Negosyo Tips

NEGOSYO, NOW NA!: Puhunan at collateral

Mga kanegosyo, sino ba ang hindi nakakakilala kay Cleveland Cavaliers superstar LeBron James.

Noong high school pa lang si LeBron, nais siyang regaluhan ng ina ng mamahaling sasakyan na Hummer, na nagkakahalaga ng $50,000, para sa kanyang ika-18 taong kaarawan.

Dahil walang pambili, lumapit si Gloria James sa isang bangko sa Ohio at nangutang. Ang ginamit na collateral? Ang milyun-milyon na kikitain pa lang ng anak kapag ito’y naging NBA player na.

Isipin niyo, tinanggap na collateral ng bangko ang pera na hindi pa nahahawakan ni LeBron. Ang tinignan nila ay ang talento ni LeBron at ang posibilidad na ito’y magiging NBA player.

Ito’y dahil pinapayagan sa Amerika na gawing collateral ang tinatawag na movable assets.

Kabilang sa tinatawag na movable assets ay kagamitan, sasakyan at mga hinihintay na bayad mula sa mga kliyente, o sa kaso ni James, ang kanyang kikitain sa hinaharap.

***

Iba ang sitwasyon sa Pilipinas.

Ipalagay natin na si Mang Cardo, na nagtitinda ng parol sa Pampanga, ay nakakuha ng kontrata para sa isangdaan na parol ngayong kapaskuhan.

Dahil malaking pera ang kailangan para matugunan ang mga order, kinakailangan niya ng puhunan.

 

Subalit kung wala siyang lupain o bahay, na tinatawag na immovable assets, na puwedeng gamiting collateral, hindi siya papautangin ng bangko kahit pa sigurado na ang pagbenta ng kaniyang mga parol.

Kahit pa subukan niyang gawing collateral ang kanyang kontrata at kikitain kapag natugunan ang lahat ng order, hindi papayag ang bangko.

***

Maraming maliliit na negosyo ang nakararanas ng ganitong problema.

Nais nilang magtayo o di kaya’y magpalawak ng kanilang negosyo ngunit hindi maisakatuparan dahil sa kawalan ng puhunan.

Lumalapit na rin sila sa mga bangko ngunit umuuwing luhaan dahil sa kawalan ng ari-arian na puwedeng gamiting collateral.

***

Ito ang problemang nais solusyunan ng inihain nating Senate Bill No. 354 o Secured Transactions Act, na ngayo’y dinidinig na ng Committee on Banks.

Sa panukalang ito, maaari nang gamitin bilang collateral sa loan ang movable assets, maliban sa lupa o iba pang tinatawag na “immovable assets” tulad ng sasakyan, equipment, inventory, at mga kontrata at receivables.

Hindi rin dapat mangamba ang mga bangko dahil may mga nakalatag na proteksiyon ang panukala upang mabawasan ang kanilang credit risk.

Kapag naisabatas, magkakaroon na ng pagkakataon ang MSMEs na makakuha ng loan sa mga bangko na magagamit nila sa pagpapalago ng negosyo.

NEGOSYO, NOW NA!: Bawas sakit ng ulo para sa maliliit na negosyante

Mga kanegosyo, mali­ban sa Go Negosyo Act, isinulong din natin ang pagpasa ng iba pang batas na tutulong sa paglago ng ating micro, small and medium enterprises.

Noong 16th C­ongress, ang inyong lingkod ang co-author at principal sponsor ng Youth E­ntrepreneurship Act o Republic Act No. 10679.

Pangunahing layunin ng batas na ito na bawasan ang lumalaking bilang ng kabataang walang trabaho sa bansa sa pamamagitan ng paglalagay ng module ng financial literacy at pagnenegosyo sa curriculum ng elementary, se­condary at tertiary schools sa buong bansa.

Sa tulong ng batas na ito, mabibigyan ang mga kabataang nais magsimula ng negosyo ng access sa financing, training, market linkages at iba pang tulong na kaila­ngan sa pagpapatakbo ng negosyo.

Naging batas din ang Republic Act 10693 o Microfinance NGOs Act, na ating iniakda at inisponsoran.

Layunin naman nito na suportahan ang MFI NGOs, na nagpapautang sa mga nais magnegosyo nang walang hinihinging kolateral sa mababang interes.

 Kabilang sa suportang bigay sa MFI NGOs ay access sa mga programa at proyekto ng pamahalaan, technical assistance at mas magaang buwis.

Isa pang panukala natin na naging batas ay ang Credit Surety Fund (CSF) Cooperative Act, na ngayo’y kilala na bilang Republic Act 10744.

