negosyo

NEGOSYO, NOW NA!: Tsaang Pambayani

Mga Kanegosyo, sa nakaraan nating kolum, napag-usapan natin ang tungkol sa innovation at ang kahalagahan nito sa ikatatagumpay ng negosyo.

Isa sa magandang kuwento ng innovation ay ang Bayani Brew, na sinimulan ni Ron Dizon noong October 2012 kasama sina Xilca Alvarez at Shanon Khadka.

Kamakailan ay nakakuwentuhan natin si Ron at ibinahagi niya ang kanilang karanasan sa pagnenegosyo.

***

Isa siyang manager sa isang multinational IT company sa loob ng siyam na taon kaya wala sa dugo niya ang pagiging social entrepreneur.

Gusto niyang makapasok sa isang trabahong makatutulong sa marami, lalo na sa nangangailangan. Doon pumasok sa kanya ang konsepto ng social entrepreneurship.

Mga Kanegosyo, bago marahil sa marami ang social entrepreneurship. Ito’y isang uri ng pagnenegosyo kung saan sabay na kumikita ang negosyo pati ang mga komunidad na tinutulungan nito.

Bago tayo naging senador, isa tayong social entrepreneur. Tumutulong ang itinayo nating negosyo sa mga nanay na may-ari ng mga sari-sari store na palakihin ang mga ito noon.

***

Mabalik tayo kay Ron.  Nag-research siya tungkol sa kung ano ang social entrepreneurship at nalaman niyang marami palang grupong may kinalaman sa ganoong uri ng pagnenegosyo sa bansa at maraming nagbibigay ng seminar at forum tungkol dito.

Una niyang pinuntahan ang Center for Social Innovation ng Gawad Kalinga. Doon niya nakilala ang marami pa na hindi nabibigyan ng atensiyon at hindi napapakinggan ang kuwento.

Sa laki ng inspirasyong nakuha niya, umalis siya sa trabaho at nag-volunteer sa Gawad Kalinga.

Doon niya natuklasan ang “tsaang bukid,” na gawa sa lokal na sangkap, na ibinibigay ng mga komunidad sa mga bumibisita sa farm.

Ang isang uri nito ay pinagsamang tanglad at pandan at ang isa naman ay mula sa talbos ng kamote.

Nagkaroon siya ng ideya mula sa panukala ni Gawad Kalinga founder Tito Tony Meloto, na i-package ang “tsaang bukid” sa isang bottled iced tea na patok sa mga mamimili.

Sa paraang ito, makatutulong ng malaki sa mga magsasaka na nagtatanim ng tanglad, pandan at talbos ng kamote.

Sa una, iba-iba ang ginawa nila bago tuluyang naisa-pinal ang mga ibebentang flavor sa merkado.

***

Nang mabuo nina Ron, Xilca at Shanon ang sangkap para sa ibebentang tsaa, doon na nabuo ang “Bayani Brew”.

Maliban sa sangkap, tinutukan din nina Ron ang packaging ng “Bayani Brew” upang gumawa ito ng marka na dominado ng iba’t ibang produktong iced tea.

Inilagay din ng tatlo ang logo ng “Bayani Brew” sa disenyo ng bote ng produkto upang lalo pang makilala na ito’y gawa sa Pilipinas.

Nakatataba ng puso na mayroon isang produkto sa merkado na iced tea na galing sa mga komunidad natin ang mga sangkap, hindi gaya ng iba na mula sa ibang bansa ang ingredients.

Dagdag pa rito, maraming magsasaka ang nabibigyan ng kabuhayan dahil sa kanila direktang kinukuha ang sangkap na gamit ng “Bayani Brew”.

NEGOSYO, NOW NA!: Bagong Taon, Bagong Produkto

Mga Kanegosyo, isang manigong bagong taon sa ating lahat!

Sana’y naging mabuti at matagumpay ang inyong 2015 lalo na sa pagnenegosyo.  

Ngayong 2016, harapin natin ito ng may positibong pananaw at pag-asa na lalong lumago ang ating mga pangkabuhayan para maabot natin ang mga pangarap natin at ng ating pamilya!

***

Noong Disyembre, muli nating nakausap si Mon Lopez, ang executive director ng Go Negosyo, sa ating programang “Status Update”.

Kamakailan, sinabi niya na naging partner ang Go Negosyo sa katatapos na APEC SME Summit.

Ito ang pagpupulong ng 21 pinuno ng mga ekonomiya sa buong mundo na ginawa rito sa ating bansa.

Isang karangalan para sa ating mga Pilipino ang pangyayaring ito dahil muli na naman tayong kinilala ng iba’t ibang lahi sa ating lumamalago at umuunlad na bansa.

