BIDA KA!: Terorismo at fake news
Mga Bida, dalawa sa mga nakikita kong banta sa ating demokrasya sa kasalukuyan ay ang terorismo at talamak na fake news sa bansa.
Sa Marawi City at iba pang bahagi ng Mindanao, ramdam ang terorismo bunsod ng bakbakan sa pagitan ng militar at mga miyembro ng Maute group.
Dahil sa bakbakan, napilitan ang Palasyo na magdeklara ng Martial Law upang mapuksa ang banta ng Maute Group at tuluyang madurog ang presensiya ng mga terorista sa siyudad.
Malayo man ang Metro Manila sa lugar ng bakbakan, tayo’y apektado rin sa banta ng terorismo.
Sa tuwing may kumakalat na text message o balita ukol sa banta ng pambobomba sa isang lugar, binabalot tayo ng takot at hindi na lang lumalabas ng bahay para matiyak ang kaligtasan.
Nang pumutok ang kaguluhan sa Resorts World, ang unang tingin ng mga tao roon na ito’y pag-atake ng ISIS. Maririnig pa nga ang ibang tao sa video na sumisigaw ng “ISIS” habang tumatakbo palabas.
Hindi mapagkakaila na marami ang kinabahan at natakot na ang pangyayari sa Resorts World ay bahagi ng mas malaking pagkilos ng ISIS. Ngunit ang katotohanan, ito’y pagkilos ng isang tao na nalulong sa sugal.
***
Mga Bida, mas nagiging malala ito sa pagkalat ng fake news. Nagiging madali ang hangarin ng mga terorista na magkalat ng takot sa taumbayan dahil sa fake news. Nakatutulong ang fake news sa terorismo kasi ang gusto ng mga terorista, takot ang publiko.
Ayon sa mga eksperto, gumagamit ng propaganda ang ISIS upang palitawing mas malaki ang kanilang mga aktibidad kumpara sa totoong nangyayari.
Isa pang posibleng gawin ng fake news ay ang pagpapakalat ng kasinungalingan tungkol sa isang tao.
Kamakailan lang, ikinalat ng isang website ang larawan ni Cong. Sitti Hataman at sinabing siya ang ina ng mga lider ng Maute Group.
Minsan, hindi lang sa ordinaryong tao nanggaling ang balita kundi sa mismong matataas na opisyal ng pamahalaan, gaya na lang ng Department of Justice (DOJ) na si Vitaliano Aguirre.
Akusasyon ni Aguirre, nakipagpulong daw ako kasama ang iba pang mambabatas sa ilang pamilya sa Marawi City noong ikalawa ng Mayo.
Ang ebidensiya ni Aguirre, isang larawan ng nasabing pulong na kanya pang ipinakita sa media mula sa kanyang cellphone.
Ang problema, nasa PICC ako at sa sesyon ng Senado noong ikalawa ng Mayo. Wala rin ako sa larawang ipinakita ni Aguirre, patunay na walang katotohanan ang kanyang akusasyon.
Napag-alaman din na 2015 pa pala ang larawang ipinakita ni Aguirre kaya malinaw na fake news lang ang batayan ng kanyang bintang.
Bilang pinuno ng ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa pagpapatupad ng katarungan sa bansa, hindi katanggap-tanggap na nabibiktima at naniniwala sa fake news si Aguirre.
Ang hinahanap natin kay Sec. Aguirre ay isang pangako na magiging responsable siya sa kanyang mga sinasabi.
Sa panahon ngayon na talamak ang fake news, mas maganda kung magiging maingat siya sa mga bibitiwang salita.
***
Kung mismong Justice Secretary ay napaniwala sa fake news kahit marami siyang paraan para maberipika ito, lalo na kaya ang mga ordinaryong mamamayan na walang pagkakataon para makumpirma kung totoo nga ang isang impormasyon o hindi.
Sa panahong uso ang fake news, lalo tayong dapat maging mapagbantay dahil ang ating kalayaan at demokrasya ang nakataya rito.
Ang propaganda at mali-maling balita ay kasangkapan ng mga terorista upang maghasik ng lagim at takot sa lipunan. Huwag natin silang tulungan sa pagkakalat nito at mag-ingat sa pinaniniwalaan natin.
Recent Comments