BIDA KA!: SONA ni PNoy
Mga Bida, marami ang nabigla sa emosyonal na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Noynoy Aquino noong Lunes.
Malayo ito sa inasahan ng karamihan, na nag-aabang ng mas palaban na pahayag mula sa Pangulo tulad ng nauna niyang apat na SONA.
Sa halip, nagbuhos ang Pangulo ng kanyang nararamdaman sa araw-araw na upak na tinatanggap niya mula sa mga kritiko mula almusal hanggang sa midnight snack.
Ako mismo ay naantig at napaluha dahil ramdam ko ang saloobin ng Pangulo. Natural lang na makaramdam siya ng sama ng loob. Tao rin siya na may puso’t laman. Mayroong damdamin at marunong ding masaktan.
Sa kabila kasi ng pagsusumikap na magpatupad ng reporma at mga mahahalagang programa at proyekto, may nasasabi pa rin ang mga kritiko. Lahat ng kanyang kilos at galaw, binabantayan at binabatikos.
Maihahalintulad natin ang sitwasyon ng Pangulo sa isang estudyante na nagsusunog ng kilay sa pag-aaral, magtatapos ng may honors, ngunit sa huli, wala siyang makuhang trabaho.
Ang ating Pangulo ay katulad din ng isang Tatay na nagsusumikap sa kanyang trabaho para matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Ngunit sa dulo pala, kulang pa rin ang pawis at dugong nilaan niya dahil sa laki ng gastusin.
Ganito ang kapalaran ng ating Pangulo sa unang apat na taon niya sa posisyon. Kahit ibinuhos na niya ang lahat ng panahon para sa pagpapaunlad ng bayan at buhay ng mga Pilipino, naririyan pa rin ang mga kritiko at nagpapaulan ng batikos.
Ito ang lubusan kong hinahangaan sa ating Pangulo. Matibay pa rin ang kanyang loob at determinado sa kabila ng mga tinatanggap na batikos. Dire-diretso pa rin ang kanyang hangarin na linisin ang pamahalaan at bigyan ng magandang buhay ang bawat Pilipino.
Subalit, gaya ng aking unang nabanggit, tao lang ang ating Pangulo. Hindi niya kayang pasanin ng nag-iisa ang problema ng bayan.
Kailangan niya ng tulong mula sa ating lahat para maisakatuparan ang mga pagbabago na kanyang inumpisahan.
***
Ang ipinakitang emosyon ng Pangulo sa kanyang SONA noong Lunes ay pakiusap sa taumbayan, lalo na sa kanyang mga kritiko, na isantabi muna ang pamumulitika at paghahati-hati at magkaisa tungo sa kaunlaran ng bansa.
Hindi gaya ng mga nauna niyang SONA kung saan harap-harapan niyang binatikos ang katiwalian, hindi siya nagsalita ukol sa mga kontrobersiyal na isyu gaya ng pork barrel scam.
Sa halip, ginamit niya ang pagkakataong ito upang ilatag ang mga nagawa niya para sa bayan, mula sa trabaho, imprastruktura, turismo, ekonomiya, edukasyon at sandatahang lakas.
Ngunit iginiit ng Pangulo na marami pang dapat gawin at kailangan niya ang tulong ng lahat upang ito’y marating bago matapos ang kanyang termino sa 2016.
***
Sa unang apat na taon, tinutukan ng Pangulo ang pagpapaganda ng ekonomiya ng bansa.
Ngayong itinuturing na ang Pilipinas bilang isa sa pinakamalakas na ekonomiya sa Asya, kailangan namang pagtuunan ng pansin sa huling dalawang taon kung paano maibababa ang paglagong ito sa mga karaniwang Pilipino.
Sa kasalukuyan, kailangan natin ng mga panukalang batas na magpapalakas pa ng tinatawag na inclusive growth o tunay na kaunlaran upang maramdaman ng lahat ang tinatamasang pag-unlad ng bayan.
Kamakailan lang, naipasa na ang Go Negosyo Act na magpapalakas sa tinatawag na micro, small and medium entrepreneurs at lilikha ng dagdag na trabaho at iba pang kabuhayan sa mga Pilipino.
Nakalinya na rin ang iba pang panukalang batas na inihain ng ating opisina sa Senado gaya ng Poverty Reduction through Social Entrepreneurship Bill, Youth Entrepreneurship Bill, Credit Surety Fund Bill at marami pang iba. Sana ay hindi ito mahaluan ng kulay pulitika at maipasa na sa lalong madaling panahon.
***
Ang pag-unlad ng bayan ay hindi kayang gawin nang nag-iisa ng Pangulo. Kailangan niya ang tulong ng lahat ng Pilipino upang ito’y maging ganap.
Kumbaga sa basketball, nasa fourth quarter na tayo. Hindi kaya ng isang tao na ipanalo ang laban. Kailangan ng teamwork para manalo.
Mahalaga ang bawat galaw. Isang maling kilos ay maaaring ikatalo ng koponan kaya mahalaga na nagkakaisa sa paghakbang tungo sa tagumpay.
Ngayon, hindi na mahalaga kung tayo’y kaalyado o oposisyon. Ang mahalaga sa pagkakataong ito ay isantabi ang anumang kulay pulitika at magtulungan para sa kaunlaran ng bansa.
Sabi nga ng Pangulo, “the Filipino is worth fighting for”. Samahan natin si PNoy sa labang ito!
First Published on Abante Online
Recent Comments