Sa batas na ito, lilikha ng pondo na maaaring gamiting kolateral ng mga negosyanteng miyembro ng kooperatiba, microfinance institution at partner NGOs.

***

 

Ngayong 17th Congress, kahit naitalaga tayo bilang chairman ng Committee on Education at Science and Technology, tuloy pa rin ang ating adbokasiyang tulungan ang mga MSMEs sa bansa.

Kamakailan lang, inihain natin ang Senate Bill No. 169 na layong patawan ng mas mababang buwis ang mga maliliit na negosyo.

Ngayon, mainit ang usapin ng pagpapababa ng personal income tax ng mga manggagawa at inaasahan natin na ito’y maipapasa sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Subalit naniniwala rin ako na kasabay ng pagsusulong ng pamahalaan ng mababang personal income tax, dapat ding tutukan ng pamahalaan ang kapakanan ng maliliit na negosyo upang sila’y umunlad at lumago.

Mahalagang mabigyan din ng kaukulang pansin ang maliliit na negosyo dahil makatutulong sila sa pagbibigay ng hanapbuhay at kabuhayan sa maraming pamilyang Pilipino.

Sa panukalang ito, mas mababang buwis ang sisingilin sa maliliit na negosyo, maliban pa sa simpleng proseso sa paghahain ng buwis.

Sa ilalim ng panukala, lahat ng maliliit na negosyo ay hindi muna pagbabayarin ng income tax sa loob ng unang tatlong taon ng operasyon mula sa petsa ng pagkakatayo. Pagkatapos, sisingilin na sila ng mas mababang buwis.

Ang maliliit na negosyo na kumikita ng mababa sa P300,000 ay hindi sisingilin ng income tax habang 10 porsiyentong income tax naman ang kukunin sa kumikita ng P300,000 hanggang P10,000,000.

Isinusulong din nito ang pinasimpleng book keeping, special lane at assistance desk para sa MSEs, exemption sa tax audit, taunang paghahain ng tax returns at pagbabayad nang hulugan.

Sa ngayon, mga kanegosyo, ang Pilipinas ay pang-126 sa 189 ekonomiya pagdating sa tinatawag na Ease of Paying Taxes, batay sa pag-aaral ng PWC at World Bank.

Panahon na upang ito’y baguhin. Alisin na ang mabigat na pasanin sa ating maliliit na negosyante sa pagpapasimple ng proseso sa pagbabayad ng buwis.

Kapag simple na lang ang sistema ng pagbubuwis, kumbinsido tayo na mas malaki ang tsansa ng maliliit na negosyante na lumago at makalikha ng kabuhayan para sa mas maraming Pilipino.

NEGOSYO, NOW NA!: Si Aling Danilla – Bagong bida sa negosyo (2)

Mga kanegosyo, kahit chairman na tayo ng Committee on Education at Science and Technology ngayong 17th Congress, hindi pa rin natin iniiwan ang isa sa pangunahin nating adbokasiya sa Senado, ito ay ang pagtulong sa mga negosyanteng Pilipino, lalo na ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Kung inyong maaalala,­ ang kauna-unahang batas na naipasa natin bilang senador noong 16th Congress ay ang Go Negosyo Act o Republic Act 10667, na naisabatas noong July 15, 2014.

Sa ilalim ng Negosyo Act, magkakaroon ng Negosyo Center ang lahat ng lalawigan, siyudad at munisipalidad sa buong bansa na siyang magbibigay ng iba’t ibang tulong upang mapalago ang ating MSMEs.

Dalawang taon ang nakalipas, nais kong ibalita sa inyo na 270 na ang Negosyo Centers sa buong Pilipinas. Inaasahan natin na ito’y lalampas sa 300 bago matapos ang taong kasalukuyan.

Ngayon, mas marami nang Negosyo Centers na puwedeng lapitan ang mga negosyante para makakuha ng puhunan nang walang collateral­ mula sa iba’t ibang ­financing institutions.

Makakakuha na rin ng iba pang tulong ang ating mga negosyante, tulad ng training, mga payo sa pagtatayo ng negosyo, pagpapatakbo, product development, marketing, access sa merkado at iba pang suporta.

Isa sa mga nakinabang sa tulong ng Negosyo Center ay ang mag-asawang Melvin at Myrna Rojo, dating OFWs sa Brunei na ngayo’y may-ari ng ‘Myrnz Creation Philippines’ na gumagawa ng masarap na cake sa Iloilo City.

