RescYouthAct

Bam on his Year 2 Accomplishments (Transcript of Interview)

Well, ito pong mga batas po naming ito, alam ninyo po, dalawa po itong committee po natin.  Ang una sa Youth, tsaka iyong Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.  Kaya kung napapansin po natin, lagi po ang ating usapin ay usaping pang-kabataan at usaping pang-negosyo. 

Kaya gusto ko po sanang ireport na hindi po nasayang ngayon sa pangalawang taon ko po dito sa Senado.

Responsive, Empowered Service-Centric Youth Act of 2015

Meron po tayong dalawang napakagandang batas na umuusad. Iyong isa po riyan, yung tinatawag nating RESCYouth.

Ito po iyong batas at napasa na po on third reading. So actually hinihintay na lang po natin iyong counterpart sa Kongreso.  Ang nakalagay po rito, na sa ating NDRRMC, iyong ating National Disaster Risk Reduction Management Council, kinakailangang may kinatawan ang mga kabataan.

Nakita po kasi namin na, sa bawat delubyong nangyayari ay mga kabataan iyong mga kauna-unahang volunteer, eh ‘di ba kabataan.  Sino ba iyong nagpupuno roon sa mga repacking stations natin, ‘di ba iyong mga kabataan?

Nakita rin naming na marami ring mga youth groups na nagbibigay ng first aid, sumasama sa red cross, nagtuturo ng mga CPR, iyong paglangoy, so marami po talagang kabataan ang involved, pero hindi sila involved sa pagpaplano ng disaster risk management.

Lahat po ng ating Disaster Management Councils, magkakaroon po ng youth representative.

Iyong kaalaman, experiences, pwedeng maibahagi ng kabataan, mapapasama na po sa National Councils, sa NDDRMC, Provincial Councils, City Councils, Municipal Councils, kahit Baranggay Councils kasi mayroon na dapat po tayong mga konseho pagdating sa pagmanage ng mga delubyo sa ating bansa.

Youth Entrepreneurship Act

Itong pangalawa po, ratified na, pirma na lang po ng presidente natin ang kailangan. So we’re hoping, bago po mag SONA, pirmado na po ito.

Ito po iyong Youth Entrepreneurship Act.  Ang kapartner po namin dito ay si Br. Armin Luistro at Deptartment of Education.

Napapansin po kasi namin na, pagdating po sa mga kabataan, mahalaga po talaga, iyong financial literacy o kaalaman sa paghawak ng pera at mga kaalaman sa pagnenegosyo.

Sa ngayon, sama-sama po iyan sa financial literacy, savings, investments, kaalaman sa pagtatayo ng sariling negosyo.  Maituturo na po finally sa ating educational system kasi po ‘di ba laging batikos sa ating educational system ay tinuturuan ka naman maging empleyado, kumbaga hindi tinuturuan para magtayo ng negosyo.

Maisasama na po iyan sa K to 12 at kadikit po niyan, magkakaroon po tayo ng fund para yung mga gustong magnegosyo na mga kabataan especially yung nasa K to 12 pwede pong mabigyan ng DepEd nang kaunting start up capital.  Hindi teorya lang yung kanilang pagtuto tapos magkakaroon pa po sila ng praktikal na kaalaman sa pagtatayo ng negosyo.

   

Sa mga Umuutang

Sanay na tayo na “ay umuutang lang iyan,” kahit iyong mga pinakamalalaking kumpanya umuutang, kahit po itong bansa natin, umuutang rin yan. Hindi po masama ang umutang, ang masama po ang umuutang ka ng hindi mo kayang bayaran.

O masama iyong umutang ka, na hindi mo naaral yung mga terms o laki ng interest.  Kahit 5-6, pero kung umuutang ka sa maayos na institusyon, hindi ho masama iyon, so iyong mga kaalaman ay mahalagang malaman ng ating mga kabataan.

We’re hoping na makatulong ito para bumaba ang bilang ng mga kabataang walang trabaho.

Foreign Ships Co-Loading Act

Mayroon po tayong batas noon na nagsasaad na kapag ikaw ay isang foreign ship, hindi ka puwedeng dumaong sa lahat ng ports ng Pilipinas.

Noon po, pag foreign vessel ka, mayroon kang i-import. Usually pipili ka lang ng isang puwedeng pagdaungan, usually Metro Manila iyan. Although international ang Davao at Cagayan de Oro, pero usually dito lang po iyan sa Metro Manila.

Kaya karamihan ng ships nasa Metro Manila kaya noon nagkaroon ng port congestion kung saan nagtaasan ang presyo ng bilihin dahil sobrang inefficient ng ating sistema.

Ngayon po, puwede nang dumaong ang ships sa multiple ports basta’t hindi siya kumukuha ng domestic goods. Kumbaga po, meron kang imported na goods, kunwari mayroon kang imported na mani, puwede kang mag-drop off sa Manila, puwede kang mag-drop off sa Cebu at sa Cagayan de Oro, hindi na lang sa iisa.

Kung kukuha ka naman, kailangang i-export mo ito patungong foreign port. Hindi ka puwedeng kumuha ng produkto sa Cagayan de Oro patungong Maynila. Para mabago po iyan, kailangang mabago ang Constitution dahil mayroon po tayong proteksiyon.