Sa mga hindi nakakaalam, mga Kanegosyo, isa sa mga naging tampok ng nasabing pulong ang pagbibigay diin sa kahalagahan ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) o ang maliliit na negosyo sa kaunlaran ng bansa.

Sa isang joint communiqué sa pagtatapos ng APEC Summit, kinilala ng 21 APEC leaders ang kahalagahan ng MSMEs sa paglaban sa kahirapan at malawakang kaunlaran at nangakong magtatrabaho para sa globalisasyon nito.

***

Sa kuwento ni Mon, isa sa mga napag-usapan sa APEC SME Summit ay ang kahalagahan ng innovation o pagiging iba ng isang produkto upang maging angat sa mga kakumpitensiya sa merkado.

Ayon sa kanya, kailangang kakaiba ang isang produkto upang makaungos sa iba. Aniya, ang pagiging makabago at malikhain ang sagot sa pag-angat ng produkto.

Mahalaga ito lalo pa’t masikip na ang kumpetisyon sa lokal na merkado, kung saan gitgitan ang labanan sa pagitan ng mga negosyanteng Pinoy.

Mahigpit na nga ang kumpetisyon sa pagitan ng lokal na negosyante, pinasukan pa ito ng pumapasok na imported na produkto lalo na sa pagbubukas ng ating mga merkado sa buong mundo.

Napag-usapan namin ni Mon na napakahalaga ang innovation – ang paglalagay ng “bago” o “pagkakaiba” sa ating mga produkto para pumatok sa mamimili.

Nasa packaging man iyan, nasa bagong flavor, nasa kulay, nasa pinagsamang serbisyo, basta kakaiba na kikiliti sa imahinasyon ng mamimili, siguradong tatangkilikin ito ng ating mga kababayan, o kaya pati ang mga dayuhang mamimili pa!

Kung hindi ito mangyayari, malulunod lang tayo sa dami ng produkto sa merkado.

Mga Kanegosyo, sinabi naman namin ni Mon na likas na malikhain ang mga Pinoy at malikot ang mga isip na siyang magagamit natin para patuloy nating gawing kakaiba ang ating mga produkto’t serbisyo.

***

Bilang tulong sa pagpapaunlad ng innovation, isinagawa ng Go Negosyo, sa tulong ng US Embassy, ang programang Youth Entrepreneurship Development, isang tatlong araw na workshop sa iba’t ibang lugar.

Sa nasabing workshop, itinuro sa mga kabataan ang tamang hakbang sa pagsisimula ng negosyo, kabilang na ang kahalagahan ng innovation at kung paano mapapaganda ang positioning para maging angat sa iba.

Tuluy-tuloy ang pagtuturo ng Go Negosyo sa makabago at nagsisimulang negosyante.

Nariyan din ang mga Negosyo Center na itinayo natin para tumulong sa mga nais magtayo ng sariling pangkabuhayan ngayong darating na taon.

Kayo, mga Kanegosyo, ano ang makabago at kakaibang produkto o serbisyo na inyong naiisip? 

NEGOSYO, NOW NA!: Kumpitensiyang Patatas

Mga Kanegosyo, noong nakaraang linggo, tinalakay natin kung paano nagsimula sina JoeMag, ang may ari ng matagumpay na negosyong Potato Corner.

Nang nagsisimula pa lamang sila, naharap siya sa isang mabigat na desisyon – ang iwanan niya ang kanyang trabaho o sumuong sa walang kasiguraduhang pagnenegosyo.

Dahil sa pagmamahal sa pamilya at nais na magtagumpay, sumugal siya at naging negosyante.

Sulit naman ang kanyang ginawa dahil nabawi nila ang kanilang puhunan pagkatapos ng isang buwan pa lamang.

***

Ipagpapatuloy natin ngayon ang kuwento nina JoeMag, mga Kanegosyo, lalo na at hindi lang tagumpay ang kanilang naranasan.

Sa pagsikat nila, dumami rin ang nagtayo ng Potato stands sa bansa.  Aniya, sa loob ng dalawang taon, 200 kakumpitensiya ang nagtayo ng katulad nilang nanegosyo.

Marami rin ang nagtanong sa kanila kung sila ba ay nag-fafranchise dahil bilib sila sa potensyal ng negosyo.  May mga nag-alok na rin ng lugar kung saan maaari silang maglagay ng stand.

Pinag-aralang mabuti nilang magkakaibigan kung anong stratehiya ang pinakamainam sa lumalaking negosyo at lumalawak na kumpetesiyon.

Nagdesisyon sila na franchising ang susunod na hakbang para lalong mapalago at mapatibay ang negosyo.

***

Maraming hinarap na hamon ang Potato Corner nang magsimula na silang mag-franchise.