Ngunit isa lang ang mag-asawang Rojo sa libu-libong mga nego­syante na natulungan ng Negosyo Centers.

Sa mga susunod nating kolum, ilalahad natin ang mga kuwento ng tagum­pay ng mga negosyanteng lumapit at natulungan ng Negosyo Centers.

***

 

Unahin natin ang kuwento ng tagumpay ng Lemunada de Concepcion, na mula sa aking bayan sa Concepcion, Tarlac.

Ang Concepcion Calamansi Growers and Rice Cooperative, na pinamumunuan ni Nemencio Calara. Noong 2013, nagsimula silang magtanim ng kalamansi na ginagawa nilang juice.

Sa una, limitado lang ang kanilang nagagawang produkto at naaabot na merkado dahil sa kakulangan ng pasilidad at kaalaman upang ito’y maipakilala at maipakalat sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Noong December 2015, nabigyan ng pagkakataon ang koopera­tiba na palakasin ang produksiyon at benta ng kanilang mga produkto nang magbukas ang Negosyo Center sa munisipyo­ ng Concepcion.

Sa tulong ng Nego­s­yo­­ Center, nakakuha sila ng kasanayan sa product development kung paano mapaganda ang kanilang produktong calamansi juice, mula sa packaging hanggang sa produksyon.

Nabigyan din sila ng technical support sa paggawa ng calamansi juice at kailangang kagamitan para gumawa nito, sa pamamagitan ng shared service facilities ng Department of Trade and Industry (DTI).

Malaki rin ang naitulong ng Negosyo Center sa pagpapakilala ng Lemunada de Concepcion sa iba’t ibang bahagi ng munisipalidad, pati na rin ng buong lalawigan.

Ngayon, ibinalita sa amin ni Ginoong Calara na patok na Lemunada de Concepcion sa merkado. Dagsa na rin ang alok sa kanilang dalhin ito sa iba pang parte ng lalawigan.

Isa ang Concepcion Calamansi Growers and Rice Cooperative at ang produkto nilang Lemunada de Concepcion sa mga Bagong Bida sa Negosyo, sa tulong ng Negosyo Center.

Kung mayroon kayong ideya sa negosyo, huwag na kayong mag-atubiling lumapit sa Negosyo Center sa inyong lugar. Malay niyo, kayo na ang susunod nating tampok sa Bagong Bida sa Negosyo.

NEGOSYO, NOW NA!: ‘Mentor Me’ program

Mga kanegosyo, isa sa mga mahalagang tulong na makukuha ng isang nagsisimula sa negosyo ay ang turo at gabay mula sa isang subok o kilalang negosyante.

Makailang ulit na na-ting binanggit sa ating kolum na ang pagkakaroon ng tamang mentorship ay daan tungo sa matagumpay na negosyo.

Ito ang layunin ng Department of Trade and Industry (DTI) nang simulan nito ang ‘Mentor Me’ program tatlong buwan na ang nakalilipas.

Sa aming panayam kay DTI Assistant Secretary Bles Lantayona sa programang Go Negosyo sa Radyo sa DZRH kamakailan, mayroon nang dalawang pilot area ang nasabing programa sa Laguna at Mandaluyong.

Sa paliwanag ni ASEC Bles, napakahalaga ang gabay at payo na makukuha ng isang papausbong na negosyante mula sa mentor na bihasa at may malawak na karanasan sa pagnenegosyo.

Kabilang sa mga mentor na nagbibigay ng tulong ay mga matagumpay na entrepreneurs at mga negos­yante na may puso na ibahagi ang kanilang kaalaman at formula sa tagumpay sa mga bagong negosyante.

Ayon kay ASEC Bles, malaking tulong ang karunungang bigay ng ‘mentor’ o iyong mga nagtuturo sa mga ‘mentee’ o iyong mga tuturuan para magtagumpay.

Sa tulong ng magaling na mentor, magkakaroon din ng inspirasyon ang isang mentee upang masundan ang yapak ng nagtuturo.

Mahalaga rin ang pagkakaroon ng unawaan o rapport sa pagitan ng mentor at mentee kaya tinitiyak ng DTI na naipaparating nang tama ng isang mentor ang kailangang kaalaman sa mga tinuturuan.

Ayon kay ASEC Bles, nakatakda na ring simulan ang ‘Mentor Me’ program sa Zamboanga, Iloilo, Cebu, Cavite, Tacloban, Cagayan de Oro City, General Santos City, Davao City, Baguio, Tarlac at Lanao de Norte.

