Negosyo Center

NEGOSYO, NOW NA!: Kalabaw lang ang Tumatanda

Mga Kanegosyo, may ilan tayong kakilalang nais magsimula ng negosyo ngunit nag-aalala dahil sa kanilang edad.

Iniisip nila na baka maging dahilan ang kanilang katandaan para magpatakbo o magsimula ng isang negosyo.

Ika nga ng sikat na kanta, “It’s never too late to start all over again.”

Sa mga ganito ang pananaw, nais nating ibahagi sa inyo ang kuwento ni Julie Gandiongco, may-ari ng sikat na Julie’s Bakeshop.

Ngayon, halos kabi-kabila na ang makikita nating sangay ng Julie’s Bakeshop. Mayroon pa itong mga nag-iikot na tindero na nakasakay ng sidecar na naglalaman ng iba’t ibang uri ng tinapay.

***

Alam ninyo ba, mga Kanegosyo, sa edad na limampung taong gulang sinimulan ni Julie ang kanyang negosyo sa Cebu.

Ngunit bago rito, siya ay tumulong sa asawang si Diegs para magpatakbo ng plantasyon ng tubo ng kanilang kamag-anak sa Leyte.

Dahil maliit ang kita, nagpasya si Diegs na magtrabaho sa isang softdrinks factory habang si Julie naman ang nagsilbi niyang tagabantay ng imbentaryo at benta.

Sa hirap ng buhay, nagpasya silang bumalik sa Cebu at doon nagsimula si Julie ng maliit na tindahan at patahian ng damit.

Ngunit dahil hindi pa rin sapat ang kinikita, nagpasya si Julie na magsimula ng canteen sa isang factory ng rattan.

Isa sa mga mabiling produkto sa canteen ni Julie ay tinapay, na kanyang kinukuha pa mula sa ibang bakery.

Kaya isang panadero ang nagmungkahi na siya na mismo ang gumawa ng tinapay para hindi na magbiyahe pa.

Sa tulong ng panadero, nagsimula silang gumawa at magbenta ng tinapay. Dito na nagsimula ang Julie’s Bakeshop, na nagbukas noong 50 anyos na si Julie.

***

Dahil pumatok na ang bakery, nagpasya si Julie na itigil na ang operasyon ng canteen at tutukan na lang ang bagong negosyo.

Sa kabila ng kanyang edad, mismong si Julie ang tumutok sa operasyon ng unang branch na kanyang binuksan sa Wireless, Mandaue City.

Mula sa supply ng harina, itlog at iba pang pangangailangan, tiniyak niyang sapat na ito upang hindi mabitin sa kanilang order.  

Nang madagdagan na ang sangay ng bakeshop, kinailangan na niya ng tulong mula sa iba pang miyembro ng pamilya. Ang kanyang mga anak noon ay may sari-sariling trabaho ngunit nagpasyang tulungan ang kanilang mga magulang sa negosyo.

Mga Kanegosyo, hindi naman sila nagkamali ng desisyon dahil ang Julie’s Bakeshop sa kasalukuyan ay may halos 500 sangay na sa iba’t ibang bahagi ng bansa!

***

Sa edad na 75, ipinaubaya na ni Julie ang pagpapatakbo ng kanyang negosyo sa mga anak. Ginagamit na lang ni Julie ang kanyang oras sa 22 apo at pagbiyahe sa iba’t ibang lugar kasama ang asawang si Diegs.

Kung nagpatalo lang si Julie sa kanyang edad noon, hindi niya sana mararanasan ang ganitong tagumpay.

***

Tulad ni Julie, hindi tayo dapat mag-alala sa ating edad. Habang kaya pa natin, simulan ang pinapangarap na negosyo.Tandaan, kalabaw lang ang tumatanda!

NEGOSYO, NOW NA!: Q&A ng Kanegosyong OF

Mga Kanegosyo, muli nating sasagutin ang mga tanong na ipinadala ninyo sa amin sa aming e-mail at social media sites.

Ito’y bahagi ng ating adhikain at pangako na sisikapin nating matulungan kayo sa pagtatayo ng negosyo.

Naririto ang ilan sa mga tanong na pumasok sa ating e-mail. Hindi na po natin babanggitin ang kanilang pangalang bilang pag-iingat.

***

Isang mapagpalang araw sa inyo, Kanegosyong Bam!

Isa po ako sa mga masugid na sumusubaybay sa iyong makabuluhang kolum. Ang sarap basahin ng mga naibabahagi ninyong mga tagumpay ng ating mga kababayan.

Sa kabila ng hirap at sakripisyo nila ay laging naka-agapay ang tagumpay. Sa mga tiis at paghihintay ay darating ang tamang panahon ng tagumpay.  Ako po ay OF na nakabase dito sa Doha, Qatar ng halos walong taon na.

