lokasyon

NEGOSYO, NOW NA!: Susi sa tagumpay

Mga Kanegosyo, isang manigong bagong taon sa inyong lahat!

Nawa’y maging makabuluhan at masagana ang 2015 para sa inyo at inyong mga pamilya.

Ang bagong taon ay isang pagkakataon para sa isang bagong simula.

Isa rin itong magandang pagkakataon upang makapag-umpisa ng bagong negosyo o kabuhayan na maaaring ma­ging susi natin sa tagum­pay sa hinaharap.

***

Sa aking karanasan sa pagnenegosyo at pagiging social entrepreneur bago maging isang senador, marami na akong nakitang negosyo na nagtagumpay o di kaya’y sumablay.

Ang pagnenegosyo ay parang giyera. Ito’y isang larangan na nangangaila­ngan ng tamang pag-aaral, diskarte at sapat na kaalaman upang magtagumpay.

Kung basta lang tayo sasabak nang walang anumang kaalaman o ka­handaan, tiyak na pupulutin tayo sa kangkungan.

Sa kolum na ito, tata­lakayin natin ang mga katangiang taglay ng isang matagumpay na negos­yante at ang mga tamang hakbang at susi tungo sa pagpapaunlad ng inyong pinapangarap na negosyo.

***

Una sa mahabang listahan ng mahahalagang bagay para pumatok ang negosyo ay ang location. Location, location, location.

Kailangan ang lugar ng pagnenegosyohan ay madaling puntahan o madaling makita ng mga mamimili. Susi ang magandang location sa ikatatagumpay ng negosyo.

Kahit gaano pa kaganda ang isang produkto, kung nakapuwesto ito sa lugar na hindi kita, hindi dinadayo ng mga mamimili o walang foot traffic, tiyak na lalangawin at malulugi lang ito.

***

Isang magandang halimbawa ang ginawa ng Island Souvenirs, isang kilalang souvenir shop na sinimulan ni Jay Aldeguer noong 1992 sa Cebu.

Nag-aaral pa lang ay nahilig na si Jay sa negos­yo. Habang nasa eskuwela, nagbebenta siya ng t-shirt sa mga kaklase sa likod ng sasakyan.

Nahilig din si Jay sa pangongolekta ng t-shirt sa kanyang pagbiyahe sa iba’t ibang bansa. Ngunit sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang tourist spots sa Pilipinas, wala siyang makitang de-kalidad na t-shirt na puwedeng ipasalubong ng mga turista.

Dito naisipan ni Jay na simulan ang Island Souvenir.

Upang makasabay sa marami pang katulad niyang tindahan, nagpuwesto si Jay sa mga lugar na madalas dinarayo ng mga turista. Maliban dito, naglagay rin siya ng tindahan sa mga patok na mall.

Ngayon, mayroon na itong mahigit isandaang sangay sa iba’t ibang tou­rist locations sa bansa.

Alalahanin ninyo, mahalaga ang lokasyon. Mas madaling puntahan o matagpuan, mas malaki ang kita.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top