Una rito ay kung sino ang magpapatakbo sa kumpanya. Dahil nga apat silang magbabarkadang nagsimula ng Potato Corner, nagkaroon ng mga gusot at hindi pagkakaintindihan, tulad sa pamumuno.

“Two heads running a business is a monster,” sabi ni JoeMag. 

Napakahalagang maayos ang mga may ari para hindi magulo ang negosyo.  Nagkasundo sila na iisa lang ang magpapatakbo ng negosyo sa araw-araw para hindi magulo.

Naging malaking hamon din ang pagpasok nila sa franchising.  Malaki ang pagkakaiba ng pagpapatakbo ng franchising doon sa company-owned.

Una, kailangang maging tapat at transparent sa lahat ng transaksiyon dahil maraming franchisees ang nakatutok sa operasyon. Naniniwala silang karapatan ito ng franchisee dahil sila’y maituturing na ring may-ari ng kumpanya.

Nauubos din ang oras nila sa pakikipag-usap sa franchisees. Dahil sila’y mga may-ari ng kumpanya, mas gusto nilang kausap ang may-ari rin gaya ni JoeMag.

Idinidiin niya na sa franchising, mahalagang matutukan ang kapakanan ng franchisees dahil sa malaki nilang tulong para mapaangat at manatiling tumatakbo ang negosyo.

May panahon pa sa kasaysayan ng Potato Corner na hindi sila sumuweldo para matugunan lang ang pangangailangan ng mga franchisee.

Sa kabila ng hirap sa merkado, malaki ang pasasalamat nila sa franchising. Sabi nga niya, kung hindi sila sumugal sa franchising, baka nagsara na agad ang Potato Corner.

Makalipas ang 23 taon, mayroon nang 500 tindahan ang Potato Corner sa Pilipinas at 100 sa labas ng bansa, kabilang ang United States, Indonesia, Panama, Singapore at Thailand.

Kaya mga Kanegosyo, huwag matakot sa kumpetisyon. Ituloy lang ang laban sa pagnenegosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Pinoy Pried Patatas

Mga Kanegosyo, may panahon sa ating buhay pagnenegosyo na kailangang gumawa ng isang napakalaking desisyon.

Sa mga nagsisimulang magnegosyo, darating ang punto na kailangan nating pumili, ang manatili sa trabaho natin at pumapasok ang sweldo, o ang iwan ang karera para ibuhos ang lahat sa sinimulang negosyo.

Nakakatakot, nakakakaba, pero kung mapagtagumpayan, sulit.

Ito ang naging kuwento ng Potato Corner, isang sikat na negosyong nagsimula dalawampu’t tatlong taon na ang nakalipas.

***

Sa ating pag-uusap ni Jose Magsaysay o “JoeMag”, may ari ng Potato Corner, sa programang “Status Update”, ikinuwento niya ang susi sa tagumpay ng negosyong sinimulan niya kasama ang tatlo pang kaibigan noong 1992.

Noong panahong iyon, nagtatrabaho siya sa isang international burger chain. Nang magkaanak, naisip niya kung paano niya ito mapag-aaral sa magandang eskuwelahan at mabibigyan nang maayos na kinabukasan.

Naisip niyang maghanap ng sideline para magkaroon ng dagdag na kita. Nagkataon naman na inimbitahan siya ng tatlong kaibigang magtayo ng negosyo.

Kumuha sila ng inspirasyon sa kanyang bayaw na yumaman dahil sa paglalagay ng iba’t ibang flavor sa popcorn.

Kaya inisip nilang magkakaibigan kung anong produkto pa ang maaaring pumatok kung lalagyan ng iba’t ibang flavor.

Napagdesisyunan nilang lagyan ng iba’t ibang lasa ang French fries, gaya ng cheese at barbeque.

Doon na nga isinilang ang Potato Corner, na masasabing kauna-unahang flavored fries sa mundo.

Bilang panimula, nag-ambag sila ng tig-P37,500 para masimulan na ang unang outlet ng Potato Corner.

Ibinenta nila ang kanilang french fries sa iba’t ibang laki, mula sa regular fries hanggang sa tera fries, na siyang napakarami!

Dalawang buwan matapos magbukas ang unang outlet, ipinatawag siya ng kanyang boss sa burger chain. Doon, pinapili na siya kung mananatili sa kumpanya o tututok sa Potato Corner.

Kinailangang pumili ni JoeMag.  Iiwan ba niya ang kanyang trabaho, na may siguradong buwanang suweldo ngunit baka hindi matutustusan ang pangangailangan ng pamilya?

O iwan ito at sumugal sa maliit na negosyo na maaaring magtagumpay o matalo?

Napakahirap na panahon para sa kanya.  Ngunit sa kanyang pagmahahal sa pamilya at nais niyang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga ito, sumugal siya.

Pinili niya ang Potato Corner. Kahit na dalawang buwan pa lamang ito, tumalon na siya rito.

