Negosyo Now Na

NEGOSYO, NOW NA!: Kabiguan

Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, pinag-usapan natin ang mga sikreto ng ating mga kababayang Tsino sa kanilang pagnenegosyo.

Ang kanilang kasipagan, determinasyon at ang diskarteng, “low profit margin for high sales volumes,” ay maaari nating tularan sa ating sari­ing mga negosyo nang lumago rin tayo tulad nila.

Ngayong linggo naman, pagkuwentuhan natin ang mga Amerikanong sina Steve Jobs, Walt Disney at Bill Gates. Ano kaya ang pagkakapareho ng malalaking mga negosyanteng ito?

Maliban sa sila’y kila­lang matagumpay sa kani-kanilang mga larangan ng pagnenegosyo, hindi alam ng marami na dumanas din sila ng malaking kabiguan na muntik na nilang ikinabagsak.

Tulad na lang ng namapayapang si Steve Jobs, na sinibak noong 1985 sa kumpanyang Apple na siya mismo ang nagtatag.

Napakasakit siguro ito, mga Kanegosyo, na tanggalin ka sa kumpanyang ikaw ang nagsimula.

Sa halip na panghinaan ng loob, sinimulan ni Steve ang NeXT, isang computer workstation para sa mga teacher ngunit hindi ito bumenta.

Nakabangon lang si Jobs nang bilhin ng Apple ang NeXT noong 1996 at muli siyang nakaupo bilang interim CEO.

Pagkatapos, pinamunuan niya ang paggawa ng iPod, iPad at iPhone, na naglagay sa Apple bilang isa sa matagumpay na kumpanya sa buong mundo.

***

Noong 1970s, sinimulan naman nina Gates at kaibigang si Paul Allen, na noon ay parehong nasa high school pa lang, ang Traf-O-Data, isang computer business na automatic na nagbabasa ng paper tapes mula sa traffic counters para sa lokal na pamahalaan.

Ngunit hindi nagtagumpay ang kanilang ideya nang magpasya ang estado ng Washington na gawing libre ang pagbibilang ng tapes para sa mga siyudad.

Gamit ang natutunan sa bigong negosyo, mu­ling gumawa ang dalawa ng isang start-up business na tinawag nilang “Micro-Soft”.

Tulad ng Apple, ang Microsoft ang isa sa pinakamalaking negosyo ngayon ng computer hardware at software.

***

Bago naging kilalang gumagawa ng animated movies, nakaranas ng malalaking pagkalugi si Walt Disney noong 1920s at 1930s.

Nawala na sa kanya ang rights para sa sikat na character na si Oswald the Lucky Rabbit, baon pa sa utang na apat na mil­yong dolyar ang kanyang kumpanya.

Pagkatapos ng ilang taong pagkabigo at paghihirap, nakabangon si Walt Disney nang ilabas niya ang “Snow White and the Seven Dwarfs” noong 1938.

Sa tulong ng nasabing pelikula, muling nakaba­ngon si Walt at naitayo niya ang Walt Disney Studios in Burbank, California, na siyang isa sa pinakamalaking anima­ted movies company sa mundo.

***

Dito naman sa atin, dumaan din sa kabiguan sina Leo at Josephine Dator, ang mga may-ari ng duck farm sa Laguna.

Hindi lang isa, kundi dalawang bagyo, ang dinaanan ng mag-asawa bago naging matagumpay ang kanilang negosyo.

Noong Dekada ‘80, nangutang sina Leo at Josephine, na noo’y kakakasal lang, ng P15,000 upang magtayo ng isang bukid ng mga pato sa Laguna.

Ngunit naglaho ang kanilang pinaghirapan nang tumama ang bagyong Rosing noong 1995.

Dalawang taon pa ang kinailangan upang maka­bawi ang mag-asawa. Noong 2006, inilunsad nila ang “Itlog Ni Kuya”.

Subalit humagupit naman ang bagyong Milen­yo sa bansa kaya mu­ling naglaho ang kanilang farm business.

