BIDA KA!: Saludo sa #Fallen44
Batay sa ulat, napatay na ng elemento ng SAF si Marwan bago nila nakasagupa ang mga elemento ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa paghupa ng bakbakan, isang mapait na tanawin ang tumambad sa lahat. Nabuwal ang ating mga bayani na ibinuwis ang kanilang buhay para mapanatiling ligtas ang ating bansa laban sa gaya ni Marwan.
Ang kanilang ginawa ay higit pa sa kabayanihan.
Isinakripisyo nila ang kanilang buhay para sa kaligtasan ng bansa at ng mundo, upang tayo’y mabuhay ng tahimik at malayo sa banta ng terorismo.
Sa Fallen 44, maraming salamat sa inyong sakripisyo, kagitingan at katapangan. Mas ligtas ang Pilipinas sa ginawa niyong kabayanihan.
***
Sa gitna naman ng sisihan at turuan kung sino ang may kasalanan sa sinasabing mis-encounter, huwag sanang maisantabi ang paghahabol sa hustisya para sa ating mga nasawing bayani.
Hindi dapat humantong sa wala ang pagkamatay ng ating mga bayani. Dapat managot sa batas ang gumawa nito. Dapat mabigyan ng katarungan ang kanilang pagkamatay para na rin sa kanilang mga naulila.
Kaya panawagan natin sa pamahalaan at MILF, magsagawa ng totohanang imbestigasyon ukol sa pinag-ugatan ng nangyari.
Malaki rin ang gagampanang papel ng MILF upang makamit ang hustisya. Mas mabilis itong maaabot kung kusa nilang isusuko ang mga tauhan na sangkot sa pagpatay.
Makatutulong na sila sa pagbibigay ng hustisya, makikita rin na handa silang makiisa sa hangarin ng pamahalaan na magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
***
Sa nangyaring bakbakan, nalagay sa alanganin ang usapang pangkapayapaan sa panig ng pamahalaan at MILF.
Mukhang maaantala rin ang pagpasa ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na magbibigay-daan sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao kasunod ng pag-atras ng suporta ng ilan sa kapwa ko senador.
Huwag tayong magpadalus-dalos at pakawalan na lang ang BBL. Malayo na ang narating ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at MILF para basta na lang isuko.
Hindi dapat maantala ang hangarin nating magkaroon ng kapayapaan dahil sa nangyaring trahedya. Ang BBL ang pinakamalaking tsansa natin para magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Kapayapaan ng buong bansa ang nasa puso’t isip ng Fallen 44 nang sumuong sila sa Maguindanao noong Linggo ng gabi.
Masasayang lang ang ginawa nilang sakripisyo kung hahayaan nating mauwi sa wala ang BBL. Ito ang susi sa pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad ng Mindanao.
***
Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng 44 na PNP-SAF na nagbuwis ng buhay para sa kapayapaan. Sa mga gustong tumulong sa kanila, maaaring mag-donate sa DSWD-Landbank Account, “DSWD-Armed Conflict Mamasapano, Maguindanao,” LBP Current Account No. 3122-1026-28 o sa PNP-Landbank Account, “PNP Special Assistance Fund,” LBP Current Account No. 1862-1027-77.
First Published on Abante Online
Recent Comments