***

Mga Kanegosyo, hindi siya nagkamali dahil sa unang buwan pa lang ng operasyon, nabawi na nila ang kanilang puhunan. Bihira itong mangyari, lalo pa’t ang ibang negosyo ay inaabot ng taon bago mabawi ang puhunan.

Nang makita ang tagumpay ng Potato Corner, marami na ring nagsulputang iba’t ibang French Fries stand. Sa unang dalawang buwan pa lang, ang dami nang gumaya!

Sa susunod na linggo, talakayin natin ang naging kumpetisyon at ang kanilang mga hakbang para lalong makalaban sa merkado!

NEGOSYO, NOW NA!: Kumikitang Libangan

Mga Kanegosyo, kung karamihan sa mga matagumpay na negosyo ay talagang pinag-aralan at pinagbuhusan ng panahon, ang iba naman ay nag-umpisa lang bilang libangang lumaki nang lumaki. 

Ganito ang kuwento ng Cookie Sticks, na pag-aari ni Tricia Castrodes, na naging panauhin natin sa programang “Status Update” kamakailan.

Sa kuwento niya, nang mag-resign siya bilang isang government employee noong 2006, naghanap siya ng paglilibangan kung saan maaari pa siyang kumita gamit ang kanyang libreng oras.

Kaya noong 2008, nagsimula siyang mag-bake ng cupcake, na una niyang ibinenta sa malalapit na kaibigan.

Nang tumagal, naging bukambibig at hinahanap na ng maraming tao ang kanyang cupcake. Nadagdagan na ang mga nag-o-order sa kanya at ang iba ay naghanap na rin ng cake.

Maliban sa cake, dinagdagan na rin niya ang kanyang mga produkto at isinama na rin pati tinapay.

***

Noong 2010, naipakilala siya sa Department of Science and Technology (DOST), kung saan nakakuha sila ng training sa pag-upgrade sa kanilang mga kagamitan.

Sa tulong ng DOST, namulat siya sa mga bagong ideya sa paggawa ng iba’t ibang uri ng tinapay at modernong proseso ng packaging nito.

Isa sa mga naging hamon sa negosyo niya ay ang maikling shelf life ng kanilang produkto. Madalas, isa o dalawang araw lang ang tinatagal ng produkto gaya ng cake at tinapay. Kapag lumagpas ay nasisira na ito.

Pinayuhan siya ng DOST na kailangan niya na tuyo dapat ang kanyang tinapay para mas tumagal ang shelf life nito.

Sa una, pumasok sa isip ni Tricia na gumawa ng biscocho o di kaya’y camachile.

Sa huli, napagpasyahan niyang gumawa ng cookies.

***

Noong Pasko ng 2013, sinimulan na niyang gumawa ng bilog na cookies, na kanilang ibinenta sa mga kamag-anak at mga kaibigan.

Nang makita nilang patok ang ginawang cookies, nagpasya siyang ituloy na ang pagbebenta nito.

Ngunit nais niyang gumawa ng sariling marka sa merkado ng cookies kaya pinag-isipan niya kung paano ito magiging iba para mas pumatok sa mamimili.

Noong March 2014, gumawa siya ng cookie sticks. Kasabay ng paggawa nito, pinag-aralan din niya ang magiging itsura at packaging ng produkto.

Anim na buwan ang nakalipas nang sinimulan na niyang ibenta ang Cookie Sticks.

Sa loob lang ng isang taon, nakapasok na ang Cookie Sticks sa iba’t ibang mall sa bansa.

Ayon kay Tricia, ang pagiging kakaiba ng Cookie Sticks ay isa sa mga dahilan kung bakit naging madali ang pagkuha nila ng puwesto sa mga mall.

Sa kabila ng tagumpay ng Cookie Sticks, tuluy-tuloy pa rin ang kanyang negosyong cupcake at cakes.

Anu-ano kaya ang naging mga hamon sa kanyang negosyo? Abangan sa susunod na linggo ang kuwentong libangang pinagkakitaan!

NEGOSYO, NOW NA!: Tanong ng mga Kanegosyo

Mga Kanegosyo, maraming salamat sa tuloy tuloy na pagpapadala ng mga tanong at paghingi ng abiso tungkol sa pagnenegosyo sa ating e-mail at mga social media sites. 

Layunin natin na tunay na matulungan ang mga kapwa Pilipino na makapagsimula ng sariling kabuhayan, mapalago ang maliit na negosyo at matulungan ang ating mga pamilya at komunidad.

Narito ang ilan sa mga tanong na ating natanggap.

 ***

Kanegosyong Bam,

Magandang araw po sa inyo, mahal na senador na nagtataguyod ng kabataan at iba pang sektor ng lipunan. Ako si Vincent Gonzales, isang OFW dito sa Gitnang Silangan bilang isang turnero.