Nais ko po sanang malaman ang mga training schedule ninyo sa parteng Maynila o sa siyudad ng Quezon para maibahagi ko sa aking mga anak na ngayon ay nag-aaral sa kolehiyo.

Hihikayatin ko sila na makibahagi sa inyong mga pagsasanay at naniniwala po ako na malaki ang maitutulong ng inyong adbokasiya sa kaalaman ng aking mga anak at sa mga kabataang Pilipino sa larangan ng pagnenegosyo.

Mayroon po akong kaunting ipon na puwede naming mapagsimulan at sa tulong ng inyong mga trainings ay maihuhubog ang tamang kaisipan sa pagpapalakad ng isang negosyo  patungo sa tagumpay.

Nawa’y pagpalain at patuloy kayong gabayan ng Poong Maykapal.

Sumasainyo at maraming salamat,

Edward

***

Kanegosyong Edward,

Una sa lahat, nais kong papurihan ang kahanga-hanga mong kasipagan, lalo pa’t nakawalong taon ka na sa Qatar. Batid ko ang hirap ng ating mga kababayan na malayo sa kanilang mahal sa buhay.

Kaya naman pinagsisikapan ng ating tanggapan na maituro sa ating mga kababayan, lalo na sa mga nagtatrabaho sa ibang bansa, ang iba’t ibang kaalaman sa pagnenegosyo.

Sa pamamagitan nito, hindi ninyo na kailangan pang bumalik sa ibang bansa para lang may maipantustos sa pangangailangan ng inyong pamilya.

Sa kasalukuyan, ang tanging Negosyo Center sa National Capital Region ay matatagpuan sa siyudad ng Mandaluyong sa Maysilo Circle sa Plainview.

Ngunit maaari rin kayong magtungo sa ikalawang palapag ng Metro House Building sa Gil Puyat sa Makati kung saan itinatayo ang isa pang Negosyo Center. Kahit ito’y ginagawa pa, pero may mga tao na roon para tumulong sa mga gustong magnegosyo.

Sa mga susunod na linggo, inaasahan natin ang sunud-sunod na pagbubukas ng Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng Kamaynilaan.

May ilan nang naka-schedule na training at seminar na binibigay ang Negosyo Center sa Mandaluyong, sa tulong ng Department of Science and Technology (DOST), kabilang dito ang may kinalaman sa Food Safety Act sa March 16, June 24, Sept 24 at Nov. 16.

Mayroon din silang consultation ukol sa packaging at labeling ng mga produktong pagkain sa July 13. Maliban dito, marami pang training na ibinibigay ang Negosyo Center para sa mga nais magsimula ng negosyo.

Kaya maaaring magtungo ang inyong mga anak sa Negosyo Center sa Mandaluyong upang malaman ang iba’t ibang uri ng negosyo na kanilang puwedeng simulan at mapaunlad sa mga susunod na taon.

Sa tulong nito, puwede na kayong hindi bumalik sa ibang bansa para magtrabaho.

Gumagalang,

Kanegosyong Bam

NEGOSYO, NOW NA!: Giyera ng mga Tsaa

Mga Kanegosyo, paksa ng ating nakaraang kolum ang “Bayani Brew” ni Ron Dizon, na isa sa pumapatok na produktong inumin sa bansa ngayon.

Ngayon, tatalakayin naman natin ang mga hamong hinarap ni Ron at kanyang mga kasama upang maihatid ang kanilang produkto sa mga outlet at maabot ang mamimili.

Bilang kumpanyang nagtitinda ng inumin, aminado si Ron na isa sa mga hamon ay ang kawalan nila ng sariling tindahan o stall.

Kaya malaking bagay ang relasyon nila sa mga partner outlets, lalo na ang malalaking clients.

Aniya, malaking bagay din ang tulong ng kapwa social entrepreneurs at kapwa mga bagong negosyante upang maipakilala ang kanilang produkto.

Mas maganda sa ibang partner, kaunting patong lang sa orihinal na presyo ang kanilang inilalagay sa produkto upang maakit pa ang mamimili na tikman ang “Bayani Brew”.

Isa sa mga haligi ng “Bayani Brew” ay ang kanilang distribution system, na sa ngayon ay kinakaya nilang gawin sa tulong ng isang van.

Dati, kung may usapang toll fee na, hirap sila sa pagde-deliver ng kanilang produkto sa malalayong lugar.

Ngayon, nakahanap na rin sila ng mga partner na magdadala at magbebenta ng produkto sa Metro Manila, Cebu at Davao.

***

Isa rin sa target nila ang maipakalat ang produkto sa buong Pilipinas at madala ito sa ibang bansa.

Sa ngayon, malaking hamon ang dalawang buwang shelf life ng “Bayani Brew” na nagiging hadlang sa pagdadala ng produkto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Pero pinag-iisipan na nilang makipagtulungan sa mga probinsiya upang doon na mismo gawin ang kanilang iced tea.

Sa pamamagitan nito, mas madali na ang pagdadala at distribution ng produkto hanggang sa malalayong lugar sa bansa.

Pinag-aaralan na rin nila ang pagkakaroon ng iba pang flavor na mula rin sa lokal na mga halaman.

 

***

Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng “Bayani Brew,” natupad niya ang pangarap na tumulong sa maraming manggagawa, lalo na sa magsasaka.

Sa kanilang kumikitang pangkabuhayan, buong taon na ang kita ng mga magsasaka dahil madali lang itanim at tumubo ang tanglad at talbos ng kamote.

Ang maganda pa rito, ang pagtatanim ng tanglad at talbos ng kamote ay puwedeng isabay ng mga magsasaka sa kanilang karaniwang tanim gaya ng palay o mais.

***

Sa kabila ng mga pagsubok, hamon at hirap, wala siyang katiting na pagsisisi nang umalis siya sa IT company at sinimulan ang “Bayani Brew”.

Aniya, punumpuno ng kagalakan ang kanyang buhay sa ngayon, lalo pa’t marami siyang natutulungang mga tao sa pamamagitan ng kanilang negosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Bagong Taon, Bagong Produkto

Mga Kanegosyo, isang manigong bagong taon sa ating lahat!

Sana’y naging mabuti at matagumpay ang inyong 2015 lalo na sa pagnenegosyo.  

Ngayong 2016, harapin natin ito ng may positibong pananaw at pag-asa na lalong lumago ang ating mga pangkabuhayan para maabot natin ang mga pangarap natin at ng ating pamilya!

***

Noong Disyembre, muli nating nakausap si Mon Lopez, ang executive director ng Go Negosyo, sa ating programang “Status Update”.

Kamakailan, sinabi niya na naging partner ang Go Negosyo sa katatapos na APEC SME Summit.

Ito ang pagpupulong ng 21 pinuno ng mga ekonomiya sa buong mundo na ginawa rito sa ating bansa.

Isang karangalan para sa ating mga Pilipino ang pangyayaring ito dahil muli na naman tayong kinilala ng iba’t ibang lahi sa ating lumamalago at umuunlad na bansa.

Sa mga hindi nakakaalam, mga Kanegosyo, isa sa mga naging tampok ng nasabing pulong ang pagbibigay diin sa kahalagahan ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) o ang maliliit na negosyo sa kaunlaran ng bansa.

Sa isang joint communiqué sa pagtatapos ng APEC Summit, kinilala ng 21 APEC leaders ang kahalagahan ng MSMEs sa paglaban sa kahirapan at malawakang kaunlaran at nangakong magtatrabaho para sa globalisasyon nito.

***

Sa kuwento ni Mon, isa sa mga napag-usapan sa APEC SME Summit ay ang kahalagahan ng innovation o pagiging iba ng isang produkto upang maging angat sa mga kakumpitensiya sa merkado.

Ayon sa kanya, kailangang kakaiba ang isang produkto upang makaungos sa iba. Aniya, ang pagiging makabago at malikhain ang sagot sa pag-angat ng produkto.

Mahalaga ito lalo pa’t masikip na ang kumpetisyon sa lokal na merkado, kung saan gitgitan ang labanan sa pagitan ng mga negosyanteng Pinoy.

Mahigpit na nga ang kumpetisyon sa pagitan ng lokal na negosyante, pinasukan pa ito ng pumapasok na imported na produkto lalo na sa pagbubukas ng ating mga merkado sa buong mundo.

Napag-usapan namin ni Mon na napakahalaga ang innovation – ang paglalagay ng “bago” o “pagkakaiba” sa ating mga produkto para pumatok sa mamimili.

Nasa packaging man iyan, nasa bagong flavor, nasa kulay, nasa pinagsamang serbisyo, basta kakaiba na kikiliti sa imahinasyon ng mamimili, siguradong tatangkilikin ito ng ating mga kababayan, o kaya pati ang mga dayuhang mamimili pa!

Kung hindi ito mangyayari, malulunod lang tayo sa dami ng produkto sa merkado.

Mga Kanegosyo, sinabi naman namin ni Mon na likas na malikhain ang mga Pinoy at malikot ang mga isip na siyang magagamit natin para patuloy nating gawing kakaiba ang ating mga produkto’t serbisyo.

