Negosyo Now Na. Bam Aquino Column

Negosyo, Now Na!: Be Hapee

Mga Kanegosyo, anong naiisip ninyong produkto kapag narinig ninyo ang kantang, “Kumukuti-Kutitap?”

Ito ang Hapee Toothpaste na gawa ng Lamoiyan Corporation, na nagpabago sa merkado ng toothpaste sa bansa. Nagawa nitong makipagsabayan sa international brands dahil bukod sa abot-kaya na, world-class pa ang kalidad ng kanilang produkto.

Kamakailan, nagkaroon tayo ng pagkakataong makapanayam si Cecilio Pedro, ang may-ari ng Hapee Toothpaste, sa ating programang, “Status Update”, sa DZXL 558.

Sa ating talakayan, ikinuwento niya ang mga hirap at pagsubok na dinaanan ng kanyang kumpanya bago narating ang estado bilang top local toothpaste manufacturer.

Noong 1986, manufacturer siya ng aluminum tubes para sa dayuhang kumpanya na Colgate. Sa isang malawakang desis­yon, inabisuhan sila na tatapusin na ang kanilang kontrata dahil hindi na gagamit ang Colgate ng aluminum tubes, kundi plastic laminated tubes na.

Pinagsakluban siya ng langit at lupa nang malaman nila ang desisyong iyon. Milyun-milyong tubes na kada buwan ang inilalabas niya kaya sangkatutak ang kanyang stock. Bukod doon, mayroon siyang 200 emple­yado na mawawalan ng trabaho — 200 pamilyang maaapektuhan sa pagtapos na kanilang kontrata.

Napaiyak na lang siya. Ano ang kanyang gagawin sa tambak na tubes at sa mga empleyadong mawawalan ng pangkabuhayan?

***

Mga Kanegosyo, maaaring tumumba at tumupi ang mga negos­yante sa gitna ng krisis na ito. Subalit para kay Cecilio, ginamit niya ang pagsubok na ito upang makabalik sa kanilang paa at magtagumpay.

Gamit ang kung anong mayroon siya — tubes at tauhan — nagpasya siya na sila mismo ang gumawa ng toothpaste, gawang Pinoy na para sa Pinoy.

Ipinadala niya ang kanyang mga chemist sa Japan para pag-aralan ang paggawa ng toothpaste. Gumawa sila ng iba’t ibang flavor ng toothpaste para sa mga batang Pinoy at panlasang Pinoy.

Naisip nila na masayang karanasan ang pagsisipilyo. Kaya ipinangalan nilang “Happy” ang kanilang produkto. Upang mas lalong ma­ging Pinoy, ginawa nilang “Hapee” ito. Ginamit pa nila ang napaka-catchy na “Kumukuti-kutitap” na slogan.

Higit sa lahat, nailabas nila ang kanilang toothpaste sa unang bagsak ng merkado sa napakamurang halaga dahil gawa na ang kanilang aluminum tubes. 

*** 

Mga Kanegosyo, napakaraming mga aral ang matutunan sa kuwento nila.

Sa ating buhay pagnenegosyo, kailangang tibayan talaga ang loob sa gitna ng pagsubok. Kahit gaano kalaki ang kumpan­ya, may mga pangyaya­ring hindi maaasahang puwedeng magpasara sa negosyo.

Mahalaga rin na ma­ging malaya tayo sa kung anong kalakasan at kahinaan ng negosyo at gamitin ang kaalamang ito para sa lalong pagpapalago o panimula ng pangkabuhayan. Sa kaso nila, sumuong sila sa paggawa ng toothpaste dahil mayroon silang mga aluminum tubes, factory at tauhang gagawa nito.

Gaya rin nang nabanggit natin noon, kailangang napakataas ng kalidad ng ating mga produkto, lalo na kung nais nating makipagsabayan sa mas malalaking kumpanya. Nakagawa ng iba’t ibang flavor ng toothpaste ang Hapee na siyang ikina­giliw ng mamimili, lalo na ang mga bata.

Panghuli, hindi rin natin isasantabi ang marketing ng ating produkto. Sa napakamalikhaing pa­ngalan at slogan, nakuha ng Hapee Toothpaste ang kiliti ng ating mga mamimili.

Mga Kanegosyo, sana’y nabigyan kayo ng inspirasyon at aral ang kuwento nina Cecilio. Sa susunod na linggo, tatalakayin naman natin ang kanilang pag-empleyo ng mga PWDs at kung paano nakatutulong ito sa kanilang patuloy na tagumpay.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top