 

***

Isa sa mga mentee na nakapanayam namin ay si Jay Menes, isang stage performer na naengganyong magnegosyo na kabilang sa mga unang batch ng mga dumaan sa ‘Mentor Me’ program.

Sa kuwento ni Jay, aksidente lang ang pagkakapasok niya sa ‘Mentor Me’ program sa Negosyo Center sa Mandaluyong.

Balak lang kumuha ni Jay ng business permit ngunit naalok ng isang taga-Negosyo Center na sumali sa programa. Sa una, akala ni Jay na isang beses lang ang seminar ngunit tumagal ito ng 12 Biyernes.

Kakaiba ang karanasan si Jay sa ‘Mentor Me’ program dahil nabigyan siya ng daan upang mailabas ang kanilang mga ideya sa negosyo at maranasan ang praktikal na aplikasyon at totoong nangyayari sa merkado.

Para kay Jay, sulit ang 12 Biyernes na kanyang pinagdaanan sa ‘Mentor Me’ program dahil marami siyang natutunan sa iba’t ibang aspeto ng negosyo.

***

Natutuwa tayo sa pagbuhos ng suporta ng DTI sa Go Negosyo Act, ang kauna-unahang batas na aking naipasa noong 16th Congress.

Sa ngayon, mayroon nang 270 Negosyo Centers sa buong bansa, ang huli’y binuksan sa Capas, Tarlac kamakailan.

Ang mga Negosyo Center na ito ay handang tumulong upang matugunan ang pangangailangan ng mga papausbong na entrepreneurs at matatagal nang negosyante para sa lalo pa nilang pag-asenso.

NEGOSYO, NOW NA!: Pambansang Sanglaan

Mga Kanegosyo, isa sa mga takbuhan ng mga kababayan tuwing nangangailangan ay ang sanglaan.

Dito, maaari tayong makautang kapalit ng ating alahas, gaya ng singsing, kuwintas, hikaw at relo, bilang sangla.

Isa sa mga kilalang sanglaan sa bansa ay ang Cebuana Lhuillier na mayroon nang 1,800 sangay sa buong Pilipinas.

Ang may-ari nito na si Philippe J. Lhuillier ay lumaki sa industriya ng sanglaan. Ang kanyang ama, si Henry Lhuillier, ay gumawa ng marka sa nasabing negosyo nang itatag niya ang Agencia Cebuana sa Cebu noong 1953.

Habang nag-aaral, maraming oras din ang ginugol ni Philippe sa sanglaan ng kanyang ama. Inaral niya ang lahat ng trabahong may kaugnayan dito, mula sa paglilinis ng alahas, vault custodian at counter supervisor.

Sa matagal niyang paglalagi sa sanlaan, natutunan niyang pahalagahan ang negosyo ng ama.

Nang magtapos sa kursong Management noong 1968, sumunod siya sa yapak ng ama at binuksan ang unang sangay ng Agencia Cebuana sa Libertad, Pasay.

Sa gitna ng kaguluhan sa bansa noong dekada sitenta at otsenta, nadagdagan pa ang kanyang mga sanglaan.

Noong 1987, naging pambansa na ang kanyang negosyo, na kanyang binigyan ng bagong pangalan – Cebuana Lhuillier.

Ito ay nagsisilbi sa halos 100,000 customer bawat araw sa lahat ng sangay nito.

***

Bitbit ang aral na natutunan sa ama, tinitiyak niya na ang serbisyo sa customer ay sinasamahan ng totoong pagkalinga sa nangangailangan.

Sinamahan niya ang sanglaan ng iba’t ibang serbisyo para sa mga nagsasangla, tulad ng Renew Anywhere, kung saan puwede nang mag-renew ng transaction saan mang sangay ng Cebuana Lhuillier.

Ngayon, kilala rin ito bilang one-stop shop na nagbibigay ng maraming serbisyo, gaya ng international at domestic remittance service, micro-insurance, rural bank, foreign exchange, bills payment at e-load service.

Maliban sa pawnshop, sinimulan na rin niya ang iba pang negosyo, gaya ng hotel, paggawa ng alahas, information technology, at kalusugan.

***

Malayo na talaga ang narating ng Cebuana Lhuillier.

Ngunit ayon kay Philippe, isa lang ang hindi nagbago sa kanyang negosyo – ang totoong kalinga sa mga customer na sinimulan ng kanyang ama ilang dekada na ang nakalipas.

Aniya, walang halaga ang pagiging matagumpay na negosyante kung babalewalain mo ang pagbibigay ng de-kalidad na serbisyo sa customer na nangangailangan ng agarang tulong.