***

Bilang tulong sa pagpapaunlad ng innovation, isinagawa ng Go Negosyo, sa tulong ng US Embassy, ang programang Youth Entrepreneurship Development, isang tatlong araw na workshop sa iba’t ibang lugar.

Sa nasabing workshop, itinuro sa mga kabataan ang tamang hakbang sa pagsisimula ng negosyo, kabilang na ang kahalagahan ng innovation at kung paano mapapaganda ang positioning para maging angat sa iba.

Tuluy-tuloy ang pagtuturo ng Go Negosyo sa makabago at nagsisimulang negosyante.

Nariyan din ang mga Negosyo Center na itinayo natin para tumulong sa mga nais magtayo ng sariling pangkabuhayan ngayong darating na taon.

Kayo, mga Kanegosyo, ano ang makabago at kakaibang produkto o serbisyo na inyong naiisip? 

NEGOSYO, NOW NA!: Kumpitensiyang Patatas

Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, tinalakay natin kung paano nagsimula sina JoeMag, ang may ari ng matagumpay na negosyong Potato Corner.

Nang nagsisimula pa lamang sila, naharap siya sa isang mabigat na desisyon – ang iwanan niya ang kanyang trabaho o sumuong sa walang kasiguraduhang pagnenegosyo.

Dahil sa pagmamahal sa pamilya at nais na magtagumpay, sumugal siya at naging negosyante.

Sulit naman ang kanyang ginawa dahil nabawi nila ang kanilang puhunan pagkatapos ng isang buwan pa lamang.

***

Ipagpapatuloy natin ngayon ang kuwento nina JoeMag, mga Kanegosyo, lalo na at hindi lang tagumpay ang kanilang naranasan.

Sa pagsikat nila, dumami rin ang nagtayo ng Potato stands sa bansa.  Aniya, sa loob ng dalawang taon, 200 kakumpitensiya ang nagtayo ng katulad nilang nanegosyo.

Marami rin ang nagtanong sa kanila kung sila ba ay nag-fafranchise dahil bilib sila sa potensyal ng negosyo.  May mga nag-alok na rin ng lugar kung saan maaari silang maglagay ng stand.

Pinag-aralang mabuti nilang magkakaibigan kung anong stratehiya ang pinakamainam sa lumalaking negosyo at lumalawak na kumpetesiyon.

Nagdesisyon sila na franchising ang susunod na hakbang para lalong mapalago at mapatibay ang negosyo.

***

Maraming hinarap na hamon ang Potato Corner nang magsimula na silang mag-franchise.

Una rito ay kung sino ang magpapatakbo sa kumpanya. Dahil nga apat silang magbabarkadang nagsimula ng Potato Corner, nagkaroon ng mga gusot at hindi pagkakaintindihan, tulad sa pamumuno.

“Two heads running a business is a monster,” sabi ni JoeMag. 

Napakahalagang maayos ang mga may ari para hindi magulo ang negosyo.  Nagkasundo sila na iisa lang ang magpapatakbo ng negosyo sa araw-araw para hindi magulo.

Naging malaking hamon din ang pagpasok nila sa franchising.  Malaki ang pagkakaiba ng pagpapatakbo ng franchising doon sa company-owned.

Una, kailangang maging tapat at transparent sa lahat ng transaksiyon dahil maraming franchisees ang nakatutok sa operasyon. Naniniwala silang karapatan ito ng franchisee dahil sila’y maituturing na ring may-ari ng kumpanya.

Nauubos din ang oras nila sa pakikipag-usap sa franchisees. Dahil sila’y mga may-ari ng kumpanya, mas gusto nilang kausap ang may-ari rin gaya ni JoeMag.

Idinidiin niya na sa franchising, mahalagang matutukan ang kapakanan ng franchisees dahil sa malaki nilang tulong para mapaangat at manatiling tumatakbo ang negosyo.

May panahon pa sa kasaysayan ng Potato Corner na hindi sila sumuweldo para matugunan lang ang pangangailangan ng mga franchisee.

Sa kabila ng hirap sa merkado, malaki ang pasasalamat nila sa franchising. Sabi nga niya, kung hindi sila sumugal sa franchising, baka nagsara na agad ang Potato Corner.

Makalipas ang 23 taon, mayroon nang 500 tindahan ang Potato Corner sa Pilipinas at 100 sa labas ng bansa, kabilang ang United States, Indonesia, Panama, Singapore at Thailand.

Kaya mga Kanegosyo, huwag matakot sa kumpetisyon. Ituloy lang ang laban sa pagnenegosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Tanong ng mga Kanegosyo

Mga Kanegosyo, maraming salamat sa tuloy tuloy na pagpapadala ng mga tanong at paghingi ng abiso tungkol sa pagnenegosyo sa ating e-mail at mga social media sites. 

