BIDA KA!: Ospital para sa batang Pinoy
Sa ganitong uri ng transaksyon, isang salita ang pinanghahawakan at tiwala sa kausap ang kailangan.
Ngunit hindi ganito ang nangyari sa usapang kaliwaan sa pagitan ng National Housing Authority (NHA) at Department of Health (DOH) na pinasok noon pang 1992.
Nagkasundo noon ang DOH at NHA na magpalitan ng kani-kanilang ari-arian sa Cebu at Quezon City na may sukat na 5.9 ektarya at 6.4 ektarya, ayon sa pagkakasunod.
Subalit isang bahagi lang ng kasunduan ang naipatupad dahil habang naipamahagi na ng NHA ang Cebu property sa pamamagitan ng socialized housing, hindi naman nailipat sa DOH ang pagmamay-ari ng lupain sa Quezon City.
Sa salitang kanto, parang nagkaroon ng malaking panggugulang sa sitwasyong ito. Habang naipamudmod na ng NHA ang lupaing ipinagpalit para sa ari-ariang kinatitirikan ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC), wala namang napala ang DOH sa transaksyon.
Ngayon, kabado ang opisyal ng PCMC dahil nasimulan nang ipagbili ng NHA ang isang bahagi ng lupain sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS), na isa ring ahensya ng pamahalaan.
Dahil hindi pa hawak ng PCMC ang titulo ng lupa, hindi matuluy-tuloy ang balak na private-public partnership na sana’y magpapaganda sa ospital na nagseserbisyo sa 70,000 batang pasyente kada taon, na karamihan ay galing sa mahihirap na pamilya.
Upang maplantsa na ang gusot na ito, naghain tayo ng Senate Resolution 266 na layong pagsama-samahin sa iisang mesa ang mga kaukulang ahensya gaya ng NHA at DOH at resolbahin ang isyu ng pag-aari sa PCMC.
Sa huling pagdinig ng Senate Committee on Health ukol sa aking resolusyon, humarap si NHA general manager Chito Cruz at iba pang mga opisyal ng ahensya upang sagutin ang isyu.
Dumalo rin ang mga opisyal at mga empleyado ng PCMC, sa pangunguna ni executive director Julius Lecciones, upang ibigay ang kanilang panig, kasabay na rin ng hiling na resolbahin na ang isyu.
Sa pagdinig, iginiit ng NHA na kanila pa rin ang ari-ariang kinatatayuan ng PCMC dahil hindi nagkaroon ng buong pagpapatupad ng kasunduan.
Subalit sinabi ni Cruz na handa ang NHA na ilipat ang ari-arian sa DOH kung maglalabas ang Department of Justice (DOJ) ng opinyong legal na nagsasabing dapat ipatupad ang naunang kasunduan.
Mahalaga ang tiwala sa isang usaping kaliwaan. Nagtitiwala ang magkabilang partido sa isa’t isa na tutuparin nila ang kanilang mga ipinangako.
Nagtitiwala tayo na magagawan ng paraan ng NHA ang isyung ito pagkatapos ilabas ng DOJ ang kanilang opinyon upang maging magandang pamasko ito hindi lang para sa opisyal at empleyado ng PCMC kundi pati na rin sa mahihirap na batang Pinoy na nakikinabang sa libre at de-kalidad na serbisyo.
First Published on Abante Online
Recent Comments