passed by Sen. Bam Aquino

Bida Ka!: Ulat sa mga Bida

Mga Bida, noong unang araw ng Hulyo ay nakadalawang taon na tayo sa Senado. Sa panahong ito, dumaan tayo sa maraming hamon at pagsubok habang ginagampa­nan ang tungkuling ibinigay ninyo sa akin bilang isang mambabatas.

Pumasok tayo sa Senado sa panahong batbat ito ng kontrobersiya, tulad ng pork barrel scam ni Janet Lim Napoles. Sa unang taon natin, bagsak ang Senado sa mata ng taumbayan dahil sa kontrobersiya sa PDAF at iba pang isyu ng katiwalian.

Sa kabila nito, hindi tayo nawalan ng pag-asa na muling babalik ang tiwala ng taumbayan sa aming mga mambabatas basta’t tuluy-tuloy lang ang ating pagtatrabaho para sa kapa­kanan ng mas nakararaming Pilipino.

Kaya itinuon natin ang pansin sa pagtupad sa mga pangako natin noong kampanya na trabaho, negosyo at edukasyon. Ipinursige natin ang pagpasa sa ilang mahahalagang batas na makatutulong upang ito’y maging katuparan.

Ngayong papasok na tayo sa ikatlong taon sa ating termino, nais nating ibahagi sa inyo, mga Bida, ang ating nagawa noong huling dalawang taon sa Senado.

Apat na batas kung saan tayo ang may-akda, co-author o ‘di kaya’y principal sponsor ang naisabatas sa loob ng dalawang taon.

***

Noong nakaraang taon, naisabatas ang Go Negosyo Act kung saan itinatakda ang paglalagay ng Negosyo Center sa lahat ng munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong Pilipinas.

Sa Go Negosyo Act, nabigyang katuparan ang ating pa­ngako na tututukan natin ang paglikha ng trabaho at pangkabuhayan, pagpapalago ng maliliit na negosyo at pagsasaayos ng mga sistemang magpapadali sa pagnenegosyo.

Inaprubahan din ng Pangulo ang Philippine Lemon Law, na nagbibigay proteksyon sa mga bumibili laban sa mga depektibong kotse.

***

Ngayong taon, nais nating ibalita na napirmahan na ng Pangulo ang Philippine Competition Act, ang batas na magbibigay ng pantay na pagkakataong lumago sa lahat ng negosyo sa bansa.

Parurusahan nito ang anumang anti-competitive agreements at pang-aabuso ng malalaking kumpanya, at buburahin ang mga kartel na kumokontrol sa supply at presyo ng bilihin sa merkado.

Lubos kong ipinagmamalaki ang nasabing batas dahil naipasa ito sa ating panahon bilang chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship matapos mabimbin ng 25 taon sa Kongreso.

Naaprubahan na rin ng Pangulo ang Foreign Ships Co-Loading Act, kung saan papayagan na ang mga dayuhang barko na may dalang imported cargo o ‘di kaya’y cargo na nakatakdang ipadala sa ibang bansa, na dumaong sa iba’t ibang pantalan sa Pilipinas.

Sa batas na ito, bababa ang gastos sa pagpapadala, mas magiging maayos ang sistema ng import at export ng bansa at bababa ang presyo ng mga bilihin. Makatutulong din ang batas para paluwagin ang malalaking pantalan sa bansa.

Maliban sa dalawang batas na ito, naghihintay na lang ng pirma ng Pangulo ang Youth Entrepreneurship Act, na magandang sandata upang labanan ang lumalaking bilang ng kabataang walang trabaho sa bansa, na nasa 1.32 milyong kabataan.

Nakalusot na rin sa ikatlong pagbasa ang Responsive, Empowered, Service-Centric Youth Act, na layong patibayin ang partisipasyon ng mga kabataan sa pagpaplano sa mga sakuna at trahedyang dumarating sa ating bansa.

Nakapaghain na rin tayo ng committee report sa Microfinance NGOs Act, na layong palakasin ang sektor na nagbibi­gay ng mga pautang at iba pang tulong sa mga negosyo para sa maliliit na negosyante.

***

Hindi lang paggawa ng batas ang ating tinutukan noong nakaraang taon kundi ang pag-iimbestiga sa ilang mahaha­lagang isyu, tulad ng mabagal at mahal na Internet sa bansa.

Sa isang taon nating pag-iimbestiga, nahikayat natin ang mga telcos na tanggapin ang IP peering ng Department of Science and Technology (DOST). Naglabas na rin ang Department of Justice (DOJ) ng panuntunan laban sa mapanlinlang na Internet print, TV at radio advertisements.

Anumang araw mula ngayon, ilalabas na rin ng National Telecommunications Commission (NTC) ang memorandum circular na magtatakda sa kalidad ng standards na susundin ng lahat ng telcos, maging broadband o DSL.

Inimbestigahan din natin ang pagsisikip sa pantalan ng Maynila sa pagsisimula ng taon. Matapos ang ilang pagdinig, nanumbalik na sa normal ang operasyon nila.

Panghuli, nakipagtulungan din tayo sa Department of Trade and Industry (DTI), mga lokal na pamahalaan, eskuwelahan, mga business clubs at iba pang pribadong grupo para itayo ang mga Negosyo Centers na tutulong sa maliliit na negosyante.

Ayon sa batas nating Go Negosyo Act, papada­liin ng mga Negosyo Centers ang pakikipagtran­saksyon sa pamahalaan ng mga negosyo, magbibigay ito ng kaukulang abiso, training at serbisyo para lalo pang mapalago ang ating mga pinapangarap na k­abuhayan.

Mayroon na tayong naitayong 61 Negosyo Centers sa buong bansa pagkatapos ng kalahating taon at magbubukas pa ng mahigit 50 sa pagtatapos ng taon.

Mga Bida, patuloy kaming nagpapasalamat sa walang-sawang suporta ninyo sa aming opisina. Sa kabila ng mga naabot natin sa ikalawang taon, hindi pa rin tayo titigil sa pagtatrabaho upang lalo pang mapaangat ang kalagayan ng ating mga kababayan at ng buong bansa!

 

First Published on Abante Online

 

 

Scroll to top