Layunin natin na tunay na matulungan ang mga kapwa Pilipino na makapagsimula ng sariling kabuhayan, mapalago ang maliit na negosyo at matulungan ang ating mga pamilya at komunidad.

Narito ang ilan sa mga tanong na ating natanggap.

 ***

Kanegosyong Bam,

Magandang araw po sa inyo, mahal na senador na nagtataguyod ng kabataan at iba pang sektor ng lipunan. Ako si Vincent Gonzales, isang OFW dito sa Gitnang Silangan bilang isang turnero.

Katatapos ko lang basahin ang kolum ninyo sa Abante Online at ako’y nagagalak na may paanyaya kayo para sa mga nais magsimula ng negosyo. Matagal na po akong nagbabasa ng kolum ninyo pero ngayon ko lang napagtuunan ng pansin iyong pinaka-ibaba kung saan nakalagay ang contact details ng inyong opisina.

Matagal na namin gustong magtayo ng bigasan sa lugar ng asawa ko sa Tarlac ngunit sapat lang ang sweldo ko sa pangangailangan ng aking mag-ina.  Tinutulungan ko rin po ang nanay at tatay ko dahil pareho na silang matanda na. 69 na po ang tatay ko at mahina na ang baga, at ang nanay ko naman ay 67 na at bulag na ang isang mata. 

Laking pasasalamat ko nga po sa mabait kong asawa at nauunawaan niya ang pagtulong ko sa mga magulang ko.

Kaya nais ko po sanang lumapit sa inyo para makahiram ng puhunan para makapagsimula kami ng negosyong bigasan. Umaasa ako na madagdag kami sa listahan ng inyong mga natulungan.

Makakaasa po kayo na pagsusumikapan naming mapalago at maibalik ang katumbas na halaga ng inyong ipapahiram sa amin kasama na ang tubo kung mayroon man.

Maraming salamat po!

 Lubos na gumagalang, Vincent.

***

 Kanegosyong Vincent,

Salamat sa iyong sulat.  Tunay na kahanga-hanga ang inyong sakripisyo riyan sa Gitnang Silangan para sa inyong pamilya at sa ating bayan.

 Itinatayo natin ang Negosyo Center sa buong bansa para matugunan ang inyong mga agam-agam sa pagnenegosyo.  Pakisabi sa inyong asawa na bisitahin ito sa 2nd Floor, Anita Building, Zamora St., San Roque, Tarlac City.

Inaasahan natin na handa ang mga business adviser ng DTI roon ang siyang magbibigay ng payo sa inyo sa pagsisimula ng negosyo at maturo kayo sa tamang microfinance institution o lokal na bangko sa Tarlac na puwedeng magpautang sa inyo.

Maliban dito, naka-ugnayan na rin natin si National Food Authority (NFA) administrator Renan Dalisay, na nagsabing pinag-aaralan na nila ang pag-alis ng one-year policy para maging regular rice retailer ng NFA ang isang tindahan. 

Sa aming usapan, sinabi niyang maaaring mabigyan agad ng permit ang sinuman na magtinda ng NFA rice kung ang puwesto ay nasa malayo o mahirap na lugar, lalo na sa mga fishing area.

Mas malaki kasi ang matitipid kung doon na bibili sa kanilang mismong lugar ang mga kababayan nating kapus-palad kaysa gumastos pa sa pamasahe patungong palengke.  

Good luck sa inyong pangarap na bigasan! 

Kanegosyong Bam.

*** 

Kanegosyong Bam,

 Magandang araw po sa inyo! Ako po ay isang seaman at gusto kong makapag-umpisa ng negosyong hollow block-making.  Mayroon po bang CARD-MRI branch sa Misamis Occidental? 

Maraming salamat, Sunny.

*** 

Kanegosyong Sunny,

Magandang araw din sa iyo at sa iyong pamilya!

Ikinalulungkot naming sabihin na sa kasalukuyan, wala pang sangay ang CARD-MRI sa Misamis Occidental.  Sa Dipolog City ang pinakamalapit na sangay at matatagpuan ito sa Katipunan St., Brgy. Miputak, Dipolog City, Zamboanga del Norte.  Maaari silang matawagan sa (065) 908.2211.

Maraming salamt at good luck sa pangarap na negosyong paggawa ng hollow block!

 Kanegosyong Bam

101st Negosyo Center opens Today in Concepcion, Tarlac

The number of Negosyo Centers in the country has breached the century mark with the opening of its 101st branch in Concepcion, Tarlac today (Friday, Oct. 2).

“We are very happy to surpass our target of 100 for the year with three months left. With the rate we’re going, we are on track of reaching 120 before 2015 ends,” said Sen. Bam Aquino, chairman of the Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.