Katatapos ko lang basahin ang kolum ninyo sa Abante Online at ako’y nagagalak na may paanyaya kayo para sa mga nais magsimula ng negosyo. Matagal na po akong nagbabasa ng kolum ninyo pero ngayon ko lang napagtuunan ng pansin iyong pinaka-ibaba kung saan nakalagay ang contact details ng inyong opisina.

Matagal na namin gustong magtayo ng bigasan sa lugar ng asawa ko sa Tarlac ngunit sapat lang ang sweldo ko sa pangangailangan ng aking mag-ina.  Tinutulungan ko rin po ang nanay at tatay ko dahil pareho na silang matanda na. 69 na po ang tatay ko at mahina na ang baga, at ang nanay ko naman ay 67 na at bulag na ang isang mata. 

Laking pasasalamat ko nga po sa mabait kong asawa at nauunawaan niya ang pagtulong ko sa mga magulang ko.

Kaya nais ko po sanang lumapit sa inyo para makahiram ng puhunan para makapagsimula kami ng negosyong bigasan. Umaasa ako na madagdag kami sa listahan ng inyong mga natulungan.

Makakaasa po kayo na pagsusumikapan naming mapalago at maibalik ang katumbas na halaga ng inyong ipapahiram sa amin kasama na ang tubo kung mayroon man.

Maraming salamat po!

 Lubos na gumagalang, Vincent.

***

 Kanegosyong Vincent,

Salamat sa iyong sulat.  Tunay na kahanga-hanga ang inyong sakripisyo riyan sa Gitnang Silangan para sa inyong pamilya at sa ating bayan.

 Itinatayo natin ang Negosyo Center sa buong bansa para matugunan ang inyong mga agam-agam sa pagnenegosyo.  Pakisabi sa inyong asawa na bisitahin ito sa 2nd Floor, Anita Building, Zamora St., San Roque, Tarlac City.

Inaasahan natin na handa ang mga business adviser ng DTI roon ang siyang magbibigay ng payo sa inyo sa pagsisimula ng negosyo at maturo kayo sa tamang microfinance institution o lokal na bangko sa Tarlac na puwedeng magpautang sa inyo.

Maliban dito, naka-ugnayan na rin natin si National Food Authority (NFA) administrator Renan Dalisay, na nagsabing pinag-aaralan na nila ang pag-alis ng one-year policy para maging regular rice retailer ng NFA ang isang tindahan. 

Sa aming usapan, sinabi niyang maaaring mabigyan agad ng permit ang sinuman na magtinda ng NFA rice kung ang puwesto ay nasa malayo o mahirap na lugar, lalo na sa mga fishing area.

Mas malaki kasi ang matitipid kung doon na bibili sa kanilang mismong lugar ang mga kababayan nating kapus-palad kaysa gumastos pa sa pamasahe patungong palengke.  

Good luck sa inyong pangarap na bigasan! 

Kanegosyong Bam.

*** 

Kanegosyong Bam,

 Magandang araw po sa inyo! Ako po ay isang seaman at gusto kong makapag-umpisa ng negosyong hollow block-making.  Mayroon po bang CARD-MRI branch sa Misamis Occidental? 

Maraming salamat, Sunny.

*** 

Kanegosyong Sunny,

Magandang araw din sa iyo at sa iyong pamilya!

Ikinalulungkot naming sabihin na sa kasalukuyan, wala pang sangay ang CARD-MRI sa Misamis Occidental.  Sa Dipolog City ang pinakamalapit na sangay at matatagpuan ito sa Katipunan St., Brgy. Miputak, Dipolog City, Zamboanga del Norte.  Maaari silang matawagan sa (065) 908.2211.

Maraming salamt at good luck sa pangarap na negosyong paggawa ng hollow block!

 Kanegosyong Bam

NEGOSYO, NOW NA!: Pinoy Pizza

Mga Kanegosyo, itutuloy natin ang pagkukuwento sa landas na tinahak ni Tess Ngan-Tian mula sa simpleng negosyante hanggang sa pagiging may-ari ng matagumpay na pizza chain na Lots’a Pizza.

Pagkalipas ng sampung taon ng pagpapatakbo ng food stalls para sa mga mag-aaral ng Mendiola sa Maynila, nagpasya ang mag-asawang ituon na lang ang negosyo sa isang uri ng pagkain.

May nakapagsabi kasi sa kanila na hindi puwedeng lahat na lang ay kanilang ibebenta. Dapat makilala sa iisang brand na matatawag nilang kanila.

Mangyayari lang ito kung magbebenta sila ng isang uri ng produktong pagkain na magsisilbing pangunahing tatak ng kanilang kumpanya.

