NEGOSYO, NOW NA!: Ex-OFW may patok nang negosyo
Mga kanegosyo, madalas ay nahihirapan ang ating overseas Filipino worker (OFWs) na makakita ng hanapbuhay sa Pilipinas kapag natapos ang kanilang kontrata.
Ang iba, matagal na naghihintay ng panibagong pagkakataon para makabalik sa ibang bansa at makapaghanapbuhay.
Kung minsan, ang iba sa kanila ay hindi na makakabalik sa ibang bansa at nananatiling walang trabaho o anumang pagkakakitaan sa Pilipinas dahil sa kakulangan ng oportunidad.
Ito ang isa sa mga problemang nais tugunan ng Negosyo Center. Nais nating mabigyan ng pagkakataong makapagsimula ng bagong negosyo ang ating mga bayaning OFW upang hindi na sila kailangang mangibang bansa pa para lang makapaghanapbuhay.
***
Ganito ang kuwento ni Butch Pena, na bumalik sa bansa nang matapos ang kanyang trabaho sa abroad.
Habang naghihintay sa panibagong kontrata, naghanap si Butch at asawang si Gilda ng ibang pagkakakitaan upang matugunan ang pangangailanan at pag-aaral ng kanilang mga anak.
Ayon sa mag-asawa, nais nilang patunayan na mayroong oportunidad ang mga nagbabalik na overseas Filipino worker (OFWs) na magkahanapbuhay sa Pilipinas.
Isang araw, napansin ni Aling Gilda ang anunsiyo ng Go Negosyo sa Facebook para sa libreng negosyo seminar noong Mayo 2016.
Agad nagpalista ang mag-asawa at masuwerte namang napili sila para makadalo sa ilang serye ng seminar.
Sa mga nasabing seminar, nakilala nila si Jorge Weineke ng Kalye Negosyo habang nagsilbing “Angelpreneur” ng mag-asawa sina Dean Pax Lapid, Butch Bartolome, Mon Abrea at Armand Bengco at marami pang iba.
Sa pagitan ng mga nasabing seminar, binuo ng mag-asawa ang kanilang business concept at plano.
***
Noong June 2016, nagtungo ang mag-asawa sa Negosyo Center Mandaluyong, ang kauna-unahang Negosyo Center sa National Capital Region, kung saan ipinakilala sila ni Mr. Weineke kay Flor para sila’y matulungan sa pagkuha ng DTI trade name.
Sa tulong ni Jen, na tauhan ng Negosyo Center Mandaluyong, nakuha rin ng mag-asawa ang pangalan ng bago nilang negosyo ang Standalone Fashion Boutique – sa mismong araw ring iyon.
Kasunod nito, nabigyan rin ang mag-asawa ng BMBE certification sa tulong ng Negosyo Center.
Sa pamamagitan rin ng Negosyo Center at Kalye Negosyo, pormal nang naipakilala ang mag-asawa sa mundo ng negosyo.
Kabi-kabila ang mga dinaluhang seminar ng mag-asawa, na tumatalakay sa iba’t ibang aspekto ng pagnenegosyo.
Sa tulong ng mga seminar na ito, nagkaroon ng sapat na kaalaman at sapat na kumpiyansa ang mag-asawa upang simulan na ang kanilang negosyong pagbebenta ng damit.
***
Unang sumabak ang mag-asawa sa 15th Franchise Expo ng AFFI sa World Trade Center noong Oktubre ng nakaraang taon.
Sa nasabing expo, dinagsa ng mga tao ang kanilang booth para bumili ng produkto. Ang iba naman, nagtanong kung paano sila makakapag-franchise.
Gamit ang karanasan mula sa 15th Franchise Expo, sumali rin sa ilang Christmas bazaar ang mag-asawa.
Pagkatapos, gumawa rin sila ng Facebook account, upang maipakilala pa sa mas maraming tao ang kanilang mga produkto.
Nagkaroon rin ng bagong ideya and mag-asawa na gumawa ng SFB Fad Truck, o isang sasakyan na puno ng mga damit na maaari nilang dalhin sa iba’t ibang lugar para mailapit sa mamimili ang kanilang mga produkto.
Umaasa ang mag-asawa na mas magtatagumpay ang negosyo nila kapag naipatayo na nila ang fad truck, lalo pa’t armado na sila ng sapat na kaalaman mula sa mga seminar na ibinigay sa kanila ng Negosyo Center.
***
Higit sa 500 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador noong 16th Congress.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments