Transgender Association of the Philippines

BIDA KA!: Tapusin na ang hate crimes

Mga Bida, sari-sari ang mga lumitaw na opinyon at panukala kasunod ng karumal-dumal na pagpatay kay Jennifer Laude sa Olongapo City kamakailan. Sigaw ng iba, ibasura na ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil sa probisyon nito na nagbibigay ng karapatan sa Estados Unidos na kunin ang kustodiya ng mga sundalo nilang nasangkot sa krimen sa Pilipinas.

Ang iba naman, hiniling sa pamahalaan na ipilit na makuha ang kustodiya kay PFC Joseph Scott Pemberton, ang suspect sa pagpatay kay Laude.

Ngunit, tingnan din natin ang isyu ng hate crime laban sa lesbian, gay, bisexual at transgender (LGBT) community.

Ang pagpatay kay Jennifer ay bunsod ng hate crime na umiiral sa ating lipunan.

Ang hate crime ay karahasan na ginagawa sa mga minority groups o marginalized na sektor ng ating lipunan, tulad sa mga indigenous people o sa kasong ito, sa ating lesbian, gay, bisexual at transgender community.

Sa ulat ng Philippine LGBT Hate Crime Watch, mayroong 164 na miyembro ng LGBTs sa bansa ang pinatay mula 1996 hanggang Hunyo 2012.

Sa ginawa namang pag-aaral ng UN Development Program at ng US Agency for International Development noong 2011, may 28 kaso ng pagpatay na may kinalaman sa lesbian, gay, bisexual at transgender community.

Ngayong taon pa lang, may 14 na transgender na ang pinatay bunsod ng hate crime, ayon sa Transgender Association of the Philippines.

Nakakabahala ang mga detalyeng ito dahil sa panahon nga­yon, wala nang lugar ang hate crime sa isang sibilisadong lipunan.

***

Sa ibang mga bansa, itinulak na nila ang pagsasabatas ng anti-hate crimes upang sawatahin ang ganitong uri ng karahasan.

Sa Estados Unidos, ang unang mga batas na may kinalaman sa hate crime ay ipinasa pagkatapos ng American Civil War. Kabilang dito ang Civil Rights Act of 1871, na layong laba­nan ang mga krimen na may kinalaman sa lahi.

Noong 1978, ipinasa ng California ang unang state hate-crime statute na may kaugnayan sa relihiyon, kulay, lahi at pinagmulang bansa.

Noong 2009 naman, inaprubahan ni President Barack Obama ang Matthew Shepard and James Byrd, Jr. Hate Crimes Prevention Act, kung saan isinama ang lahi, sexual orientation, kasarian o kapansanan sa mga saklaw ng hate crimes.

Ang iba pang bansa na may hate crime laws ay Canada, France, Germany, Greece, Spain at United Kingdom.

***

Sa ngayon, wala pang batas sa Pilipinas na nagpapataw ng mabigat na parusa sa hate crime.

Kaya aktibo ang aking tanggapan sa pakikipag-ugnayan sa LGBT community upang mapalakas ang inihain nating Senate Bill No. 2122 o ang Anti-Discrimination Act of 2014.

Itinutulak natin ang pagbabawal ng anumang uri ng diskriminasyon batay sa kasarian o sexual orientation, lahi, relihiyon, kulay, edad, civil status, HIV status at iba pang kondisyong medikal.

Patuloy tayo sa pagkilos upang magkaroon ng bansang kumikilala sa karapatan ng bawat Pilipino at maprotektahan ang karapatan ng lahat, pati na rin ang ating lesbian, gay, bisexual at transgender community.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top