The Concepcion Negosyo Center, located at the ground floor of the Concepcion Municipal Hall, is the second in the province and sixth in Region III, next to Tarlac City, Balanga in Bataan, Olongapo City, Baler and Maria Aurora in Aurora and Malolos in Bulacan.

Sen. Bam, who hails from Concepcion, will attend the inauguration together with Tarlac local officials, led by Gov. Victor Yap, Vice Gov. Enrique “Kit” Conjuangco and Concepcion Mayor Andres Lacson.

Top Department of Trade and Industry (DTI) officials and representatives from private stakeholders, such as the Concepcion Business Club, Philippine Chamber of Commerce and Industry-Tarlac and the Small and Medium Enterprise Development Council (SMEDC) are also expected to attend the event.

Sen. Bam is the main author of Republic Act 10644, or the Go Negosyo Act, which mandates the creation of Negosyo Centers in all provinces, cities and municipalities in the country.

The Negosyo Center will provide access to linkages to bigger markets and financing for businesses, and a unified and simplified business registration process, thus helping ease of doing business and fast-track government processes in putting up a business.

The senator lauded the DTI for making sure that the Go Negosyo Law is being fully implemented for the welfare of micro, small and medium enterprises (MSMEs) in the country.

“I would like to thank the DTI for tirelessly working for the full implementation of the Law and for allowing my office to closely coordinate in the establishment of Negosyo Centers in different parts of the country,” Sen. Bam said.

NEGOSYO, NOW NA!: Tanong sa Pagnenegosyo

Mga Kanegosyo, natutuwa tayo sa pagdagsa ng mga katanungan sa ating e-mail at Facebook na nagpapahayag ng interes na magtayo ng sariling negosyo.

Patunay ito na nagbubunga ang ang ating pagsisikap na maipaabot sa ating mga kababayan, kahit nasa labas pa ng bansa, ang kahalagahan ng pagnenegosyo tungo sa tagumpay.

Kaya naman binibigyan natin ng panahon at pinagsisikapang sagutin ang mga katanungang ito sa abot ng ating makakaya.   Naririto ang ilan sa mga tanong na ating nakuha:

*** 

Kanegosyong Bam,

Nabasa ko po ang isang column ninyo regarding sa pagnenegosyo.  Halos walong taon na po ako rito sa Gitnang Silangan.  Nais ko po sanang mapalago o makapagsimula ng bagong negosyo.

Ako po ay taga-Plaridel, Bulacan at nais kong pasukin ang negosyong wholesale/retail ng palay at bigas. May maliit din kaming tindahan na nais kong palakihin. Nais ko po sanang makahiram ng puhunan para sa naiisip kung negosyo.

Maraming salamat po, Melvin.

 *** 

Kanegosyong Melvin,

Maraming salamat sa inyong sulat! Una, alamin muna natin kung gaano karaming palay ang naaani ninyo kada tanim, kung gaano kalaki ang inyong palayan at kung mayroon kayong binibentahang palay o bigas sa ngayon.

Tapos, maaari na kayong pumunta sa lokal na opisina ng Department of Agriculture sa Plaridel, para mapag-aralan nila kung handa ang inyong palayan na magbenta nang wholesale.  Sa paraang ito, masusukat ninyo ang kakayahang magbenta nang maramihan.

Tungkol naman sa inyong maliit na tindahan, marami po ba kayong produktong binebenta o iilan lang ang inyong tinitinda?  Saan ang lugar ng inyong tindahan? 

Para mas matulungan kayo, maaari kayong pumunta sa Bulacan Negosyo Center sa ground floor ng Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos, Bulacan, na tamang tama ay dinaluhan natin ang pagbubukas kamakailan.

Bisitahin ninyo ang Negosyo Center doon upang mabigyan kayo nang tamang payo at makahanap ng microfinance institution na puwede ninyong mautangan.

Kanegosyong Bam

***

Kanegosyong Bam,

Isa po akong OFW na nagtatrabaho sa Qatar ngunit sa Binondo, Manila nakatira ang pamilya. Nais ko po sanang humingi ng ideya kung ano ang puwede kong pasuking negosyo. Mayroon po ba kayong mga babasahin para po kapulutan ng ideya kung ano ang dapat isa isip pagmagsisimula ng maliit na negosyo?

Nagpapasalamat, Rod

***

Kanegosyong Rod,

Maraming salamat sa inyong e-mail. Malapit nang magbukas ang Negosyo Center sa Maynila at maaari kayong pumunta roon o sinuman sa inyong mga kamag-anak upang may makausap na business counselor na siyang magbibigay ng tama at akmang payo para sa naiisip na negosyo.

