Bida Ka!: Umiinit na ang laban sa 2016
Mga Bida, noong nakaraang Biyernes, saksi tayo sa isa na namang makasaysayan at emosyonal na pangyayari sa Club Filipino nang pormal nang ideklara ni Pangulong Noynoy Aquino si Interior Secretary Mar Roxas bilang pambato ng Liberal Party sa 2016 elections.
Sa pangyayaring ito, tinuldukan na ni PNoy ang anumang usapan at binura ang mga pagdududa sa kung sino nga ba ang isasabak ng administrasyon sa darating na eleksyon.
Muli na namang nabuhay ang alaala ng pagdedeklara ni yumaong Pangulong Cory Aquino ng kandidatura bilang pangulo ng Pilipinas noong 1986. Dito rin nagdeklara si PNoy ng kanyang kandidatura bilang presidente noong 2009.
***
Mga Bida, muling iginiit ni PNoy ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng tuwid na daan sa mga susunod na taon, lalo na’t malayo na ang narating ng Pilipinas pagdating sa ekonomiya at giyera kontra katiwalian.
Isa raw sa kanyang mga obligasyon na dapat gawin bago matapos ang kanyang termino ay siguruhin na hindi masasayang ang kanyang sinimulan na malinis at tapat na pamahalaan.
Giit pa niya, “Lahat ng mahahalagang bagay, kapag hindi mo ipinaglaban, kapag hindi mo inalagaan, maaaring mawala.”
Kaya nauunawaan natin ang kanyang sinabing, “napakalaki ng nakataya para ipaubaya sa “baka sakali”.
Mga Bida, ang paborito kong bahagi ng talumpati ni PNoy ay kung saan sinabi niya na “iisa lang naman ang boto ko, gaya ng bawat Pilipino. Baka po mas tamang sabihin: Lahat tayo, may obligasyon dito.”
Hindi lang sa iilan kundi sa buong bayan nakasalalay ang pagpapatuloy ng “tuwid na daan”. Nasa ating responsibilidad kung muling babalik ang Pilipinas sa bulok na sistema kung saan talo ang sambayanan.
***
Puno naman ng emosyon ang talumpati ni Sec. Mar, na ilang beses napaiyak habang inilalahad ang kanyang pinagdaanan sa mundo ng pulitika.
Sa bulwagang ito nagpaubaya siya para sa pagtakbo ni PNoy bilang pangulo noong 2009. Binitawan niya noon ang mga salitang “bayan muna, bago ang sarili” na prinsipyong ipinamana ng kanyang lolo na si Pangulong Manuel Roxas at amang si Sen. Gerry Roxas.
Nabanggit din niya ang kanyang pinag-ugatan sa pulitika. Nang mamatay ang kanyang kapatid na si Dinggoy noong 1993, naipasa sa kanya ang obligasyon na magsilbi sa taumbayan.
Sa kanyang pangwakas na salita, ipinangako niya na hindi niya dudumihan ang pangalan nina Tito Ninoy at Tita Cory at pati na rin ang pangalan ni PNoy.
Sa kanyang lawak ng karanasan at malinis na record, tiwala akong taglay niya ang kakayahan na ituloy ang pagtahak ng Pilipinas sa tuwid na daan.
Siyempre mga bida, lahat ng ito’y nakasalalay pa rin sa kamay ng taumbayan. Ang maganda rito, exciting ang 2016 elections dahil mas maraming mapagpipilian ang mga botante.
Kaya, mga Bida, ang panawagan natin sa taumbayan ay timbangin ang kakayahan at karanasan ng bawat kandidato sa darating na halalan. Maging matalino sa pagpili dahil kinabukasan ng bansa ang nakasalalay sa ating mga boto!
First Published on Abante Online
Recent Comments