Ang marka ng tunay na negosyo ay ang pagbibigay ng magandang serbisyo at ang papasok na kita ay siyang resulta nito.

NEGOSYO, NOW NA!: Techie Negosyo

Mga Kanegosyo, pa­milyar ba kayo sa salitang “technopreneur”?

Ito ay ang mga negos­yanteng nakasentro sa kasalukuyang teknolohiya, gaya ng computer, Internet at cellular phones.

Isa sa mga mga tanyag na “technopreneur” sa bansa ay si Nico Jose “Nix” Nolledo, president at chief executive officer ng Xurpas Inc., isang mobile content provider.

Marami ang nais sumunod sa yapak ni Nix bilang “technopreneur” nang maging bilyonaryo ito kasunod ng pagpasok ng Xurpas Inc. sa stock market.

***

Ngunit tulad ng iba pang mga kuwento ng tagum­pay, hindi naging madali para kay Nix ang tinatamasa niya sa kasalukuyan.

Nagtapos siya ng kursong Business Management noong 1998 na nataon namang nasa kasagsagan noon ng Asian financial crisis.

Nahirapan siyang makakuha ng trabaho dahil ayaw ng mga kumpanya noong kumuha ng bagong graduates.

Kaya naman nag ikut-ikot siya sa iba’t ibang kumpanya sa Makati at nag-apply ng trabaho.

Nang walang makitang trabaho doon, sa mga restaurant naman siya lumapit. Kinuha siya ng isang fastfood chain bilang assistant store manager sa sangay nito sa SM North.

Sa trabahong iyon, naranasan niyang utusan ng manager na maglinis ng kubeta ng fastfood chain. Sa isip niya, hindi ito ang trabahong iniisip niya nang nag-aral siya.

Gayunpaman, sinunod pa rin niya ang utos ngunit ito ang nagsilbi sa kanyang hamon upang magpursigi.

Noong 1999, itinayo niya ang Pinoyexchange na mula sa ideya ng kanyang kapatid na Internet-based message board.

Sa tulong ng puhunang P9,000 lang, paglipas ng anim na buwan, ito na ang pinakamalaking online community sa Pilipinas.

Nakita ng Ayala ang potensiyal ng sinimula niyang community kaya agad nila itong binili at kinuha pa siya bilang kabahagi nito.

Sa kanyang pakikipagpulong sa matataas na opisyal ng Ayala, nakakuha pa siya maraming ideya.

Isa rito ang katotohanan na mas maraming cellphone sa bansa kumpara sa mga personal computer.

Kaya naisip niyang ituon ang pansin sa cellular phones. Doon na niya itinatag ang Xurpas noong 2001 sa capital na P62,500 kasama ang dalawa pang kaibigan.

Makalipas ang 14 na taon, ang Xurpas ngayon ay mayroon nang market capital na $400 million at ang tanging consumer tech company na nakalista sa Philippine Stock Exchange.

Mula nang magpatala sa PSE, nakapag-invest na ang Xurpas sa mga kumpanya sa Estados Unidos, Indonesia, Singapore at dalawa pa sa Pilipinas.

Kabilang sa kanilang tinututukan ngayon ay ang paggawa ng digital products tulad ng mobile games.

***

Ayon kay Nix, isa sa mga susi sa tagumpay niya ang patuloy na paghahanap ng makabago at kakaibang produkto na makakaakit sa customer.

Sa tulong ng mga bagong produkto, mananati­ling angat ang kumpanya sa mga kakumpitensiya sa merkado.

Kung mananatili na lang sa lumang ideya, mapag-iiwanan ang negosyo sa mabilis na takbo ng teknolohiya sa merkado.

***

Mga Kanegosyo, nagpapasalamat tayo sa Go Negosyo sa pagbabahagi ng ilan sa mga kuwento natin para sa kolum na ito. Kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.

Pangarap nating makamit ninyo ang tagumpay sa pagnenegosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Big ‘Splash’ sa Merkado

Mga Kanegosyo, sino ba ang mag-aakala na ang isang kick-out sa paaralan ay makakapagbuo ng isang negosyo na ngayo’y nagkakahalaga ng bilyun-bilyong piso?

Muntik nang hindi matupad ni Roland Hortaleza ang pangarap na maging duktor nang paalisin siya ng isang paaralang nakabase sa Morayta dahil sa mababang grade sa kanyang pre-medical course.

Lumipat si Roland sa kalapit na paaralan at tinapos ang pre-medical course bago tuluyang nakuha ang diploma bilang duktor.

