BIDA KA!: Ultimate Responsibility
Subalit mayroon pa rin akong agam-agam sa ilang bahagi ng report dahil pakiramdam ko ay labas na ito sa mga hearing na ginawa namin.
Tulad na lang ng mga naging konklusyon nito sa peace process, sa pagkilos ng peace panel ng pamahalaan at sa Bangsamoro Basic Law.
Sumulat tayo sa komite upang humingi ng paglilinaw sa mga isyu ng report, at kung kakailanganin pa, tayo ay magpapasa ng mga panukala kapag pinag-usapan muli ito sa plenaryo ng Senado.
***
Nakalagay sa ulat na si PNoy ang may “ultimate responsibility” sa nasabing madugong insidente at naniniwala tayo rito.
Ngunit hindi nababanggit sa ulat ng media na matagal nang inako ng Pangulo ang responsibilidad sa nangyari sa Mamasapano sa huli niyang talumpati noong nakaraang buwan.
‘Ika niya: “Ako ang Ama ng Bayan, at 44 sa aking mga anak ang nasawi. Hindi na sila maibabalik; nangyari ang trahedya sa ilalim ng aking panunungkulan; dadalhin ko po hanggang sa huling mga araw ko ang pangyayaring ito.
“Responsibilidad ko po sila, kasama ang buong puwersa ng SAF sa operasyong ito, pati na ang mga nagligtas sa kanila na nalagay rin sa panganib ang buhay.”
Palagay ko, ang mahalaga sa taumbayan ay inako na ng Pangulo ang responsibilidad sa pangyayari at dapat na tayong tumingin sa mas malaking hamon na naghihintay.
Ito ay ang tiyaking hindi na mauulit pa ang madugong insidente sa Mamasapano sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan.
Hindi rin natin dapat kalimutan na bigyan ng hustisya at suporta ang mga naiwan ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) na nagbuwis ng buhay sa pagganap ng kanilang tungkulin.
***
Pabor man tayo sa kapayapaan, aminado tayo na kailangang dumaan ang BBL sa masusing pag-aaral ng mga mambabatas bago ito tuluyang maisabatas.
Tungkulin natin na suriin, himayin at baguhin kung kinakailangan ang mga probisyong nakapaloob sa isang panukala bago ito aprubahan at kabilang dito ang BBL, lalo na ang mga sensitibong isyu ng BBL upang matiyak na ito’y alinsunod sa Saligang Batas.
Sa ganitong paraan, makakalikha tayo ng mas epektibo at mas matibay na batas na talagang magbibigay ng pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
***
Mahalagang mabigyan ang mga kapatid natin sa Mindanao ng tunay at pangmatagalang kapayapaan dahil ito ang magbubukas sa pinto ng kaunlaran para sa kanila.
Kapag mayroon nang kapayapaan sa Mindanao, maaakit na magtatag ng negosyo o ‘di kaya’y magbuhos ng puhunan ang mga negosyante sa rehiyon.
Sa pamamagitan nito, lalakas na ang takbo ng ekonomiya at mabibigyan na ng trabaho at iba pang kabuhayan ang ating mga kapatid sa Mindanao.
Walang magandang idudulot ang all-out war na isinusulong ng karamihan. Lahat tayo ay talo sa digmaan.
Usapang pangkapayapaan ang tamang daan. Ito ang magdadala sa atin ng totoong kapayapaan at kaunlaran. Sama-sama tayong kumilos upang ito’y maisakatuparan.
Ito ang ating ultimate responsibility.
First Published on Abante Online
Recent Comments