NEGOSYO, NOW NA!: Packaging at Marketing
Mga Kanegosyo, sa ating lingguhang programa sa radyo na “Status Update,” iba’t ibang negosyante ang ating itinatampok at binibigyang pagkakataong maikuwento ang kanilang karanasan sa pagnenegosyo.
Ang kanilang mga kuwento tungo sa tagumpay ay bukas-loob naman nilang ibinabahagi sa ating programa para na rin sa kapakanan ng mga nais magsimula ng negosyo.
Isa sa mga naging panauhin ng programa ay si Archie Valentin, isang batang negosyante na nakilala natin sa isang pagtitipon ng Pasay Youth Council.
Sa ating kuwentuhan sa kanya, nalaman nating nagsimula siyang magnegosyo noong nasa elementarya pa lamang siya.
Gamit ang naipong P200 mula sa kanyang baon, nagbenta siya ng bukayo na gawa ng kanyang lola.
Mula roon, kumita siya ng P700 kada linggo sa pagbebenta nito sa mga kaklase, na naging sapat para punuan ang pangangailangan sa pag-aaral. Pinatikim niya muna ang kanyang produkto upang malaman nila ang masarap na lasa ng produtko.
Kahit marami na siyang mamimili, nais pa rin niyang magkaroon ng sariling tatak na negosyo.
Nagkataong ipinamana sa kanya ng mga tita ang negosyo nilang empanada, na itinuloy naman niya. Dito niya sinimulan ang Archie’s Empanada.
Sa tulong ng mga kaibigan, unti-unting nakilala ang kanyang produkto. Ngayon ay nakaabot na ito sa iba’t ibang bahagi ng mundo, maging sa Japan, Amerika at Singapore.
***
Mga Kanegosyo, ayon kay Archie, ang pinakamahirap na aspeto ng kanyang mga negosyo ay ang gumawa ng sariling pangalan at pagpapakilala nito sa merkado.
Una, napakahalaga raw na dapat de-kalidad ang produkto. Sa kanyang karanasan, napakasarap ng bukayo ng kanyang lola kaya marami ang bumibili dati. Napakasarap din ng kanyang empanada, na dinalhan kami noong nakapanayam natin siya.
Bukod dito, mga Kanegosyo, binigyang diin din niya na ang marketing sa pagnenegosyo ay kasinghalaga ng kalidad ng produkto.
Walang sawa niyang pinag-uusapan ang kanyang mga produkto sa mga kaibigan at kliyente. Ibinunga nito ang pagbubukambibig din ng kanyang mga mamimili at sila na mismo ang nagsasabi sa iba na masarap ang kanyang empanada!
Pinalitan din niya ang kanyang packaging, na siyang bahagi sa marketing at pagbebenta ng kanyang produkto.
Sa una, sampung piso lang ang benta niya sa empanadang nakabalot lang sa plastic. Nang gawin niyang karton ang lalagyan ng empanada, nagmukha itong sosyal kaya naibebenta na niya ito ng kinse pesos bawat isa.
Mga Kanegosyo, ayon sa kanya, kahit nagmahal nang kaunti ang kanyang produkto ay mas dumami naman ang bumili. Sulit daw na inayos niya ang kanyang packaging ng empanada dahil gusto ng mamimili na maayos na nakapakete ang produkto.
Ginamit din niya ang social media para patuloy na pag-usapan ang kanyang produkto at maibenta ito sa mas malaking merkado.
Sabayan natin ang ating de-kalidad na produkto at serbisyo ng magandang packaging at kaakit-akit na marketing strategy upang mas mapansin ng mamimili ang ating negosyo!
First Published on Abante Online
Recent Comments