Nagsaliksik ang mag-asawa at doon lumitaw na mas patok at mas mabili ang pizza kumpara sa hamburger sa merkado.

Isa pa, ang pizza ay isang international product. Kahit saang bansa magpunta ay may makikitang pizza.

Ayon sa kanila, mas madali pang lutuin ang pizza dahil maaari itong gawin sa anumang paraan na naisin.

Hindi rin problema kung sino ang bibili dahil swak ito sa anumang uri ng tao, mayaman man o mahirap.

***

Sa dinaluhang food expo sa Hong Kong, doon nakita ni Tess ang booth ng American Institute of Baking na nakabase sa Kansas, USA.

Napukaw ang kanyang interes sa nasabing paaralan, lalo pa’t kasama sa kanilang mga inaalok ay pizza technology course. Kaya noong 1995, nagtungo siya sa Kansas at dalawang linggong nag-aral sa paggawa ng pizza.

Nakuha niya ang karangalan bilang kauna-unahang Pilipinong pumasok sa nasabing paaralan.

Dumalo rin siya sa isang pizza expo in Las Vegas kung saan nakita niya ang iba’t ibang sistema, istilo at teknolohiya sa paggawa ng pizza.

Sa kanyang pag-aaral, napag-alaman niyang hindi pala ganoon kadali at kasimple ang paggawa ng pizza. Nadagdagan ang kanyang kaalaman ukol sa teknikal na aspeto ng paggawa nito.

Pagbalik niya sa Pilipinas, ipinakilala niya ang pizzang tatak-Pilipino. Ang paniniwala niya ay hindi pare-pareho ang panlasa ng bawat nasyonalidad kaya dapat iakma ang pizza sa panlasang Pilipino.

Upang lalo pang makilala ang produkto, tiniyak niya na ito’y makikilala sa pagiging abot-kaya nang hindi nasasakripisyo ang kalidad ng mga sangkap.

Doon na nagsimula ang pagmamahal ng mga Pilipino sa Lots’a Pizza.

***

Nagbukas sila ng sampung sangay noong 1996 at inumpisahan ng mag-asawa ang franchise system noong 2000 upang mabigyan ang iba pang nais magnegosyo ng pagkakataong magkaroon ng kanilang sariling pizza outlet.

Ngayon, mayroon na silang 215 tindahan at mayroon na ito sa Ilocos hanggang Palawan!

Sa una nilang pagpasok sa pagnenegosyo, wala silang pormal na kaalaman at pumatok ito.  

Nang mas malakas na ang kanilang loob, nagsaliksik sila at nag-aral upang magkaroon ng kumpiyansa at kakayahang mas mapalago ang kanilang negosyo.

Kung hindi sa lakas ng loob ng mag-asawa, malamang na hindi natin natikman ang pizza na patok sa panlasang Pinoy.

Kaya huwag tayong matakot sumuong sa pagnenegosyo. Malay natin, ito ang daan tungo sa inaasam nating tagumpay!

NEGOSYO, NOW NA!: Aksidenteng Negosyante

Mga Kanegosyo, hindi ibig sabihin na nakapag-aral na ng kursong pagnenegosyo ay siguradong magtatagumpay.

Mayroon din namang mga nagtagumpay nang walang pormal na pag-aaral o kaalaman sa negosyo. Isa na rito si Tess Ngan-Tian, ang may-ari ng pizza chain na Lots’a Pizza.

Sa aming kuwentuhan ni Tess sa programang “Status Update”, inamin niya na wala silang alam na mag-asawa pagdating sa pagnenegosyo at aksidente lang ang pagkakapasok nila rito.

 Noong pinasok nila ito 30 taon na ang nakararaan, wala pa noong paaralan para sa pagnenegosyo at hindi pa uso ang business consultant na puwedeng hingan ng payo ukol sa pagpapatakbo ng isang pangkabuhayan.

Naging sandata nila ang pagiging malikhain, kusang pagkilos at matinding kagustuhan na magtayo ng negosyo.

***

Nagtatrabaho noon si Tess sa San Beda College Alabang bilang finance director. Kasabay ng kanyang trabaho, siya rin ang humahawak ng libro ng mga Benedictine sa San Beda College sa Mendiola.

 Sa panahong iyon, nangailangan ng pondo ang San Beda para matustusan ang pagpasok ng 25 postulants o mga kandidato sa Benedictine Order.

 Kinailangang maghanap ng San Beda College ng paraan kung paano mapopondohan ang pangangailangan ng 25 binatang nais magpari. Ang pondo nila ay nakalaan lang sa mga karaniwang gastos ng paaralan at kukulangin sila kung sila pa ang magtutustos sa mga ito.

 Kaya naiatang kay Tess ang responsibilidad na maghanap ng pondong gagamitin ng postulants.

