Ormoc City

Trahedya sa Ormoc City

Mga Bida, muling natuon ang pansin ng sambayanan sa isyu ng kaligtasan ng mga sasakyang pandagat sa bansa sa paglubog ng M/B Kim Nirvana noong nakaraang linggo sa karagatan ng Ormoc City.

Sa huling bilang, 61 ang namatay sa nasabing trahedya, na isinisisi sa overloading ng mga pasahero at kargamento. Kamakailan, sinampahan na rin ng kasong kriminal ang mga may-ari, kapitan at 17 crew ng M/B Kim Nirvana.

Subalit hindi matutuldukan ang usapin sa pagsasampa ng kaso. Sa halip, manganganak pa ito sa mas malaki at mas mahalagang isyu.

Sa nangyari, muling lilitaw ang mga katanungan ukol sa kaligtasan ng mga barko, lantsa, roro at iba pang uri ng sasakyang pandagat na nagdadala ng mga pasahero’t kargamento sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

***

Sa tala ng Maritime Industry Authority (MARINA), sa huling bilang noong 2013, nasa 8,112 sasakyang pandagat ang bumibiyahe sa bansa.

Sa nasabing bilang, 4,837 o 60% ay passenger vessels, na karamiha’y motor banca gaya ng lumubog na M/B Kim Nirvana. Nasa 2,291 naman ang cargo ships at 795 ang tankers at tugboats.

Ang nakababahala rito, ang average na edad ng passenger vessels na bumibiyahe sa labing-apat na pangunahing ruta sa bansa ay nasa 30 taon na.

Nakaranas na rin ang bansa ng maraming trahedya sa karagatan. Sino ba naman ang makakalimot sa paglubog ng M/V Doña Paz noong 1987 kung saan nasa 4,000 katao ang namatay? Nananatili ito sa ating kasaysayan bilang “worst maritime disaster” sa kasaysayan ng mundo.

Isang taon ang nakalipas, 389 na pasahero ang patay nang lumubog ang sister ship ng M/V Doña Paz na M/V Doña Marilyn matapos maipit sa bagyong Unsang. Noong 1998, 150 pasahero naman ng M/V Princess of the Orient ang nasawi matapos itong lumubog habang bumibiyahe patungong Cebu.

Maliban sa malalaking trahedya, may mga maliliit ding insidente sa karagatan, gaya ng M/B Sunjay noong 2006 sa Leyte na ikinamatay ng 16 na katao.

Noong 2006 din, lumubog ang M/B Leonida II sa karagatan malapit sa Surigao City kung saan 19 na katao ang namatay.

Sa trahedyang kinasangkutan ng M/V Catalyn-D at M/V Blue Water Princess noong 2007, nasa 16 na katao naman ang nasawi.

***

Mga Bida, ang mga nakalipas na trahedyang ito ang nagtulak sa akin na maghain ng resolusyon noong Mayo 2014 na humihingi na imbestigahan ang kaligtasan ng mga sasakyang pandagat sa bansa.

Layon ng imbestigasyong ito na alamin kung ipinatutupad ng mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan ang mga kaila­ngang hakbang upang matiyak na hindi na mauulit pa ang mga nakalipas na trahedya.

Sa imbestigasyong ito, aalamin din kung tumutupad ang mga kumpanyang nagmamay-ari ng mga sasakyang pandagat na naglalayag sa iba’t ibang parte ng bansa sa mga ipinatutupad na patakaran sa mga pantalan.

Sa kasamaang-palad, nalunod lang ito sa pila ng mga resolusyon at hindi dininig ng kaukulang komite ng Senado.

***

Magsilbi sanang “wake-up call” ang nangyari sa Ormoc City sa atin para seryosohin ang pagsilip sa kaligtasan ng mga sasakyang pandagat na nagdadala ng mga pasahero sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Panahon na para tiyaking nasusunod ang mga umiiral na patakaran sa mga pantalan, gaya ng pagbabawal sa overloading ng pasahero at kargamento, gayundin sa disenyo ng mga bangkang naglalayag, para sa kaligtasan ng lahat.

Sampahan na rin kung may mga tiwaling opisyal ng pamahalaan ang nagkulang sa pagpapatupad ng mga patakaran. Dapat managot ang lahat ng may kasalanan lalo na’t napakaraming buhay ang nawala.

Dapat na ring paigtingin o magpatupad ng mga pagbabago sa kasalukuyang sistema sa pagtukoy kung ligtas bang maglayag o hindi ang isang sasakyang pandagat upang maiwasan na ang ganitong uri ng insidente sa hinaharap!

 

 

First Published on Abante Online

Scroll to top