 Sa ating batas na Go Negosyo Act, minamandato natin ang pagtatayo ng Negosyo Center para matulungan ang mga gaya ninyo na gustong magtayo ng sariling negosyo nang makauwi na galing sa ibang bansa at makasama ang pamilya. Para rin ito sa mga may kabuhayang nais pang palakihin ang kanilang negosyo.

 Puntahan din ang mga website ng DTI (www.dti.gov.ph), Go Negosyo Movement (www.gonegosyo.net), ng kolum na ito (www.abante.com.ph) o ng inyong abang lingkod (www.bamaquino.com) para sa mga tips ng pagnenegosyo at kuwento ng tagumpay ng ibang mga negosyanteng Pilipino.

Maraming salamat at nais namin na ang inyong matagumpay na karanasan sa pagnenegosyo ang siyang itatampok namin sa susunod!

Kanegosyong Bam

Pangarap nating makamit ninyo ang tagumpay sa pagnenegosyo!

Negosyo, Now Na!: Mga kuwento ng tagumpay

Mga Kanegosyo, nais nating ibalita sa inyo na tuloy-tuloy ang pagbubukas ng mga Negosyo Center sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.  

Batay sa ating batas na Go Negosyo Act, magtatayo ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mga Negosyo Center sa bawat lalawigan, lungsod at munisipalidad na siyang tutulong sa maliliit na negosyante na lumago at magtagumpay.

Kamakailan lang, nagtungo ang inyong lingkod sa Legazpi City sa lalawigan ng Albay para buksan ang dalawang Negosyo Center doon.

Sa huling bilang, mga Kanegosyo, mayroon ng 90 Negosyo Center sa buong bansa. Inaasahan natin na bago matapos ang taon ay papalo na ito sa 140, higit sa naunang target na 100 para sa 2015.

Nais nating mapag-iibayo pa ang pagtulong sa mga kababayan nating nais magsimula ng sari­ling negosyo o ‘di kaya’y magpalawak ng merkado.

*** 

Mga Kanegosyo, marami na tayong natatanggap na kuwentong mga natulungan na nais nating ibahagi ngayon.

Patuloy pa ring dinadagsa ng mga negosyan­te kauna-unahan­g Negosyo Center sa Pilipinas na makikita sa Cagayan de Oro.

Sa huling bilang, aabot na sa 1,000 kliyente ang kanilang napagsilbihan nang ito’y buksan noong Nobyembre.

Sa Mandurriao, Iloilo, nabigyan naman ng malaking tulong ang dating overseas Filipino worker (OFW) na si Myrna Rojo.

Matapos ang ilang taong pagtatrabaho bilang baker sa Brunei, nagpasya siyang umuwi sa Pilipinas noong 2014 at magsimula ng kanyang negosyo.

Upang makakuha ng tamang paggabay, lumapit siya sa Negosyo Center noong Pebrero 2015, dumalo sa isang seminar sa pagnenegosyo at sumailalim sa isang consultancy session para sa business plan noong Marso.

Dumalo rin siya ng seminar ukol sa food safety, tamang proseso ng manufacturing, labelling at financing.

Pagkatapos ng mga ito, nabuo niya ang kanyang business plan at kamakailan ay binuksan na niya ang kanyang pa­ngarap na negosyo!

***

Sa pagnanais na magkaroon ng sariling tindahan ng bibingka, lumapit naman si Ramil Jaro ng Balasan, Iloilo sa Negosyo Center upang humi­ngi ng abiso kung paano makakapagsimula.

Bilang paunang payo, pinadalo muna siya sa financing forum para sa maliliit na negosyo noong Hunyo 2015 at sumailalim sa pag-aaral ukol sa labe­ling ng processed foods.

Pagkatapos mai-apply ang business name, trademark at logo ng RJ Balasan Bibingka, nakakuha na siya ng pautang na P50,000 mula sa CARD Bank, na isa sa microfinancing institution.

Ngayon, patuloy ang paglakas ng tindahan ni Ramil sa Balasan.

*** 

Mga Kanegosyo, ilan lang ito sa mga kuwento ng tagumpay sa tulong ng ating Negosyo Center.

Sa mga nais magnegosyo, huwag nang magdala­wang-isip pa. Magtungo na sa pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar para maumpisahan na ang pa­ngarap na sariling negosyo.

Malay ninyo, ang kuwento ninyo ating susunod na itatampok para maging inspirasyon sa iba pang Pilipino!

 

First Published on Abante Online

 

 

7 Posibleng Focus Areas sa mga Huling Buwan ng Aquino Administration

Naghahanda na ang bayan sa 2016 na halalan ngunit may oras pa ang administrasyong Aquino na i-push ang pag-unlad ng Pilipinas. Ang kailangan lang ay fortitude at focus. Kaya ‘eto ang 7 na posibleng target areas para sa huling hirit ng Aquino Administration!