Pero pagdating sa importation at pag-e-export, puwede na po kayong kumuha kung foreign vessel ka.

Magmumura iyong cost natin ng pag-import at pag-export kasi hindi ka na kailangang mag-drop-off. Wala nang double handling. Now, bababa po niyan ang cost ng ating logistics.

Now, kahit naman po iyong local products natin, may mga imported raw materials iyan so makikita natin may mga porsiyento diyan dapat bumaba ang presyo at magsimula ang pagbaba ng presyo ng bilihin o di kaya’y makakatulong po iyan sa para hindi tumaas ang presyo ng bilihin.

To quote Venus Raj, “Major! Major!” po ang batas na ito kasi matagal na po itong gustong itulak pero hindi maipasa-pasa. Naipasa po namin lahat ng cargo lahat ng foreign ships.

Isipin niyo po, nag-e-export po tayo. We try to be competitive pero iyong cost ng pagdala ng produkto palabas, napakamahal. At the end of the day, iyon po ang hinahabol natin dito, ang magmura ang bilihin.

Philippine Competition Act

Eto po, for the second year ko po makakaa-apat po tayo. Ito po ang pangako natin na ito pong Philippine Competition Act, masabi ko na isa ito sa major, kung hindi man pinaka-major sa 16th Congress.

24 years na po ito sa Kamara, 24 years na hindi maipasa-pasa and dapat po 80 years na noong nakapasa tayo ng Philippine Competition Act.

Iyong mga ibang bansa po, marami po sa kanila, after World War 2 nagkaroon ng competition.  Ang Japan after World War II, devastated sila, doon nila binuo ang competition act para maging patas-patas ang pag-angat ng mga negosyo sa kanilang bansa.

Ito pong Philippine Competition Act, nakalagay po na walang anti-competitive agreements o agreements between companies na makakasama sa kompetisyon sa ating merkado o iipitin ang ibang players, especially ang maliliit.

Iyong pagiging monopolyo mismo, hindi po iyan pinagbabawal. Ang bawal ay naging monopolyo ka dahil nang-aabuso ka. Mahalaga po na mayroon po ang batas na ito.

Isa pang nilalabanan nito ang cartel. Halimbawa, negosyante ng garlic mag-uusap-usap na huwag munang maglabas ng produkto. Hintayin natin itong tumaas ang presyo, doon natin banatan ang merkado.

Ang tawag po diyan, price fixing. Iyan po very clear na pinagbabawal ng batas na ito. Pag ginagawa mo iyan, hindi iyan fair sa consumers. Hindi rin fair sa ibang traders o ibang businesses na nasa merkado mo.

Bawal na po ang cartel, iyong competitive agreement, ang pang-aabuso ng malalaking kompanya o abuse of dominant.

Bubuo tayo ng Philippine Competition Commission na quasi-judicial. Ibig sabihin po may mga kaso na puwedeng ilapit sa komisyon na iyon, at sasabihin nila, may bawal dito, puwede mong multahan iyong mga kompanya.

Puwede mong multahan kung kriminal na iyan. Kung cartel, puwede mong ilapit sa DOJ, may prison time na iyan. Ito’y karaniwan sa iba’t ibang bansa mundo.

Kakaunti na lang po ang walang competition law. Ito po’y hindi bago sa mundo pero bago po sa ating bansa, na ngayon lang tayo nagkaroon ng batas tungkol dito.

Ano po ang analogy natin dito? Kasi usong-uso ang NBA Finals, kumbaga po noon, sa barangay covered courts lang tayo naglalaro.

Kasi ang ekonomiya natin simple lang noon kaya pambarangay lang tayo. E ngayon po, gumaganda na ang ekonomiya ng Pilipinas, nag-PBA at NBA level na tayo.

Pag sa barangay lang naglalaro, walang referee, kayo-kayo lang iyon. Hindi malinaw ang rules, kanya-kanya kayo.

Pero kung gumaganda na ang ekonomiya niyo, kung nasa PBA ka na, o nasa NBA ka na, kailangan na ng referee.

Ang referee po dito, ang Philippine Competition Commission. Hindi po siya nandiyan para ipitin ang mga naglalaro. Nandiyan siya para masiguro na maayos ang pakikitungo ng bawat grupo at patas ang laban.

Kunwari, isa kang Cleveland Cavaliers at mayroon kang LeBron James ay sobrang galing mo. Hindi ka puwedeng mambalya, hindi ka puwedeng maniko, tatawagan ka ng foul. Ooppss bawal iyan. Puwede kayong mag-compete pero sa tamang patakaran.

Usually po ang bicam dalawang oras, ito po apat na araw, 30 hours ang bicam pero alam niyo po, I’m proud of this bill.

Nagtulungan po diyan ang Congress, ang Senate, DTI, DOJ at NEDA. Tulung-tulong po kami para maipasa ang batas na ito. Ito po ang handog namin sa maliliit na negosyante.

Our small players na usually binu-bully ng mga malalaking kompanya, iyong ating consumers na kapag may cartel, usually mataas ang bilihin. Ito po iyong handog namin sa inyo na magkaroon ng patas-patas na presyo ng bilihin, patas-patas na rules at hindi ho tayo namamanipula ng ilang grupo sa binabayaran nating produkto.

Scroll to top