NEGOSYO, NOW NA!: Techie Negosyo
Mga Kanegosyo, pamilyar ba kayo sa salitang “technopreneur”?
Ito ay ang mga negosyanteng nakasentro sa kasalukuyang teknolohiya, gaya ng computer, Internet at cellular phones.
Isa sa mga mga tanyag na “technopreneur” sa bansa ay si Nico Jose “Nix” Nolledo, president at chief executive officer ng Xurpas Inc., isang mobile content provider.
Marami ang nais sumunod sa yapak ni Nix bilang “technopreneur” nang maging bilyonaryo ito kasunod ng pagpasok ng Xurpas Inc. sa stock market.
***
Ngunit tulad ng iba pang mga kuwento ng tagumpay, hindi naging madali para kay Nix ang tinatamasa niya sa kasalukuyan.
Nagtapos siya ng kursong Business Management noong 1998 na nataon namang nasa kasagsagan noon ng Asian financial crisis.
Nahirapan siyang makakuha ng trabaho dahil ayaw ng mga kumpanya noong kumuha ng bagong graduates.
Kaya naman nag ikut-ikot siya sa iba’t ibang kumpanya sa Makati at nag-apply ng trabaho.
Nang walang makitang trabaho doon, sa mga restaurant naman siya lumapit. Kinuha siya ng isang fastfood chain bilang assistant store manager sa sangay nito sa SM North.
Sa trabahong iyon, naranasan niyang utusan ng manager na maglinis ng kubeta ng fastfood chain. Sa isip niya, hindi ito ang trabahong iniisip niya nang nag-aral siya.
Gayunpaman, sinunod pa rin niya ang utos ngunit ito ang nagsilbi sa kanyang hamon upang magpursigi.
Noong 1999, itinayo niya ang Pinoyexchange na mula sa ideya ng kanyang kapatid na Internet-based message board.
Sa tulong ng puhunang P9,000 lang, paglipas ng anim na buwan, ito na ang pinakamalaking online community sa Pilipinas.
Nakita ng Ayala ang potensiyal ng sinimula niyang community kaya agad nila itong binili at kinuha pa siya bilang kabahagi nito.
Sa kanyang pakikipagpulong sa matataas na opisyal ng Ayala, nakakuha pa siya maraming ideya.
Isa rito ang katotohanan na mas maraming cellphone sa bansa kumpara sa mga personal computer.
Kaya naisip niyang ituon ang pansin sa cellular phones. Doon na niya itinatag ang Xurpas noong 2001 sa capital na P62,500 kasama ang dalawa pang kaibigan.
Makalipas ang 14 na taon, ang Xurpas ngayon ay mayroon nang market capital na $400 million at ang tanging consumer tech company na nakalista sa Philippine Stock Exchange.
Mula nang magpatala sa PSE, nakapag-invest na ang Xurpas sa mga kumpanya sa Estados Unidos, Indonesia, Singapore at dalawa pa sa Pilipinas.
Kabilang sa kanilang tinututukan ngayon ay ang paggawa ng digital products tulad ng mobile games.
***
Ayon kay Nix, isa sa mga susi sa tagumpay niya ang patuloy na paghahanap ng makabago at kakaibang produkto na makakaakit sa customer.
Sa tulong ng mga bagong produkto, mananatiling angat ang kumpanya sa mga kakumpitensiya sa merkado.
Kung mananatili na lang sa lumang ideya, mapag-iiwanan ang negosyo sa mabilis na takbo ng teknolohiya sa merkado.
***
Mga Kanegosyo, nagpapasalamat tayo sa Go Negosyo sa pagbabahagi ng ilan sa mga kuwento natin para sa kolum na ito. Kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sa negosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.
Pangarap nating makamit ninyo ang tagumpay sa pagnenegosyo!
Recent Comments