no to corruption

BIDA KA!: Never again!

Mga Bida, sa ngayon marami ang nagsisikap na baguhin ang kasaysayan at ang nangyari sa panahon ng diktaduryang Marcos at Martial Law.

Sa YouTube lang, nagkalat ang iba’t ibang propaganda na nais ilarawan na isang masayang panahon sa kasaysayan ng Pilipinas ang Batas Militar, na ibinaba apatnapu’t dalawang taon na ang nakalipas ngayong linggong ito.

Sinasabi ng mga nagpapakalat ng maling propaganda, ang dalawampung taong diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang pinakamagandang panahon sa kasaysayan dahil napakatahimik at napakaunlad ng bansa.

Ang nakakalungkot, may mga kabataang nakukumbinsi at napapaniwala ng mga nasabing mapanlinlang na propaganda sa Internet.

Sa kabila nito, hindi pa rin mabubura ang mga totoong kuwento ng mga dumanas ng torture at iba pang uri ng pagpapahirap sa ilalim ng Martial Law.

Dagdag pa rito ang talamak na korupsiyong nangyari at paggahasa sa kaban ng taumbayan.

Sa pagtala, halos 15,000 ang pinatay, pinahirapan o nawala na lang at hindi na nakita pa mula 1972 hanggang 1981.

Isa na rito si dating kongresista at ngayo’y Commission on Human Rights (CHR) chairperson Etta Rosales.

Sa kuwento ni Rosales, dinala siya at lima pang kasama ng ilang military agents sa isang safehouse sa Pasig at doon pinahirapan at isinailalim sa interogasyon ng isang buwan.

Si dating Bayan Muna congressman Satur Ocampo ay isang reporter ng Manila Times bago sumali sa underground movement para labanan ang rehimeng Marcos nang ideklara ang Martial Law.

Nang mahuli siya ng militar noong 1976, isinailalim si Ka Satur sa matinding pagpapahirap, kabilang na ang pagkuryente at pagpaso sa kanya ng sigarilyo.

Mula naman nang pabalikin ni Marcos sa Pilipinas noong 1977, hindi na muling nakita pa ni Priscilla Mijares ang asawang si Primitivo, na isang mamamahayag.

Si Primitivo ay kilalang malapit sa pamilya Marcos ngunit bumaligtad nang ipadala siya sa Amerika. Tumestigo pa siya sa US Congress ukol sa talamak na paglabag sa karapatang pantao sa bansa.

Ilan lang sila, mga Bida, sa mga naperwisyo at nasalanta noong panahon ng Batas Militar.

Mismong pamilya namin, nakaranas din ng pagpapasakit noong panahon ng Batas Militar. Senador noon ang aking tiyunin na si Ninoy Aquino ngunit walang pakundangan siyang ipi­nadampot ni Marcos sa mismong araw na idineklara ang Martial Law. Itinuring si Ninoy noon bilang Prisoner No. 1.

Huwag nating kalimutan, mga Bida, na walong taon siyang ikinulong bago siya pinatay noong 1983. Isa lang siya sa napakaraming taong pinahirapan noong panahong iyon.

Maliban sa mga human rights violations na nangyari, marami ang nakakalimot na ayon sa datos ng Presidential Commission on Good Government (PCGG), nasa $10 bilyon ang nanakaw ni Marcos noong siya’y nasa poder noong 1980’s.

Mga Bida, ang halaga ng $10 bilyon sa panahon natin ngayon ay $4.29 bilyon.  Sa pera natin, mga Bida, iyan ay may katumbas na PhP 144.74 bilyon. Sa halagang iyan, tila nagmistulang barya ang mga nanakaw ni Napoles at iba pang opisyales.

Ang tanong lagi ng pamilya namin noong panahong iyon, ang mga mismong nakaranas lang ba ng kalupitan noon ang siyang kontra sa Martial Law?

Ang iba pang tao, kahit alam nilang may nangyayaring masama ngunit hindi sila tuwirang naapektuhan, ay tinanggap na lang ba nila ang mga pangyayari noon?

Mga Bida, masasabi rin natin na ang Martial Law ay umabot ng 20 taon dahil sa panahong iyon, nawalan ng boses at tapang ang taumbayan. Maraming tao ang inaresto, pinatay at naglaho na lang ngunit walang ginawa ang taumbayan.

Hindi ko alam kung ito’y sa takot o dahil ayaw nilang maperwisyo, nagbulag-bulagan na lang sila sa totoong nangyayari.

Mabuti na lang, mga Bida, pagkatapos pinaslang si Tito Ninoy, nagising ang taumbayan at nagdesisyon na patalsikin ang diktadura at hagkan ang demokrasya.

Ngayon, mga Bida, nagkaroon na ng ebolusyon ang taumbayan. Mas handa na tayong tumayo at lumaban kahit hindi tayo tuwirang naaapektuhan ng isang bagay.

Tulad na lang sa PDAF scam, nagtipun-tipon ang taumbayan upang ito’y batikusin hanggang sa ito’y maalis sa pambansang pondo.

At mga Bida, handa akong tumaya na sa panahon natin ngayon ay hindi na ulit papayag ang mga Pilipino sa pagkitil sa ating mga karapatan at pagbalasubas sa ating lipunan.

Tinataya ko, mga Bida, na kahit papaano natuto na ang Pilipino at hindi na ulit papayag na mapasailalim sa mga korap, hayok sa kapangyarihan at mapang-abuso.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top