NEGOSYO, NOW NA!: Negosyo mula sa bente pesos
Mga kanegosyo, una sa lahat, humihingi ako ng paumanhin sa matagal na pagkawala ng kolum na ito.
Ilang buwan din tayong nawala dahil tumayo ako bilang campaign manager ni vice president Leni Robredo noong nakaraang halalan.
Kasabay nito, pansamantala ring nahinto ang ating programa sa radyo – ang Status Update – sa DZXL 558.
Sa ating pagbabalik, nais kong ibalita na nagbabalik tayo sa radyo bilang co-host ni Cheska San Diego sa programang Go Negosyo sa Radyo – sa DZRH 666 KHZ — sa pakikipagtulungan ng Go Negosyo at MBC.
Mapakikinggan ito tuwing Biyernes, mula alas-dos hanggang alas-tres ng hapon. Mapanonood din ito sa livestream sa dzrhnewstelevision.tv.
Sa nasabing programa, pinalitan natin si Mon Lopez, na itinalaga ni Pangulong Duterte bilang kalihim ng Department of Trade and Industry (DTI).
***
Kabilang sa mga naging panauhin namin sa programa ang mag-asawang Rosiell at Rudy de Leon, may ari ng Bianca and Nica’s Ice Candy Factory.
Maganda ang istorya ng mag-asawa dahil sinimulan at pinalaki nila ang negosyo gamit lang ang bente pesos na puhunan.
Kung titingnan ngayon, malayo ang kalagayan sa buhay ng mag-asawa nang simulan nila ang negosyo noong 2011.
Walang trabaho noon si Rudy at naubos na ang kanilang ipon sa bangko. Nag-aaral din ang dalawa nilang anak, kaya desperado na si Rosiell sa paghahanap ng ikabubuhay.
Hawak ang bente pesos na natitira nilang pera noon, naisip ni Rosiell na magtinda ng yelo dahil sila lang ang may refrigerator sa kanilang lugar noon sa Antipolo.
Ginastos ni Rosiell ang bente pesos para bumili ng 100 pirasong plastic ng yelo. Nang maibenta ito, lumago ang kanilang puhunan sa P300.
Ginamit naman ito ni Rosiell para bumili ng sangkap sa paggawa ng 100 piraso ng ice candy. Ibinenta niya ito sa halagang limang piso kaya lumago sa P500 ang kanilang kita.
Dito na nagsimulang lumaki ang negosyo ng mag-asawa, na ipinangalan nila sa dalawang anak.
Ayon kay Rudy, nakuha nila ang ideya na magtinda sa paaralan mula sa kanilang mga anak.
Upang pumatok sa mga bata ang kanilang produkto, itinakda nila sa tatlong piso ang presyo ng ice candy at dinagdagan pa ang flavor.
Nagbunga naman ang hakbang na ito dahil sa unang buwan, kumita ang mag-asawa ng P400,000 sa eskuwelahan ng kanilang mga anak.
Sa sumunod na dalawang taon, umakyat sa labintatlo ang mga eskuwelahan na naaabot ng kanilang produkto.
Sa kasalukuyan, nagbebenta na ang Bianca and Nica’s Ice Candy Factory ng 24 flavors sa mahigit 100 paaralan sa National Capital Region at sa lalawigan ng Rizal.
Ang kuwento nina Rosiell at Rudy ay magandang inspirasyon at aral sa mga nais magnegosyo. Walang imposible sa pagnenegosyo, basta’t tama ang lokasyon at swak ang ibebentang produkto sa merkado.
Recent Comments