BIDA KA!: Safety tips sa Undas
Mga Bida, ngayon pa lang, marami sa ating mga kababayan ang uuwi ng mga probinsya at dadagsa na sa mga sementeryo bilang paghahanda sa Undas sa Sabado.
Nakaugalian na kasi nating linisin at pinturahan ang puntod ng ating mga mahal sa buhay bago pa man dumating ang Nobyembre 1.
Tiyak na makapal na ang mga sasakyan sa mga kalsadang palabas ng Metro Manila at patungo sa mga lalawigan.
Gaya rin ng nakaugalian, marami sa atin ang ngayon pa lang ay mamimili ng mga dadalhin sa sementeryo, tulad ng kandila, bulaklak, pagkain at marami pang iba.
May ibinababang suggested retail price ang pamahalaan sa kandila tuwing Undas ngunit wala para sa mga bulaklak.
Nakabatay kasi ang presyo ng bulaklak sa dikta ng merkado pati na rin sa dumarating na supply mula sa lalawigan gaya ng Benguet.
Upang makaiwas sa mga manggagantso, maging mapagbantay tayo sa kalidad at presyo ng mga bibilhing bulaklak, kandila at iba pang produkto nang maging makabuluhan ang ating Undas ngayong taon.
Maaari nating iparating sa Department of Trade and Industry (DTI) ang anumang reklamo sa mabibili nating produkto na mababa ang kalidad o sa mapandarayang negosyante.
***
Maraming panganib ang nakaamba sa panahon ng Undas, mula sa ating pagbiyahe hanggang sa pananatili natin sa mga sementeryo. Pati na rin ang mga bahay na ating iiwan ay bukas din sa anumang panganib.
Kaya nangalap ang ating tanggapan ng iba’t ibang safety tips na maaaring magamit ng ating mga kababayan para sa mas ligtas na paggunita sa alaala ng ating mga mahal sa buhay.
Hayaan ninyong ibahagi ko ang safety tips na ito para sa ating kaligtasan, pati na rin ng ating mga ari-arian.
Bago iwan ang bahay:
*Patayin ang kuryente sa fuse box/breaker nang hindi masunugan.
*Huwag mag-iwan ng nakasinding kandila.
*Tiyaking nakasara ang kalang de-gas.
*Siguraduhing nakasara ang mga gripo ng bahay.
*Siguraduhing nakakandado ang mga pinto at bintana para ‘di manakawan.
Sa bibiyaheng may sasakyan:
*I-check ang brake, mga ilaw, langis, tubig at gas ng sasakyan, at hangin ng gulong.
*Magdala ng isa pang gulong, jack, early warning device at akmang tools ng sasakyan.
*Huwag mag-overload at ilagay nang maayos ang mga gamit lalo na kung nasa itaas ng sasakyan.
Sa bibiyahe:
*Bumili kaagad ng tiket nang hindi maubusan.
*I-charge ang mga cellphone.
*Dumating nang maaga sa pantalan o terminal nang hindi maiwan ng sasakyan.
*Laging ingatan ang tiket.
*Magdala lamang nang kaunting gamit.
*Iwasang magsuot ng alahas.
*Laging bantayan ang mga gamit.
*Maging alisto sa mga magnanakaw.
*Magdala ng tubig at pagkain para sa biyahe.
Sa pupunta ng sementeryo:
*Magpunta nang maaga sa sementeryo at puntod.
*Magdala ng payong, pamaypay, tubig, pagkain at damit pampalit.
*Iwasang magdala ng matatalas na gamit at alak.
*Bantayang mabuti ang mga bata nang hindi mapalayo o mawala.
*Iwasang magdala ng radyo at pansugal.
*Huwag iwanang nakasindi ang mga kandila.
*Ipunin ang mga kalat at itapon sa basurahan bago umalis.
***
Kailangang maging alisto sa mga ganitong panahon upang maging ligtas ang paggunita sa alaala ng ating mga mahal sa buhay.
First Published on Abante Online
Recent Comments