1. Pabutihin ang ating public transportation systems. Ramdam na ramdam ng mamamayan hindi lamang ng ng mga taga-Metro Manila, pati na rin sa mga kalapit na probinsya ang mga problema sa pampublikong transportasyon. Maliban sa buhol-buhol na trapik, lalo lang lumalala ang pila at siksikan sa MRT/LRT, jeep, bus, at FX. May oras pang ayusin ang mga ito para mabawasan ang stress ng Pinoy commuters!

mrt

2. Tutukan ang K to 12 implementation. Nalalapit na ang implementasyon ng senior high school sa bansa at may malaking potential ang K to 12 program na iangat ang kakayahan ng ating mga graduates. Hindi ito simpleng reporma kaya kinakailangang tutukan nang mabuti ang roll out nito. Open ang DepEd sa mga suggestions natin at maaari ring maging involved sa inyong local public school. (For concerns and suggestions, email action@deped.gov.ph or call 636-1663/633-1942.)

kto12

3. Patibayin ang ating agricultural sector. Isa sa sa mga sektor na nangangailangan ng tulong ay ang mga magsasakang Filipino. Dapat lang silang tulungan na maging efficient sa paggamit ng mga makabagong technology na makakapagpadami ng ani para matugunan ang demand ng merkado. Kailangang maisama ang mga magsasaka sa sustainable supply chain gaya na lamang ng mga Kalasag farmers na pangunahing supplier ng Jollibee ng sibuyas. Dahil sa programang ito, naging steady ang kanilang produksyon at umunlad ang kanilang mga buhay.

Dito makakatulong ang mga Negosyo Center na itinatayo sa Pilipinas. Makakakuha ng suporta ang mga negosyanteng Pinoy dito, magsasaka man, market vendor, tricycle business owner, o craftsmaker, para mapalago ang kanilang mga pangkabuhayan.

Kalasag Farmers

4. Siguraduhin na patas ang labanan sa pagnenegosyo. Sa era ng ASEAN economic integration, lalong dadami ang papasok na negosyante sa Pilipinas. Ang Philippine Competition Act ay naisabatas na upang siguraduhin na walang pang-aabuso ng dominant position at walang matatapakang micro, small, and medium enterprise (MSMEs). Ngayong mayroon na tayong rule book sa pagnenegosyo, challenge ang makahanap ng mga mahuhusay, matatalino, at tapat ang mapapabilang sa Philippine Competition Commission (PCC) para ma-enforce ang patakaran laban sa anti-competitive acts.

PhilippineCompetitionAct

5. Protektahan ang Filipino consumer. Sa pagdami ng mga negosyo at produkto sa merkado dala ng kumpetisyon, dadami ang puwedeng pagpilian ng ating consumers. Kalidad ang magiging labanan ng mga produktong bukod sa presyo. Subalit, mas exposed rin tayo sa sub-standard products at mga posibleng scams! Kailangang patuloy na bantayan ang karapatan ng mga consumers at i-revisit ang ating Consumer Protection policies.

consumerprotection

6. Tutukan ang pagpasa ng mga mahalagang panukala. May oras pa para maisabatas ang mga landmark bills na pending sa Kongreso. Ready na ang sambayanan na ibahin ang sistema ng pagpili ng mga mamumuno at magkakaraoon na ng pagkakataon ang mga bagong mukha at pangalan sa halalan sa tulong ng Anti-Dynasty Law at SK Reform Bill. Tuluyan na ring dapat isulong ang ilan pa sa mga mahahalagang batas gaya ng FOI bill at Basic Bangsomoro Law.

landmarkbillsof16thcongress

7. Siguraduhin na malinis at maayos ang nalalapit na Eleksyon. Sa final leg ng administrasyon, sana’y dumami pa ang mga Pilipinong makikilahok sa pagboto ng mga karapat dapat na lider ng ating bansa. Kakabit nito ay ang mas maayos na proseso ng pagreregister at ang actual na pagboto sa 2016. Huwag hayaan na mamuno ang mga may pansariling intensyon lamang. Maging bukas ang isip at maging masuri sa lahat ng kakandidato.

Huling hirit na natin ito at marami pa tayong mababago upang sundan ang ‘daang matuwid’! Ilitaw ang diwa ng bayanihan at makiisa sa pagkilos tungo sa pagbabago!

ballotsecrecyfolder

Ano sa tingin ninyo ang kailangang bigyang pansin ng administrasyong Aquino sa mga huling oras nito? Sama-sama nating isulong ang pag-unlad ng Pilipinas! Share ninyo naman ang mga ideya ninyo sa team.bamaquino@senado.ph!

Scroll to top