Pumasok siya sa larangan ng ophthalmology upang makatulong bigyan ang kanyang pasyente ng mas malinaw na paningin.

Pero para sa kanya, malabo ang kanyang hinaharap bilang duktor.

***

Kung pamilyar kayo sa apelyidong Hortaleza, dahil noong dekada otsenta ay pumatok ang kanilang negosyong, “The Original Hortaleza Vaciador and Beauty Supplies”.

Sa kanilang pitong sangay, makakabili ng gamit pampaganda, lalo na ang pang-manicure gaya ng acetone at nail polish.

Dahil madalas siyang nagpupunta sa tindahan noon para maghatid ng pagkain sa kanyang mga magulang, nagkaroon siya ng interes na gumawa ng sariling acetone.

Gamit ang puhunang P12,000 at sa tulong ng kanyang asawa, nagtitimpla at nagre-repack sila ng acetone sa mga bote at ibinebenta sa mga tindahan ng Hortaleza.

Nang mauso ang spray net, isa sa mga naunang nagbenta ng lokal na bersiyon nito ang Hortaleza.

Subalit napansin ni Roland na nasa bote lang ang ibinebentang spray net kaya nagpasya siyang ilagay ito sa magandang lalagyan o iyong deo-hair spray at ibenta ito sa mas murang halaga.

Pumatok sa merkado ang ibinentang hair spray ng Hortaleza. Dahil tumaas ang demand, nagpasya si Roland na palitan ang pangalan nito. Doon na isinilang ang “Splash”.

Maliban sa hair spray, pinasok din ng Splash ang merkado ng skin cleanser, na dominado noon ng isang produkto na may mukha ng sikat na aktres.

Upang makaagaw atensiyon, gumawa ang Splash ng produkto na may avocado at pipino, na agad namang pumatok sa mga mamimili.

Sa patuloy na paglaki ng kumpanya, dumating ang panahon na kailangan nang pagandahin niya ang sistema.

Hinawakan ng kanyang asawa ang pinansiyal na aspeto ng negosyo habang si siya naman ay nag-aral ng Management Program sa Estados Unidos upang epektibong mapatakbo ang kumpanya.

***

Ngayon, ang Splash Corporation na ang pinakamalaking negosyong Pilipino sa bansa pagdating sa personal care products.

Ayon sa kanila, kung minsan, ang tagumpay sa negosyo ay hindi nakikita sa mga bagay na ating gusto. Wala sa hinagap na papasukin nila ang ganitong larangan.

Ngunit napukaw ang kanilang interes nang makakita siya ng pagkakataong puwedeng pagkakitaan, tulad ng acetone, spray net at facial cleanser.

Maliban dito, mahalaga rin daw na may matinding determinasyon upang magtagumpay sa negosyo na pinasok.

Sa tulong ng determinasyon, malalampasan ng sinumang negosyante ang mga kabiguan na kanyang sasapitin sa biyahe tungo sa tagumpay.

Kaya naman, malaking “Splash” ang nilikhang negosyo ng mag-asawang Hortaleza sa merkado.

NEGOSYO, NOW NA!: Bagong Tulong sa Negosyante

Mga Kanegosyo, umiinit ang pulitika sa bansa ngayong nagsimula na ang kampanya para sa mga national positions, kabilang ang pagka-pangulo, pangalawang pangulo at mga senador.

Kasabay nito, natuon na rin ang halos buong atensiyon ng taumbayan sa mga kandidato at sa mga isyu at kontrobersiya na kanilang nililikha, na minsa’y wala namang naidudulot na maganda sa bansa.

Kaya naman halos walang nakapansin nang naisabatas ang isa sa mga panukala na isinusulong ng inyong lingkod para sa maliliit na negosyante sa bansa.

Ito ay ang Credit Surety Fund (CSF) Cooperative Act, na ngayo’y kilala na bilang Republic Act 10744.

***

Mga Kanegosyo, ilang ulit na nating nabanggit sa kolum na ito isa sa malaking hadlang na kinakaharap ng mga nais magnegosyo ay ang kawalan ng pagkukunan ng pautang para gamiting puhunan.

Sa kasalukuyan, may microfinance institutions (MFIs) na nagpapautang mula P5,000 hanggang P150,000 para sa maliliit na negosyo gaya ng sari-sari store.

Para naman sa mga medium at large na negosyo, naririyan ang malalaking bangko na nagpapautang ng higit sa limang milyong piso.

Subalit, iilan lang ang nagpapautang sa gitna ng mga ito, ang mga small entrepreneurs na nangangailangan ng puhunang naglalaro mula P200,000 hanggang P5 milyon para makapagsimula ng sariling negosyo.