Naubos na ang kanilang puhunan dito sa Pilipinas. Kaya nagdesisyon silang lumipad papuntang US at nagtaya sila sa negosyong housekeeping.

“Dapat ako lang ang aalis pero hindi pumayag si Leo dahil alam niya hindi ko naman alam ang ganoong trabaho,” saad ni Josephine.

Matapos ang isang taon, nagbalik sila sa Pilipinas at binuhay ang kanilang duck farm. Ngayon, may 1,000 itlog na produksyon ang kanilang farm kada araw.

Ang kabiguan ay bahagi na ng pagnenegosyo. Ang mahalaga rito ay kung paano gagamitin ang pagkabigo upang makabangon at makamit ang iyong tagumpay!

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Sikreto ng mga negosyanteng Tsino

Mga Kanegosyo, ipinagdiwang ng mga Tsino ang pagpasok ng Year of the Wooden Sheep noong nakaraang linggo.

Pagsapit ng ganitong panahon, nariyan na ang usapan tungkol sa mga pampasuwerte para sa Bagong Taon. Naririyan na ang mga pangontra sa malas, feng shui at iba pang pampasuwerte pagdating sa negosyo.

Pero mukhang hindi yata ito kailangan ng mga Tsino kung negosyo ang pag-uusapan. Marami akong mga nakilalang Tsino na naging matagumpay sa pagnenegosyo. Naririyan na sina Henry Sy, Lucio Tan, Lucio Co, ang pamilya Gokongwei at maraming iba pa.

Kahit sa maliliit na negosyo, patok rin ang mga Tsino, na karamihan ay nasa larangan ng pagtitinda, gaya ng sari-sari store, stalls sa mga tiangge at restaurant.

Bakit kaya patok sa pagnenegosyo ang mga Tsino? Ano ba ang kanilang sikreto sa tagumpay?

***

Sa pakikipag-usap ko sa kanila, natutukoy nila ang kasipagan at determinasyon bilang dalawa sa mga katangiang isinasa­buhay nila sa pagne­negosyo.

Magandang halimbawa rito ang kuwento ni Li Ka-Shing, ang pinakamayamang entrepreneur sa China.

Sa murang edad na 12, pasan na niya ang responsibilidad na buhayin ang pamilya nang mamatay ang ama sa tuberculosis.

Kasabay ng pagta­trabaho, sinabayan din niya ito ng sariling pag-aaral gamit ang mga libro na may kinalaman sa negosyo.

Sa kabila ng pagiging abala sa bahay at trabaho, hindi nawala ang sipag niya sa pag-aaral, na kanyang nagamit nang itayo niya ang sariling kumpanya ng plastic sa edad na 22.

Nang bumagsak ang merkado ng plastic, nanatili siyang determinado. Agad siyang lumipat sa property development at services dahil umuusbong ito noon.

Hindi niya inalintana ang pagkabigo at sumuong ulit siya sa pagnenegosyo. Kahit marami ang nagsabing hindi niya kakayanin, hindi niya pinakinggan ang mga ito at ipinagpatuloy ang pagnenegosyo hanggang lumaki ang kanyang kumpanya at makaahon sa kahirapan.

Ngayon, si Li na ang may-ari ng Cheung Kong Holdings Inc. na nagkaka­halaga ng $48.3 bilyon.

***

Isa ring diskarte na aking naririnig mula sa kanila sa pagnenegosyo ang prinsipyo ng “low profit margin for high sales volumes”.

Mainam para sa kanila ang kahit maliit lang ang kita, basta’t ‘di natu­tulog ang puhunan. Kahit isang kusing lang ang tubo ay mas mabuti kaysa sa walang kita.

Para sa kanila, ang lahat ng malaki ay nagmu­mula sa maliit. ‘Di mabubuo ang piso kung walang singko.

Ganito ang umiiral na istilo ng mga negosyanteng Tsino sa popular na 168 Mall sa Divisoria.

Kahit halos balik puhunan na ang benta nila sa damit o iba pang gamit, ayos lang dahil mas mahalaga sa kanila ang maka­benta ng marami.

