BIDA KA!: Sikretong piitan
Mga Bida, sa huling survey ng Social Weather Stations (SWS), lumabnaw ang pagtanggap ng publiko sa giyera ng pamahalaan kontra ilegal na droga.
Noong Disyembre 2016, nasa 77 porsiyento ng respondent ng SWS ang nagsabing sila’y kuntento sa nasabing kampanya ng gobyerno.
Paglipas ng tatlong buwan o noong Marso 2017, 66 porsiyento na lang ng mga Pilipino na sumusuporta sa laban kontra sa ipinagbabawal na gamot.
Hindi puwedeng biruin ng pamahalaan ang labing-isang puntos na pagbaba sa satisfaction rating. Bagaman marami pa ring sumusuporta sa giyera kontra ilegal na droga, kitang-kita na nababawasan na ang pagtanggap ng publiko rito.
***
Isa sa maituturong dahilan ng pagbagsak ng satisfaction rating ng kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga ay ang unti-unting pagkawala ng tiwala ng publiko sa ating kapulisan dahil sa ilang insidente ng pag-abuso sa tungkulin.
Noong Oktubre 2016, nadawit ang ilang pulis sa Angeles City sa pagdukot at pagpatay sa Koreanong negosyante na si Jee Ick Joo, na binigti sa loob mismo ng Camp Crame, ilang metro ang layo sa tanggapan ni PNP chief Ronald dela Rosa.
Sa salaysay ng ilang mga pulis na dawit sa pagpatay, ang unang impormasyon na ipinaabot sa kanila ay isang drug suspect ang Koreano at lehitimo ang kanilang gagawing paghuli rito.
Noong Nobyembre 2016, napatay ng ilang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Region 8 si Albuera Mayor Rolando Espinosa habang nakapiit sa Baybay provincial jail.
Nangyari ang pagpatay habang nagsisilbi ng search warrant ang mga pulis dahil may itinatago umanong baril ang alkalde sa kanyang selda. Ngunit lumitaw sa imbestigasyon na “rubout” ang nangyari at kinasuhan ang mga pulis na sangkot sa pagpatay.
Hindi pa rito kasama ang libu-libong kaso ng pagpatay na may kinalaman sa ilegal na droga ngunit kinategorya ng PNP bilang “deaths under investigation”.
***
Kamakailan naman, isang lihim na selda ang natuklasan ng mga tauhan ng Commission on Human Rights (CHR) sa isang istasyon ng pulis sa Tondo, Manila.
Nang alisin ang book shelf, nagulat ang marami nang tumambad ang 12 katao na nagsisiksikan sa loob ng isang madilim at maduming piitan.
Sa pahayag ng pulisya, nahuli ang labindalawa sa magkakahiwalay na drug operation sa Tondo. Pero wala sa record ng pulisya ang kanilang pagkakaaresto at hindi pa rin sila nasasampahan ng anumang kaso.
Bintang naman ng ibang nakakulong, hiningian sila ng malaking halaga ng ilang mga pulis kapalit ng kanilang kalayaan.
Kaugnay nito, naghain ako ng isang resolusyon para imbestigahan ang natuklasang sikretong piitan sa Maynila.
Nais ng imbestigasyong ito na tiyaking hindi na mauulit pa ang pag-abusong nangyari sa loob mismo ng istasyon ng pulis at matiyak na protektado ang karapatan ng mga nakabilanggo sa mga pasilidad ng ating kapulisan.
Tandaan na hanggang hindi napatutunayang nagkasala ng hukuman, ang mga suspect sa kustodiya ng pulisya ay itinuturing pa ring inosente sa ilalim ng batas.
Umaasa tayo na ang sikretong piitan ay isa lamang isolated case. Kung mapatutunayang talamak na ang ganitong sistema sa ating mga istasyon ng pulis, napakatinding pag-abuso na iyan.
Natutuwa naman tayo at pumayag si Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na magsagawa ng pagdinig ukol sa isyu.
***
Ilang beses na tayong nanawagan sa PNP na linisin ang kanilang hanay upang hindi mabahiran ng duda at takot ang kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.
Maganda ang layunin ng kampanyang ito ngunit nagiging negatibo sa mata ng publiko dahil sa pag-abuso ng kapulisan na siya dapat nagpapatupad ng batas at nagbibigay proteksiyon sa mamamayan.
Sa kampanya ng pamahalaan kontra droga, magandang katuwang ang kapulisan na malinis ang imahe. Kung ito ang susubukang abutin ng PNP, tiyak na makukuha nila ang buong suporta ng publiko.
Recent Comments