pagmamahal ni Pope Francis

BIDA KA!: Ang pagmamahal ni Pope Francis

Kilala si Jorge Mario Bergoglio sa kanyang simpleng pamumuhay at pagiging makatao at makamahirap.

Sumasakay lamang siya ng bus at ‘di gumagamit ng mamahaling sasakyan sa pang-araw-araw.

Nakatira siya sa isang maliit na apartment na puwede namang mas magarbo ang kanyang tahanan dahil isa siyang arsobispo.

Lumalabas pa siya ng simbahan sa gabi upang makasalo sa pagkain ang mga mahihirap at walang tahanan.

Ipinaparamdam niya sa mga taong salat sa yaman na may handang dumamay sa kanila.

Nang mahirang bilang Santo Papa, pinili niya ang pa­ngalang Francis bilang pagbibigay-pugay kay St. Francis of Assisi, na santo ng mahihirap at nangangailangan.

***

Nang sinimulan niya ang kanyang pamumuno sa 1.2 bil­yong Katoliko sa buong mundo, ipinagpatuloy ni Pope Francis ang kanyang mga nakagawian para sa mahihirap na hindi kadalasang ginagawa ng isang Santo Papa.

Tulad noong nasa Argentina siya, pinili lamang niyang manirahan sa Vatican Guesthouse na mas payak kaysa sa mas magarbong Papal Apartments na tinirhan nang mga nakaraang Santo Papa.

Wika niya na mas pabor sa kanya ang Guesthouse nang manatili siyang bahagi ng isang komunidad kahit siya na ang pinakamakapangyarihang Katoliko ngayon.

Lumalabas pa rin siya ng Vatican upang magbigay ng tulong sa mahihirap na walang tahanan sa Roma. Sumasabay rin siyang mananghalian sa mga tauhan ng cafeteria ng Vatican.

Minsan, ikinagulat ng kanyang Swiss Guard nang binigyan niya ito ng tinapay at nakipagkuwentuhan.

Marahil, para sa iba, itong mga kilos na ito ay maliliit lamang. Ngunit, simbolo ito ng pagkilala ng Santo Papa sa dignidad ng lahat ng tao – ikaw man ay mahirap o mayaman, trabahador lamang o may-ari ng malalaking negosyo sa mundo.

***

Noong nakaraang Mahal na Araw, hinuga­san ni Pope Francis ang mga paa sa tradisyong ‘Washing of the Feet’ hindi lamang ng mga la­laki na nakaugalian na, ngunit pati na rin ang mga babae at mga bilanggo.

Hindi rin siya nami­mili ng mga taong pakikitunguhan. Mula sa mga may malalang sakit, atheist, Muslim at ma­ging mga biktima ng karahasan, nakikisa­lamuha at nakikiba­hagi ang Santo Papa sa kanilang lahat.

Ipinakikilala lang ni Pope Francis ang tunay na katangian ng isang servant leader, na handang humarap at magsilbi sa lahat ng uri ng tao at hindi lang sa iilan.

Sa pagiging simple at mababang-loob, agad napalapit si Pope Francis sa tao hanggang sa makilala na siya bilang People’s Pope.

***

Idinidiin din ni Pope Francis na galangin natin ang mahihirap at iba pang sektor na isinasan­tabi ng lipunan. Sila rin ay may dignidad at pagkakakilanlan tulad nating lahat.

Sa pagkilala sa kanila, naging aktibo ang Santo Papa sa mga programang tulad ng isinusulong natin upang makalikha ng trabaho, at mabigyan ng kabuhayan at maliliit na negosyo para sa mga naka­rarami.

Sa kanyang panahon bilang Arsobispo, naki­pag-ugnayan siya sa pamahalaan at mga pri­badong sektor upang bigyang solusyon ang kahirapan at kawalan ng hustisya sa Argentina.

Hindi lang awa at donasyon ang itinutulak ng Santo Papa, kundi tunay na pagmamahal at pakikiba­hagi sa nakalugmok sa kahirapan.

Pangmatagalan ang kanyang mga ­panukala — bigyan sila ng pagkakakitaan at pagkaka­taong lumago nang maka­bangon sila sa kanilang kinalalagyan.

Maging ­inspirasyon sana ang panahong nari­rito sa ating bansa si Pope Francis upang lalo tayong kumilos para maibahagi ang kaunlarang nararanasan natin sa mas maraming Pilipino.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top