BIDA KA!: Bagyong Ruby at Batang Pinoy
Sa paghina ni Ruby, hindi rin nangyari ang inaasahang daluyong o storm surge na sinasabing aabot sa lima hanggang pitong metro ang tubig na puwedeng sumira sa mga komunidad sa mga baybayin.
May mga nasira mang ari-arian, malayo ito sa pinsalang idinulot ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas noong nakaraang taon.
Dahil na rin sa maagang paghahanda at paglilikas sa mas ligtas na lugar, mababa rin ang bilang ng mga nasawi sa kalamidad.
***
Kaya naman pala kung magsasama-sama ang lahat sa paghahanda.
Hindi gaya noong nakaraang taon, ngayon mas maaga nang nakapaghanda at nakaposisyon ang mga ahensiya ng pamahalaan.
Nailikas na ang mga taong nakatira sa tinatawag na danger zones. Nailagay na sa mga tamang lugar ang mga relief goods. Mas nakapaghanda at naging alerto ang mga lokal na pamahalaan.
Basta’t may koordinasyon ang lahat – ang pamahalaan, local governments, national agencies, at pati na rin ang mga pribadong institusyon ay mababawasan ang epekto ng anumang kalamidad.
***
Tuwing sasapit ang kalamidad – gaya ng lindol, baha at bagyo – at mga sakuna, madalas na naaapektuhan ang mga batang Pinoy.
Sa pagtama ng bagyong Yolanda noong nakaraang taon, tinatayang nasa anim na milyong bata ang naapektuhan, batay sa tala ng grupong Save the Children.
Ayon pa sa kanila, ang mga batang nakaligtas sa bagyo ay nawalan ng mahal sa buhay at naulilang lubos.
Marami rin sa kanila ang nakaranas ng psycho-social trauma, hirap sa evacuation centers, kawalan ng oras sa pag-aaral at maging proteksiyon.
Mga Bida, kaya inihain ko ang Senate Bill No. 2466, na layong lumikha ng isang national program na magbibigay proteksiyon at tulong sa mga batang Pinoy na naapektuhan ng kalamidad at sakuna.
Dahil ang Pilipinas ay nakapuwesto sa tinatawag na Pacific Ring of Fire na madalas tayong tamaan ng kalamidad, mahalaga na mayroon tayong isang matibay na polisiya na poprotekta sa mga batang Pinoy.
Kapag naisabatas, muling bubusisiin ang mga kasalukuyang polisiya upang mabigyan ng karampatang suporta ang mga batang Pinoy, lalo na tuwing may sakuna, kalamidad o ‘di kaya’y digmaan.
Sa pamamagitan nito, mababawasan ang trauma ng mga bata at mabilis na maibalik sa normal ang kanilang pamumuhay, lalo pa’t may epekto sa mga bata ang mahabang pagkawalay sa kanilang tahanan at mga mahal sa buhay.
Maliban dito, layon din ng panukala na magbigay ng child-centered training para sa first responders, guro, psychologists at iba pang volunteers sa disaster recovery, relief at rehabilitation, kasama na ang special modules para sa iba’t ibang antas ng paglago ng mga bata.
Sa pagtugon natin sa pangangailangan ng mga batang Pinoy, lalo na tuwing may kalamidad, tiyak na ang pangmatagalang seguridad at kalusugan ng ating bansa.
First Published on Abante Online
Recent Comments