UN

BIDA KA!: Usapin ng magkakapitbahay

Nabanggit sa akin ng mga naka­tira doon na kapag dinire-­diretso ang dagat ay matutumbok na ang mga istrukturang gina­gawa ng Tsina sa Bajo de Masinloc.
Humigit-kumulang daw na 124 nautical miles o 230 kilometro lang ang layo ng mga itinatayong istruktura ng Tsina mula sa Masinloc. Katumbas lang ito ng biyahe mula Maynila hanggang Pangasinan.

Kapag ginamitan ng pump boat, sa loob lang ng labing-dalawang oras ay mararating na ang nasabing mga istruktura. Apat na oras naman kung speed boat ang gagamitin.
Mga Bida, sa nasabing distansiya, pasok pa ito sa tinatawag na 200 nautical-mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng bansa.

Pasok ang mga ito sa ating teritoryo.
***

Ang Bajo de Masinloc ay isa lang sa pitong isla kung saan may ginagawang reclamation at iba pang ginagawa ang Tsina.

Batay sa mga inilabas na surveillance photos ng AFP, makikita ang mabilis na paggawa ng mga Tsino ng isang airstrip na kaya ang maliliit na eroplano.

Ngunit hindi pa malinaw kung kanino nga ba ang mga na­sabing lugar. Hindi lang tayo at ang mga Tsino ang nagsa­sabing atin iyon, kundi iba pang bansa sa Asya.

Tayo ang may pinakamatibay na posisyon dahil sa lapit ng mga islang ito sa ating bansa. Ang totoo, tatlo nga sa mga ito ay nasa loob na ng EEZ ng Pilipinas.

Kaya kung posisyon lang ang pag-uusapan, tayo ang may pinakamalaking karapatan sa mga nasabing teritoryo.

Ngunit walang pakundangan ang Tsina sa pagpapatayo ng mga istruktura kahit hindi pa nareresolba ang mga isyu.

***
Mga Bida, hindi naman natin pipiliin ang makipagdigmaan sa isyung ito. Lalo lang lalaki ang hidwaan at hindi pagkaka­unawaan sa pagitan ng mga bansa.

At palagay ko, pati rin naman ang Tsina, hindi rin nagnanais ng karahasan.

Kinakailangang idaan sa tamang proseso ang pagresolba sa isyung ito, kaya minarapat ng ating pamahalaan na dalhin ang isyu sa mga komunidad ng mga bansa na kinalalagyan natin, na naaayon sa United Nations (UNCLOS) at sa Association of South East Asian Nations (ASEAN).

Mga Bida, ang usaping ito ay hindi lang panlokal, kundi ito ay isang panrehiyon at global na isyu. Kaya nararapat lang na maresolba ito sa mas malawak na pag-uusap kasama ang ibang mga bansa.

Sa panahong ito ng globalisasyon at matitibay na mga relasyon ng mga bansa sa isa’t isa, naniniwala tayo na ma­payapang mareresolba ang usapin sa tulong ng ating mga kaibigan at mga kapitbahay sa rehiyon.

Kaya buo ang ating suporta sa hakbang ng pamahalaan na tahakin ang mapayapaang daan at dalhin ang usaping ito sa UN at sa ASEAN.

 

First Published on Abante Online

Scroll to top