Sa ganitong sistema nga naman, hindi natu­tulog ang puhunan at mabilis ang ikot ng pera. Mas maganda na ito kaysa sa matagal nakatengga ang mga paninda.

Hindi masama na pag-aralan din natin ang sistema ng pagnenegosyo ng mga Tsino. Malaki ang maitutulong nila para marating din natin ang tagumpay na tinatamasa nila sa negosyo.

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Pagtitiyaga

Mga Kanegosyo, sala­mat sa muli ninyong pagbabasa sa ating kolum.

Umaasa ako na sa ibi­nabahagi naming mga munting kaalaman, nakatu­tulong kami upang kayo ay magtayo ng negos­yo o ‘di kaya’y palawakin pa ang kasalukuyan ninyong business.

Ano ang makabagong gimik na ginawa ninyo noong Valentine’s Day para lalong bumenta ang inyong mga produkto? Sa pagkakaroon ng originality mapupukaw natin ang mga mamimili sa ating mga negosyo.

Ngayon naman, pag-uusapan natin ang kahala­gahan ng perseverance sa isang negosyo.

Mga Kanegosyo, sa aking karanasan bilang isang negosyante, napakahalagang katangian ang perseverance o hindi pagsuko lalo na sa panahon kung saan sunud-sunod ang mga problemang dumarating sa negosyo.

Kung minsan, may ilang negosyante na sumusuko na lang kapag nahaharap sa isang mahirap na sitwasyon.

Mayroon namang pipiliin na lang na tumunganga kapag hindi sumasang-ayon sa kanyang mga plano ang takbo ng negosyo.

Kailangang tanggapin natin na karaniwan na ang mahirap na sitwasyon o kabiguan kapag ikaw ay pumasok sa pagnene­gosyo.

Sa halip na sumuko, gamitin natin ito upang tayo’y matuto. Sa pamamagitan nito, mailalagay natin sa tamang takbo ang ating negosyo.

***

Wala nang gaganda pang halimbawa ng perseverance ang karanasan ni Amis Quizon Tumang, na isa dating basketball player ng San Beda.

May pangarap siyang gumawa ng tunay na Pinoy sports apparel brand na tatapat sa mga imported na produkto pagdating sa kalidad sa mas mababang presyo.

Kaya sinimulan ni Amis ang Amazing Playground ilang taon na ang nakalilipas kasama ang ilang partner. Pinasok nila ang paggawa ng jerseys at jackets para sa mga kaibigan.

Pumatok naman agad ang produkto ni Amis, lalo na sa mga kabataan dahil sa kakaiba nilang disenyo ng jersey at iba pang sports apparel.

Mabilis na umasenso ang kanyang negosyo.

Subalit ang hindi alam ni Amis, niloloko na pala siya pagdating sa pera ng kanyang partner pati na rin ng kanyang mga pahinante’t trabahador, na nagdadala ng produkto sa iba’t ibang lugar nang hindi niya nalalaman.

Isang araw, nagising na lang si Amis na anim na piso na lang ang pera.

Sa kabila ng matinding pagsubok na ito, nanati­ling determinado si Amis. Muli niyang inumpisahan ang pangarap na magkaroon ng sariling brand mula sa wala.

Sa una, naging mahirap para kay Amis na ibangon ang nasimulang negosyo ngunit sa tulong ng pamilya at mga tunay na kaibigan.

Inayos lahat ni Amis ang lahat — mula sa financial management, pagpapaganda ng produkto, ang marketing at pagbebenta, at iba pa.

Makalipas ang mahabang panahon at walang gabing tulog, nakilala rin siya na gumagawa ng kakaibang jerseys, jackets at streetwear na gawang Pinoy.

Kung agad sumuko si Amis, hindi sana niya naabot ang estadong kinalalagyan niya ngayon.

Kaya mga Kanegosyo, huwag tayong susuko kaagad sa harap ng mga problema. Laban lang nang laban!

