BIDA KA!: Trabaho Centers
Mga bida, isa sa mga isinusulong natin sa Senado ay matugunan ang problema ng kawalan ng hanapbuhay ng ating mga kababayan, lalo na ng mga kabataan.
Sa Hulyo 2015, nasa 6.5% ng mga Pilipino ang walang trabaho habang 21% ang underemployed o mayroong trabaho ngunit mas mababa ang antas at sahod kumpara sa kanilang kakayahan. Kasama rin sa underemployed ang mga umaasang makahanap ng full-time na trabaho ngunit part-time lang ang kanilang mahanap.
Pagdating naman sa tinatawag na youth unemployment, nasa 15.7% ng mga kabataan ang walang hanapbuhay sa bansa.
Isa sa mga pangunahing dahilan na itinuturo rito ay ang jobs mismatch o ang kawalan ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga naghihintay na trabaho sa merkado.
***
May kanya-kanyang programa ang mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan, tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Education (DepEd) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) upang masolusyunan ang problemang ito.
Ngunit napag-alaman natin sa hearing ng Committee on Education na ang kalahati ng solusyon ay ginagawa na ng DepEd at TESDA habang ang ilang bahagi naman ay ginagampanan na ng DOLE.
Ang kulang lang ay kung paano mapag-uugnay ang mga programang ito, ang mga paaralan, at ang pribadong sektor upang lalong maging epektibo sa pagtugon sa problema sa kawalan ng hanapbuhay at jobs mismatch.
Isa sa mga nakikita nating solusyon dito ay ang paglalagay ng Trabaho Center sa bawat Senior High School (SHS) sa bansa na nakapaloob sa aking Senate Bill No. 170.
Sa tulong ng nasabing panukala, mapag-uugnay ang pribadong sektor na nangangailangan ng empleyado at ang mga programa sa edukasyon at training ng iba’t ibang paaralan para sakto ang kaalaman at kasanayan ng mga graduates sa nagaantay na trabaho.
***
Natutuwa naman tayo at nagpahayag ng buong suporta ang iba’t ibang ahensiya at pribadong stakeholders sa aking panukala nang magsagawa tayo ng hearing ukol sa Trabaho Centers kamakailan.
Kapag ito’y naisabatas, magkakaroon ng Trabaho Center o job placement centers sa bawat Senior High School sa bansa na tutulong sa SHS graduates na makahanap ng trabaho na akma sa kanilang kaalaman.
Sa pagtaya, nasa 50% ng Senior High School students ay hindi na tutuloy sa kolehiyo at maghahanap na ng trabaho pagka-graduate.
Dito na papasok ang Trabaho Center, na siyang tututok sa tatlong malaking bagay — career counseling services, employment facilitation at industry matching.
Mahalagang masiguro na ang magtatapos sa ilalim ng K to 2 program ay may sapat na kaalaman at kakayahan upang tugunan ang kailangang trabaho sa merkado.
Maganda rin kung alam ng SHS graduates ang kalagayan ng job market sa lugar kung saan sila nakatira, kung anu-ano ang mga oportunidad sa kanilang paligid at trabaho na maaari nilang pasukan.
Sa ganitong paraan, matutugunan ang jobs mismatch, na isa sa sinisisi sa mataas na antas ng youth unemployment.
Maliban dito, hindi masasayang ang pagod ng ating mga guro, estudyante, at pati ng kanilang mga magulang.
Pagtapos ng Senior High School, dapat may angkop na trabahong naghihintay para sa mga nagtapos.
Kasabay ng pagtatapos ng unang batch ng Grade 12 sa 2018, umaasa tayo na nakapuwesto na rin ang ating Trabaho Centers upang mabigyan sila ng agarang tulong para makakita ng trabahong pasok sa kanilang kaalaman at kasanayan.
Recent Comments