May iilang financing institutions na nagbibigay ng pautang para sa mga negosyanteng ito, ngunit ito’y nangangailangan ng kolateral, na kadalasan ay titulo ng lupa.

Subalit kakaunti lang ang kumukuha ng nasabing loan sa bangko dahil karamihan sa ating mga negosyante sa estadong ito ay wala pang kolateral na ibibigay bilang garantiya.

Ito ang tinatawag “missing middle”, na layong tugunan ng Republic Act 10744.

***

Itinatakda ng batas na magtulungan ang lokal na pamahalaan, Bangko Sentral ng Pilipinas, Cooperative Development Authority, mga kooperatiba at mga government financing institutions (GFIs).

Magsama-sama sila para bumuo ng paunang pondo kung saan maaari itong gamitin na miyembro ng kooperatibang kasamang bumuo ng paunang pondo bilang alternatibong garantiya para sa uutanging puhunan sa bangko.

Sa tulong nito, puwede nang mangutang ang ating mga negosyanteng nangailangan ng kolateral.

Kailangan lang na ang negosyante na nais gumamit nito ay kabilang sa kooperatibang bumuo ng paunang pondo.

Inaalay ko ito sa aking namayapang tiyuhin na si dating senador at congressman Agapito “Butz” Aquino, na siyang ama ng kooperatiba sa Pilipinas.

Mga Kanegosyo, ito na po ang ikawalong batas ng inyong lingkod sa ating unang tatlong taon sa Senado. 

Ang Credit Surety Fund Cooperative Act ay bahagi ng ating pangakong tutulungan ang ating maliliit na negosyante para mapalago nila ang kanilang kabuhayan at makapagbigay na dagdag na trabaho sa ating mga kababayan.

NEGOSYO, NOW NA!: Abot-Kayang Ganda

Mga Kanegosyo, sa ating pag-iikot sa Kamaynilaan at mga kalapit probinsiya, nakakaagaw sa ating pansin ang billboard ng isang beauty salon na nag-aalok ng gupit sa halagang P49.99 lang o facial na P99.99 lang.  

Ito’y si Celestino “Les” Reyes ng Reyes Haircutters. Kung matunog sa pandinig ang kanyang apelyido, ito’y dahil kapatid siya ng sikat na beautician na si Ricky Reyes.

Iba ang naging direksiyon na tinahak ni Les. Kung ang kanyang kapatid ay para sa mas mayayaman na tinatawag na class A at B, si Les naman ang naghatid ng abot-kayang ganda para sa mas marami nating kababayan.

***

Gaya ng kanyang kapatid, hindi rin naging madali para kay Les na maabot ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

Noong siya’y apat na taong gulang pa lang, inabandona sila ng kanilang ama kaya naiwan siya at siyam pang kapatid sa pangangalaga ng ina.

Sa murang edad, napilitan siyang magtrabaho bilang kargador sa palengke at nagtinda pa ng sigarilyo at diyaryo para may maipantawid ang pamilya.

Sa sobrang hirap sa buhay, noong nag-aaral siya’y isang uniform lang ang kanyang ginagamit na araw-araw nilalabhan ng kanyang kapatid na si Ricky.

***

Nagbunga naman ang pagsisikap ng magkakapatid dahil unti-unti nang nakilala si Ricky sa industriya ng pagpapaganda.

Pinag-aral siya ni Ricky ng high school at college bago siya nagpunta sa Estados Unidos at doon nagtrabaho bilang gasoline boy at waiter.

Sa sampung taon niyang pananatili sa US, naging miyembro siya ng US Navy at real estate agent. Hindi naging masaya ang kanyang buhay sa ibang bansa kaya nagpasya itong bumalik ng Pilipinas.

***

Pagbalik niya sa Pilipinas, nagtrabaho siya bilang school director ng beauty school ni Ricky.

Habang ginagawa ito, sinubukan din niyang magtayo ng sariling negosyo gaya ng music lounge at sariling salon ngunit lahat ito’y hindi nagtagumpay.

Sa halip na sumuko, nagpursige pa rin si Les. Nag-isip siya ng magandang diskarte para mapansin ang kanyang salon.

Doon nagsimula ang ideya niyang magtayo ng salon na abot-kaya ang halaga para sa masa nang hindi nasasakripisyo ang kalidad.  Noon 2001 nga, binuksan niya ang Reyes Haircutters sa puhunang P10,000 at dalawampung empleyado.