 

First Published on Abante Online

NEGOSYO, NOW NA!: Expertise

Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, tinalakay natin ang kaha­lagahan ng ­integridad sa pagnenegosyo — na ang pagiging tapat sa pag­pa­patakbo nito at ang hindi panloloko ng mga mamimili at supplier ang isa sa mga susi para magtagal at maging matagum­pay ang ating mga negos­yo.

Ngayong linggo nama­n, pag-usapan natin ang tungkol sa ­pagiging bihasa natin sa ­larangan na ating papasukin upang mas maging malaki ang bentahe ng itatayo ­nating negosyo o pagkaka­ki­taan.

Mas mahirap kasing magsimula at umasenso kung wala tayong alam o mangangapa pa sa negosyong itatayo. Baka mas matatagalan ang pag-a­ngat ng negosyo kung hindi kabisado ang linya ng papasukin.

Halimbawa, kung ang linya natin ay may ­kaalaman sa ­computer ngunit laundry shop ang ating papasukin, mas maraming detalye ang kailangang ­pag-aaralan bago magkaroon ng gamay sa pagpapatakbo ng isang laundry shop.

Sa isang artikulo sa Forbes.com, isa sa mga website na tumatalakay sa matatagumpay na negosyo, ang pagiging bihasa sa larangan ay ang pinakamalaking sandata ng isang entrepreneur.

Sa paliwanag ng nagsulat na si Kevin Ready, isang negosyante, manunulat at marketing specialist, kapag bihasa na tayo sa larangang pinasok, makakabisado na ang pasikot-sikot nito at mas madali nang malusutan ang kahit anong uri ng problema.

Maliban dito, ­dahil alam na ang sistema ng pagpapatakbo sa negos­yo, mas madali nang mailalatag at mapagha­handaan ang mga plano’t programa para sa hinaharap.
Magiging kabisado na rin ang galaw ng merkado; mas madali nang makapag-adjust sa mga produkto o serbisyo na ipapasok.

Puwede rin namang pumasok sa mga negosyong wala tayong karanasan. Mas magiging malaki nga lang ang kailangang habulin.

***

Natapos ni Dra. Vicky Belo ang Bachelor of Science sa UP Diliman noong 1978 at nakumpleto ang kanyang degree sa Medicine and Surgery sa University of Sto. Tomas noong 1985.

Nagtrabaho muna siya ng isang taon bilang resident doctor sa Makati Medical Center bago pinursige ang kanyang diploma sa Dermatology mula sa Institute of Dermatology sa Bangkok, Thailand noong 1990.

Pagbalik niya ng Pilipinas, sinimulan niya ang pangarap na magtayo ng sariling clinic para sa liposuction at laser sa isang 44-metro kuwadradong espasyo sa Medical Towers sa Makati.

Malaking sugal ang ginawa niya dahil noong mga panahong iyon, bihira lang ang mayroong ganitong uri ng klinika sa bansa at kakaunti pa lang ang may interes na suma­ilalim sa tinatawag na enhancement.

Sa una, mabagal ang dating ng kliyente dahil puro mayayaman lang ang nagpupunta sa clini­c niya.
Ngunit ­dalawang ling­go ang nakalipas mula nang buksan niya ang klinika, bumisita ang isang sikat na singer na kanyang naging regular na kliyente at modelo.

Kumuha rin siya ng isang publicist na isa ring kilalang TV host upang ipakilala sa madla ang kanyang klinika.
Mula noon, sabi nga nila, the rest is history. Dahil eksperto si Dra. Belo sa kanyang negosyo, maraming serbisyo ang kanyang nailabas para sa merkado.

Dalawampu’t limang taon ang nakalipas, malayo na ang narating ng Belo Medical Group. Ito na ang itinuturing bilang numero unong medical aesthetic clinic sa bansa.
Mula sa maliit na klinika sa Makati, nga­yon ay mayroon nang siyam na klinika sa Metro Manila at tig-isang klinika sa Cebu at Davao.

Basta’s bihasa sa larangan na papasukin, hindi na mangangapa at kadalasan, mas magiging mabilis pa ang pag-angat ng negosyo!

 

First Published on  Abante Online

 

 

Scroll to top