thomanny tan

NEGOSYO, NOW NA!: Direct Selling

Mga Kanegosyo, kamakailan lang ay naging panauhin natin sa programang ‘Status Update’ sa RMN Manila DZXL 558 si Thomanny Tan, ang may-ari ng sikat na Fern-C, na isang negosyong direct selling, na siyang usung-uso ngayon.

Ayon kay Thomanny, sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa para ipakilala ang produkto ng kanyang kumpanya, marami siyang nakikilalang nasunog na sa direct selling o networking.

Lahat ng kuwento ng kabiguan ay narinig niya nang lahat  mula sa mga nagsara o ‘di kaya’y na­luging kumpanya, hindi mabentang produkto hanggang sa mga nata­ngayan lang ng kanilang pinaghirapang ipon.

Nanghihinayang siya sa pangyayari dahil para sa kanya, ang direct s­elling ang unang tikim sa pagnenegosyo na maa­aring gamiting hakbang tungo sa pag-asenso.

***

Kaya sa aming pag-uusap, nasabi niya na pagdating sa mga miyembro ng Direct Selling Association of the Philippines (DSAP), dalawang bagay ang kailangang tingnan  kung mayroong produkto at kung paano kumikita ang kumpanya.

Unang-una, tingnan kung may produkto ba ang kumpanya  kung ito ba’y mapakikinabangan at sulit ang halaga. Kung walang produkto at pera-pera lang ang pinapaikot, marahil hindi iyan lehitimong direct selling company.

Pangalawa, mahalaga na ang paraan para kumita ay dapat dahil sa benta at hindi dahil sa recruitment fees. Mahalaga ito, mga Kanegosyo, dahil sa huli, kung recruitment ang nagpapataas ng kita, ito’y isa ring dahilan para pag-aralan pang mabuti ang kumpanya.

***

Kailangang maging handa ang mga may-ari ng kumpanya na makilala ang mga nais maging bahagi nito at kailangang transparent sa lahat ng transaksyon.

Pagdating sa mga pagpupulong, sana ay ang may-ari mismo ang siyang humaharap sa mga nais sumali at nagtata­lakay ng mga detalye ng negosyo.

Upang lalo pang makumbinsi ang mga nais sumali sa Fern-C, binibigyan sila nina Thommany ng Diamond Tour, kung saan iniikot nila ang mga gustong sumali sa kanilang pabrika hanggang sa kanyang opisina.

Ito’y upang maipakita na subok at matibay ang kanilang kumpanya kung saan maaari silang kumita nang sapat sa kanilang ikabubuhay.

***

Mga Kanegosyo, sa kuwentong ito napagtagumpayan niya ang buhay sa direct selling. Ngunit, gaya ng ibang negosyo, ang direct selling ay hindi instant negosyo.

Kailangan pa ring pagkayuran, pagpaguran at bigay todo para magtagumpay, negosyong direct selling man iyan o ibang uri.
Ang maganda lang diyan, may tulong na ang kumpanya pagdating sa product development, training at paraan ng pagbenta.

Ngunit sa huli, nasa atin pa rin kung bagay sa atin ang direct selling o hindi. Nasa atin pa rin kung kikita sa ganitong uri ng negosyo o hindi.

Gamitin ang 8-point system ng DSAP upang matiyak na totoo ang papasuking direct selling company. Tawagan sila sa (02)638.3089 o bisitahin ang kanilang website sa http://dsap.ph!

***

Mga Kanegosyo, tuluy-tuloy tayo sa pagsagot sa inyong mga katanungan.  Mag-e-mail lang sanegosyonowna@gmail.com, mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino, o makinig tuwing Miyerkules, 11:00 am – 12:00 pm sa RMN Manila DZXL 558 sa ating programang ‘Status Update’.

Pangarap natin ang inyong tagumpay sa inyong pagnenegosyo!

Scroll to top