NEGOSYO, NOW NA!: Isdaan sa Dumaguete
Mga kanegosyo, dahil sa pagtulong sa kanyang pamilya, hindi na nagkaroon ng oras si Aling Josefina Llorente para sa sarili.
Tubong Negros Oriental, nakapagtapos si Nanay Josefina ng 2nd year college. Pagkatapos, inilaan na niya ang oras sa pagtatrabaho para sa pangangailangan ng pamilya, kabilang ang anim pang kapatid.
Maliban dito, isa rin siyang aktibong miyembro ng Simbahang Katoliko na nagtuturo ng katesismo sa mga kabataan. Dahil dito, hindi na siya nakapag-asawa.
***
Matapos ang ilang taong pagtatrabaho sa iba’t ibang employer, nagpasya siyang magtayo ng sariling negosyo sa edad na 55.
Una niyang sinubukan ang pagtitinda ng necklace accessories ngunit hindi ito nagtagal dahil ‘di pumatok sa mamimili.
Sunod niyang pinasok ang pagtitinda ng chorizo o longganisa ngunit dahil sa kakulangan sa puhunan, hindi na niya ito naipagpatuloy.
Nang dumating ang CARD sa Dumaguete noong 2009, nakita ni Aling Josefina na malaki ang naitulong nito sa kanyang pinsan upang magpatayo ng negosyo.
Kaya hindi nagdalawang-isip na sumali si Aling Josefina at nakakuha ng puhunan para sa naisip niyang negosyo ang pagtitinda ng isda dahil wala pang ganito sa kanyang bayan.
Nakakuha si Aling Josefina ng puhunang P4,000 mula sa CARD na kanyang ginamit upang bumili ng iba’t ibang uri ng isda, tulad ng galunggong, tuna at tilapia.
Makalipas ang walong taon, napalago na ni Aling Josefina ang kanyang negosyo. Ngayon, kumikita siya ng tatlumpung libong piso kada linggo dahil walang kakumpitensiya sa kanyang lugar.
Kinailangan na ring kumuha ni Aling Josefina ng dagdag na tauhan para makatulong sa pagtitinda sa dami ng bumibili sa kanya.
***
Kahit lumago na ang negosyo, patuloy pa ring umaasa si Aling Josefina sa CARD para sa iba niyang pangangailangan.
Sa walong taon niya bilang miyembro, labinlimang beses na siyang nakahiram sa CARD, kabilang na ang loan para sa pagpapaayos ng bahay ng kanyang pamilya.
Plano pa niyang kumuha ng dagdag na loan para sa pinaplanong tindahan ng pabango.
***
Sa tagal niya sa pagnenegosyo, natutuhan ni Aling Josefina na gamitin nang tama ang hawak na pera.
Aniya, mahalagang maglaan ng pera para sa iba’t ibang gastusin na may kinalaman sa pang-araw-araw na operasyon, tulad ng kuryente at pambayad sa mga tauhan.
Natutuhan din ni Aling Josefina na magtabi para sa kinabukasan ng kanyang pamilya, na hanggang ngayon ay kanyang nasusuportahan sa tulong ng CARD.
***
Itinuturing na pinakamalaking microfinance institution sa bansa, nagpapautang ang CARD-MRI ng puhunan sa mga nais magsimula ng negosyo nang walang kolateral at sa mababang interes.
Mayroon na silang iba’t ibang sangay sa Pilipinas, na makikita sa kanilang website na www.cardmri.com at www.cardbankph.com.
***
Ang Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act ang kauna-unahang batas ko bilang senador noong 16th Congress.
Layunin nito na maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sa https://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
Recent Comments