BIDA KA!: Mike 1 Bingo
Hindi maikaila na naging malungkot nang sinariwa muli natin ang mga huling oras ng Fallen 44, mula sa kanilang pagdating sa lugar hanggang sa huli nilang radio contact.
Ngunit huwag nating kalimutan ang tatlong salita na tumatak at nangibabaw sa pagdinig: “Mike 1 Bingo.”
Ito ang text ng isa sa mga ipinadala ng mga operatiba ng SAF, sinasabing napatay nila ang international terrorist na si Zulkifli bin Hir alias Marwan.
Hudyat ito na mission accomplished ang kanilang lakad. Nabura na nila sa mundo ang isa sa kinakatakutang terorista na siyang may-gawa ng ilang pagpapasabog sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa kabila ng sari-saring isyung lumitaw ukol sa pangyayari, huwag sanang mawala sa ating isipan na natapos nila ang kanilang misyon.
Ang kapalit ng pagkawala ng Fallen 44 ay mas tahimik na Pilipinas at ng buong mundo para sa atin at sa ating mga anak.
***
Humarap din sa pagdinig ang kontrobersiyal na si dating Special Action Force (SAF) head Getulio Napeñas, na siyang namuno sa nasabing operasyon.
Sa kanyang testimonya, pinanindigan ni Napeñas na isang “judgment call” ang kanyang desisyon na huwag ipaalam sa pamunuan ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang operasyon.
Ang paliwanag ni Napeñas, sa ilan nilang lakad kasama ang AFP, nakapuslit na si Marwan bago pa man sila dumating sa hideout ng terorista.
Sa pangambang muling hindi mahuhuli si Marwan, nagpasya si Napeñas na hindi muna ipaalam sa AFP ang mga plano at sabihan na lamang sila sa araw ng operasyon o kapag “time-on-target” na.
Sa pasyang ito, nahuli ang tulong ng AFP at naging isa sa mga dahilan kung bakit napakarami at karumal-dumal ang namatay mula sa SAF.
Sabi ng marami, kung nakipag-coordinate lang si Napeñas sa AFP, malamang na hindi umabot sa ganoon ang pangyayari. Natupad nga nila ang misyon ngunit marami namang buhay ang nasawi.
Ngunit mauuwi rin ba sa pagkamatay ni Marwan kung nakipag-coordinate muli si Napeñas sa AFP at muli itong makakapuslit?
Kasaysayan ang siyang huhusga kay Napeñas kung tama o mali ang kanyang judgment call sa operasyon.
***
Mga Bida, kapansin-pansin naman ang hindi pagdalo ng ilang matataas na opisyal ng MILF, sa pangunguna ni Mohagher Iqbal, ang pinuno ng peace panel.
Kaya ‘di naiwasan ng ilan nating kapwa senador ang magpakita ng inis, lalo pa’t maraming katanungan na dapat nilang sagutin.
Kailangang makiisa ang MILF sa paghahabol natin ng katotohanan at hustisya para sa Fallen 44.
Hindi sapat ang pagbalik ng armas ng Fallen 44.
Bilang pakikiisa sa paghahanap ng katarungan para sa mga nasawi, hinihiling natin sa kanila na isuko nila ang mga pumatay sa SAF 44 at idaan sa tamang proseso ng ating mga batas ng bansa.
Kung tunay silang nakikiisa, hindi nila pahihirapan ang ating mga imbestigasyon at makikipagtulungan silang mabigyang linaw ang ating mga katanungan sa mga nangyari.
***
Mga Bida, naghain ako ng resolusyon na bigyan ng posthumous Medal of Valor ang Fallen 44 upang kilalanin ang kanilang katapangan, kagitingan at ginawang sakripisyo para sa kapayapaan ng ating bansa.
Sa ilalim ng resolusyon, ang mga nabiyuda o ‘di kaya’y iba pang umaasa sa award ay mabibigyan ng habambuhay na monthly pension at puwedeng maging empleyado ng National Government Agencies (NGAs) o Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs).
Nais nating hindi makakalimutan ang ginawa nilang sakripisyo na magsisilbing inspirasyon para sa ating mga kababayan na patuloy na pagsilbihan ang bansa.
***
Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng 44 na PNP-SAF na nagbuwis ng buhay para sa kapayapaan. Sa mga gustong tumulong sa kanila, maaaring mag-donate sa DSWD-Landbank Account, “DSWD-Armed Conflict Mamasapano, Maguindanao,” LBP Current Account No. 3122-1026-28 o sa PNP-Landbank Account, “PNP Special Assistance Fund,” LBP Current Account No. 1862-1027-77.
First Published on Abante Online
Recent Comments