Dahil sa murang presyo, agad pumatok sa mga customer sa class C, D at E ang kanyang bagong salon.

Maliban sa customer, napansin din ng ilang mga negosyante ang kanyang parlor at nagtanong kung puwede silang bumili ng franchise. Ang pagkakataong ito ang nagbukas sa kanya para palawakin ang kanyang beauty parlor.

Sa tulong ng franchising, ngayon ay daan-daan na ang parlor ni Les sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

***

Nang tanungin ukol sa susi sa kanyang tagumpay, sinabi ni Les na “hindi siya natakot na mangarap”.

Aniya, pinasok niya ang negosyong beauty parlor kahit alam niyang mahirap at masikip ang merkado para rito.

Pero nagbunga naman ang ginawa niyang hakbang dahil ngayon, patok na patok na ang Reyes Haircutters sa ating bansa!

NEGOSYO, NOW NA!: Kalabaw lang ang Tumatanda

Mga Kanegosyo, may ilan tayong kakilalang nais magsimula ng negosyo ngunit nag-aalala dahil sa kanilang edad.

Iniisip nila na baka maging dahilan ang kanilang katandaan para magpatakbo o magsimula ng isang negosyo.

Ika nga ng sikat na kanta, “It’s never too late to start all over again.”

Sa mga ganito ang pananaw, nais nating ibahagi sa inyo ang kuwento ni Julie Gandiongco, may-ari ng sikat na Julie’s Bakeshop.

Ngayon, halos kabi-kabila na ang makikita nating sangay ng Julie’s Bakeshop. Mayroon pa itong mga nag-iikot na tindero na nakasakay ng sidecar na naglalaman ng iba’t ibang uri ng tinapay.

***

Alam ninyo ba, mga Kanegosyo, sa edad na limampung taong gulang sinimulan ni Julie ang kanyang negosyo sa Cebu.

Ngunit bago rito, siya ay tumulong sa asawang si Diegs para magpatakbo ng plantasyon ng tubo ng kanilang kamag-anak sa Leyte.

Dahil maliit ang kita, nagpasya si Diegs na magtrabaho sa isang softdrinks factory habang si Julie naman ang nagsilbi niyang tagabantay ng imbentaryo at benta.

Sa hirap ng buhay, nagpasya silang bumalik sa Cebu at doon nagsimula si Julie ng maliit na tindahan at patahian ng damit.

Ngunit dahil hindi pa rin sapat ang kinikita, nagpasya si Julie na magsimula ng canteen sa isang factory ng rattan.

Isa sa mga mabiling produkto sa canteen ni Julie ay tinapay, na kanyang kinukuha pa mula sa ibang bakery.

Kaya isang panadero ang nagmungkahi na siya na mismo ang gumawa ng tinapay para hindi na magbiyahe pa.

Sa tulong ng panadero, nagsimula silang gumawa at magbenta ng tinapay. Dito na nagsimula ang Julie’s Bakeshop, na nagbukas noong 50 anyos na si Julie.

***

Dahil pumatok na ang bakery, nagpasya si Julie na itigil na ang operasyon ng canteen at tutukan na lang ang bagong negosyo.

Sa kabila ng kanyang edad, mismong si Julie ang tumutok sa operasyon ng unang branch na kanyang binuksan sa Wireless, Mandaue City.

Mula sa supply ng harina, itlog at iba pang pangangailangan, tiniyak niyang sapat na ito upang hindi mabitin sa kanilang order.  

Nang madagdagan na ang sangay ng bakeshop, kinailangan na niya ng tulong mula sa iba pang miyembro ng pamilya. Ang kanyang mga anak noon ay may sari-sariling trabaho ngunit nagpasyang tulungan ang kanilang mga magulang sa negosyo.

Mga Kanegosyo, hindi naman sila nagkamali ng desisyon dahil ang Julie’s Bakeshop sa kasalukuyan ay may halos 500 sangay na sa iba’t ibang bahagi ng bansa!

***

Sa edad na 75, ipinaubaya na ni Julie ang pagpapatakbo ng kanyang negosyo sa mga anak. Ginagamit na lang ni Julie ang kanyang oras sa 22 apo at pagbiyahe sa iba’t ibang lugar kasama ang asawang si Diegs.

Kung nagpatalo lang si Julie sa kanyang edad noon, hindi niya sana mararanasan ang ganitong tagumpay.

***

Tulad ni Julie, hindi tayo dapat mag-alala sa ating edad. Habang kaya pa natin, simulan ang pinapangarap na negosyo.Tandaan, kalabaw lang ang tumatanda!

Scroll to top