*** 

Isang araw, sinundo siya ng kanyang asawa pagkatapos ng isang pagpupulong sa Mendiola ukol sa isyung ito.

Habang naglalakad, napansin ng kanyang mister na may magandang puwesto sa may Mendiola para paglagyan ng food stalls dahil magkakalapit ang mga eskuwelahan sa lugar gaya ng San Beda, Centro Escolar University at La Consolacion.

Sa una, plano ng mag-asawa na mag-sublease ng 12 food carts ngunit napilitan silang patakbuhin ang pito sa mga ito matapos mabigong makahanap ng uupa.

Sa pagpaplano nilang mag-asawa, nagpasya silang tumutok sa negosyong pagkain dahil ito ang pinakapatok sa mga mag-aaral doon. 

Noong una, nagbenta sila ng tanghalian gaya ng tapsilog, burger, siopao pati na sago’t gulaman. 

Nanatili pa roon ang mag-asawa ng walong taon. Sa tagal nila sa lugar na iyon, kumita sila para sa kanilang pamilya, natutunan nila ang pasikut-sikot ng food business, at nakatulong pa sila sa Benedictine Order!

 Dahil nga napunta sa magandang layunin ang bahagi ng kanilang negosyo, tiwala sila na pagpapalain ang mga susunod nilang papasuking kabuhayan.

***

 Mga Kanegosyo, ang dami nating matututunan sa kuwento ng mag-asawa.  Hindi talaga nila unang tinahak ang pagnenegosyo, bagkus ay napasok sila roon dahil sa pangangailangang tumulong. 

Ikalawa, nakadiskarte sila kaagad ng pagkakataon nang makakita sila ng magandang puwesto.  Ika nga natin, location, location, location.  Susi talaga ang magandang lugar para bumenta tayo.

Ikatlo, nang pag-aralan nila kung sino ang bebentahan nila, naisip nila na pagkain ang siyang papatok dahil maraming mag-aaral doon sa Mendiola.  Napakahalagang hulihin ang hahanap-hanapin ng merkado para kumita nang malaki.

Panghuli, ang layuning makatulong sa mga gustong magpari ay maaaring nakatulong din sa kanilang paglago bilang mga negosyante.

 Sana’y natuwa kayo sa kuwento ng mag-asawa.  Ipagpapatuloy natin ang kanilang kuwento sa susunod na linggo para mas marami pa tayong matutunan sa pagnenegosyo!

NEGOSYO, NOW NA!: Matibay na Samahan

Mga Kanegosyo, ipagpapatuloy natin ngayong linggo ang naging talakayan namin ni Jutes Tempo, may-ari ng sikat na Cello’s Donuts.

Sa nakaraan nating kolum, binanggit niya na isa sa malaking hamon na hinarap niya bilang negosyante ay ang tamang pananaw ukol sa tagumpay na nararanasan.  

Hindi ibig sabihin na kumita nang malaki ngayong taon ay wawaldasin na ang pera. Kailangang magtabi para makapaghanda sa anumang puwedeng mangyari sa hinaharap.

Sa pagpapatuloy ng aming usapan, nabanggit niya na pagkatapos nilang pagdaanan ang mga hamon sa Cello’s Donuts, handa na silang magtayo ng isa pang negosyo gamit ang mga natutunan ng ilang taon.

Itinayo nila ang Gino’s Brick Pizza na ipinangalan nilang mag-asawa sa kanilang panganay. 

Sa sariling luto at kakaibang mga flavor tulad ng chocolate pizza, pumatok ito sa mga kumakain at binalik-balikan ang kanilang restawran.

***

Mga Kanegosyo, sa isang lumalaking negosyo, dumadami ang pangangailangang tauhan na siyang magpapatakbo ng negosyo.

Para sa kanya, ang negosyo ay para ring pag-a-asawa at pagkakaibigan, kung saan dapat kunin ang mga taong magaan sa loob makakasama araw-araw.

Kahit pa mapera ang isang tao, kung mabigat naman sa kaloobang pakitunguhan ang kasama, hindi rin tatagal ang samahan sa negosyo.

***

Idiniin niya ito sa aming kuwentuhan dahil noon, hindi nila masyadong napagtuunan nang pansin ito.

Kaya noong kinuwenta na nila ang gastos, nalaman nilang may mga empleyado ang natuksong kumuha mula sa negosyo.

Pansamantala nilang itinigil ang negosyo dahil dito. Muling binalikan ang mga plano at naglatag ng mas epektibong paraan upang matutukan ito.

Pinag-usapan din nilang mag-asawa kung anong uri ng mga kasamahan ang gusto nilang makasama sa negosyo – tapat, masipag at kasamang nangangarap na lumago ang negosyo.

