Magna Carta for PWDs

NEGOSYO, NOW NA!: Problema sa Tax

Mga Kanegosyo, sa mga nakalipas na linggo, sinasagot natin ang mga katanungang ipinapadala sa atin ng ating mga kababayan ukol sa kanilang karanasan sa pagnenegosyo.
Ito pa ang isang sulat na mula sa isang negos­yanteng PWD:

Kanegosyong Bam,

Good day po. I’m a PWD with chronic illness (lupus with pulmonary hypertension). Tanong ko lang po kung ano pong klaseng annual tax exemption po iyong P25,000 na isinusulong ninyo? Ito po ba ay para sa income tax?

Sana isama ninyo na rin iyong municipal/local tax para sa pagkuha ng business permit. Ang laki po kasi ng binabayaran ko po — P4,417 tax bracket para sa P100,000 gross sales para sa computer shop dito sa Montalban, Rizal. Ngunit hindi naman po umaabot ng P100,000 ang 4 units na pinapa-rent ko po.

Halos hindi na nga po kumikita ang shop ko lalo na’t ‘di na ganoon ka-in demand ang mga Internet shop ngayon. Pinaalam ko na rin po ito sa OIC ng BPLO sa amin.

Iyong P4,417 at iba pang binabayaran pa po para sa business permit ay makakatulong po para maipambili po sana ng aking mga gamot, medical laboratories at medical check-up. Sana ma­bigyan n’yo po ng aksyon ito.

Maraming salamat at more power po!

 

Sa ating letter sender, marami pong salamat! Tama kayo na ang inihain nating panukala ay la­yong rebisahin ang Magna Carta for PWDs.

Nais nating bigyan ng taunang P25,000 tax exemption sa income tax ang mga PWDs at sa mga pamilyang may PWD dependents.
Layon nating mapa­gaan ang hamon na inyong hinaharap sa pang-araw-araw.

Kapag naisabatas na ito, bibigyan ang PWDs ng exemption sa value added tax, maliban pa sa income tax, para mailagay ang naipon sa panggastos sa wheelchairs, hearing aids, nurses at caregivers, learning disability tutors at marami pang iba.

Hinahangaan ko ang mga kababayan nating PWDs na kahit mas mahirap ang kanilang kinalalag­yan, patuloy pa rin silang lumalaban para sa kanilang mga pangarap at sa kanilang mga pamilya.

***

Subalit, mga Kanegos­yo, ibang usapin pagda­ting sa municipal at local taxes sa mga negosyo. Mayroong awtonomiya at kapangyarihan ang sanggunian ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng Local Government Code at National Internal Revenue Code na magtakda kung magkano ang kanilang business tax, na depende sa klasipikasyon nila  kung sila’y 1st class municipality, 2nd, 3rd at iba pa.

Maaari nating pag-aralan at makipagtulungan sa mga LGUs kung sobra-sobra na ang buwis na sinisingil ng ating lokal na pamahalaan upang makahain tayo ng mga panukala na siyang magpapagaan sa ating mga negosyo.

***

Mga Kanegosyo, tuluy-tuloy tayo sa pagsagot sa inyong mga katanungan. Mag-e-mail lang sa negosyonowna@gmail.com, mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino, o makinig tuwing Miyerkules, 11:00 a.m.-12:00 p.m. sa RMN Manila DZXL 558 sa ating programang “Status Update”.

Pangarap natin ang inyong tagumpay sa inyong pagnenegosyo!

 

First Published on Abante Online

 

Scroll to top