Para sa kanila, ang negosyo ay parang pamilya. Gusto ni Jutes na alam niya ang pangalan ng bawat tauhan at kanilang pinanggalingan.

Kaya araw-araw, sinisikap niyang umikot sa lahat ng kanilang mga branches ng Cello’s Donuts at Gino’s Brick Oven Pizza.

Kausap niya parati ang mga manager, waiter, cook at kahera.  Sinisikap niyang kilalanin ang lahat ng 120 nilang tauhan.

Mahalaga sa kanilang masaya at parang pamilya ang negosyo kaya pinapahalagahan nila ang bawat katrabaho.

 

***

Sana’y marami tayong natutunan sa kuwento ng mag-asawang sina Jutes at Cello.  Nagtagumpay man sila, marami rin silang pinagdaanan sa pagnenegosyo. 

Patuloy silang natututo araw-araw at patuloy nilang inaayos ang pagpapatakbo nito upang magtagumpay hindi lamang silang may-ari, kundi pati na rin ang mga kasama rito!

 

NEGOSYO, NOW NA!: Biglang Yaman

Mga Kanegosyo, nitong nakalipas na dekada, nagpasukan ang mga imported donut sa ating lokal na merkado.

Ngunit bago pa namayagpag ang mga brand na ito, isa sa mga kilalang donut brand ang Cello’s Donuts, na patok sa mga mag-aaral sa may Katipunan at iba pang bahagi ng Quezon City.

Ang nasabing donut shop ay pag-aari ni Jutes Tempo, isang negosyante at college basketball coach.

Sa aming kuwentuhan ni Jutes sa programang “Status Update”, nabanggit niya na ang negosyo ay bunga ng pag-iibigan nilang mag-asawa.
Nang magtapos si Cello, ang kanyang kasintahan noon, mula sa pag-aaral, naisip niyang magbenta ng donut sa mga mag-aaral.  Bilang masugid na mangingibig, umalis si Jutes sa kanyang trabaho at sinamahan si Cello sa negosyo.

Noong 2004 nga, isinilang ang Cello’s Donuts sa panahong pausbong ang mga donut sa bansa.

***

Ayon kay Jutes, para silang kinasihan ng suwerte nang simulan nila ang pagbebenta ng donut.

Naisip nilang gumawa ng iba’t ibang flavor ng donut na may Oreo, M&Ms at iba pang uri ng tsokolate.

Dahil nakapuwesto sa Katipunan ang una nilang branch, agad namang pumatok ang iba’t ibang flavor na ito sa kabataan na mahilig sa matatamis.

Sa pagluluto nila ng donut, nakadagdag pa ng pang-akit sa mga customer ang exhaust mula sa kusina at nakatapat sa kalsada. Amoy na amoy tuloy ng mga dumadaan ang mga bagong lutong donut.

***

Ang kuwento niya, sa kasabay na naranasang tagumpay nilang mag-asawa, hindi rin nawala ang araw-araw na pagsubok at hamon sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo.

Kasama na rito ang mga nasisirang gamit, mga babayarin at minsan, ang panloloko ng masasamang tao.

Ngunit ginamit ng mag-asawa ang mga pagsubok na ito upang mas mapaganda ang kanilang operasyon at mapalago ang negosyo. Makalipas ang isa’t kalahating taon, nabawi na ng mag-asawa ang kanilang puhunan.

***

Mga Kanegosyo, ngunit nang tanungin natin si Jutes sa kung ano ang pinakamalaking pagsubok na kanilang napagdaanan, nagulat tayo sa kanyang sagot.

Sa una, akala nating babanggitin niya ang puhunan, pagkalugi o di kaya’y problema sa mga tauhan.

Subalit, binanggit niya na ang pinakamalaking hamong kanilang hinarap ay ang personal maturity niya bilang isang negosyante.

Nang makatikim nang maagang tagumpay, ginastos nang ginastos ni Jutes ang kanilang kinita. Kung anu-anong personal na luho ang kanyang binili at kung saan-saang lugar sila pumunta.

Naramdaman na lang niya ang epekto nito nang mangailangan na sila ng karagdagang kapital at panggastos sa lumalaking pamilya. Wala na silang madukot mula sa naunang kita ng tindahan.

Doon niya napagtanto na kailangan nang magtabi ng pera mula sa kita ng negosyo upang may mapagkukunan kapag nangangailangan.

Napakagandang payo ito para sa mga nagnenegosyo. Huwag tayong masyadong malunod sa tagumpay.

Ika nga, mga Kanegosyo, think long term. Isipin ang pangmatagalan.

Huwag tayong maging bulagsak sa pera. Kailangang magtabi ng bahagi ng kita upang may madudukot sa biglaang pangangailangan.

Sa pamamagitan nito, mas magiging matibay at matagumpay ang itinayong negosyo!

Scroll to top