VP Binay

Transcript of Senator Bam Aquino’s DZMM “Garantisadong Balita” interview with Gerry Baja

Q: Kumusta ho kayo sa Senado? Kumusta ang hearing sa Senado?

A: Maayos naman Gerry. Today actually ang pagbabalik ng Senate. First day ng session namin. Galing lang kami sa two-week break. So mamaya balik na naman tayo sa mga pangyayari sa Senado. Tayo naman, of course, alam mo naman ang focus namin ay trade, commerce and entrepreneurship, iyon ang ating committee.

During the break, nagkaroon tayo ng hearing sa port congestion. Siguro, sa ibang araw puwede rin pag-usapan iyon kasi kakaiba rin ang usapin diyan.

 

Q: Mukhang may epekto ho iyan sa presyo natin ngayong papalapit na ang Christmas season?

 A: Iyon talaga ang binabantayan ng Task Force Pantalan at ng ating komite na itong port congestion natin kapag naresolba na sana at the soonest possible time, hindi makakaapekto sa presyo ng bilihin. Kasi iyon naman talaga ang ayaw ng mga tao, ang tumaas ang presyo ng bilihin.

Nandiyan din ang competition bill na isang napakabigat na bill. Ito iyong anti-monopoly, anti-trust bill at mamaya tatalakayin na naman natin ito. Ito ang isa sa mga priority bills ng Malacanang at priority ng ating komite.

Meron din kaming tinatawag na cabotage bill. Hindi iyan tungkol sa cabbage gaya ng sinasabi ng ilang tao. Ang cabotage bill po ay isang panukala na kumbaga, hindi puwedeng pumunta sa local ports natin iyong mga foreign vessels.

Of course, ginawa po yan dahil sa security concerns pero nakakataas din po ito ng presyo ng bilihin dahil tumataas po ang presyo ng logistics natin. In the end, napakataas po ang pag-ship ng produkto. So again, babalik po ito sa presyo ng bilihin.

Of course, binabantayan din po natin ito. We’re hoping that with some reforms, mapababa po natin ang presyo ng pag-ship ng produktong mula sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.

 

Q: Marami po pala kayong tinututukan diyan Senator Bam. Pero ang marami sa ating kababayan, nakakatawag lagi ng atensiyon diyan sa Senado ay iyong hearing ng sub-committee ng Blue Ribbon?

A: Hindi po ako miyembro ng sub-committee pero puwede po akong dumalo.

 

Q: Pero bakit hindi po kayo dumadalo?

A: Unang-una, ang dami nating ginagawa. Of course, pagdating kasi sa pahayagan at sa media, parang iyon na lang ang ginagawa ng Senado. Pero ang totoo, maraming ginagawa, maraming tayong bills na tinatalakay. Palagay ko ang tatlo nating kasama, sina Senators Koko, Allan at Trillanes, talagang binigyan nila ito ng buong pansin. They put a lot of focus on this, kaya palagay ko sila na lang.

Ang stand ko diyan, kahit anong isyu ng corruption puwedeng imbestigahan iyan ng Senado. Kahit vice president pa iyan, presidente pa iyan, kahit barangay captain iyan, ganon po kalawak ang kapangyarihan ng Blue Ribbon.

Lahat kaming government officials, kung may mga akusasyon sa amin, kailangan naming harapin talaga.

 

Q: Mayroon hong second invitation yata ngayon kay VP Binay para umattend. Kung kayo ang tatanungin, dapat po ba siyang humarap sa imbestigasyon ng Senado?

A: Palagay ko, ang ginagawa niya sinasagot niya ang isyu through his lawyers, sa mga presscon. Palagay ko dapat per point masagot naman niya, kasama na doon lahat.

In fact, kanina na-mention mo, bakit iyong Malampaya wala pa. Ako, kahit iyon kailangang imbestigahan natin. Hindi naman puwedeng mawala ang isyu na iyon.

Iyong issues diyan, simple lang. Kung may mga ganyang klaseng akusasyon to anyone, kahit sino pa iyan, dati o ngayon, kailangang harapin niya.

 

Q: Kayo po ay miyembro ng Liberal Party. Napagbibintangan ho dito sina Senator Cayetano na NP, si Senator Trillanes NP at si Senator Koko PDP, wala hong LP pero ang sinasabi ng Binay camp, ito’y kagagawan ng LP. May nalalaman po ba kayo roon?

A: Hindi po namin napag-usapan ang hearing ni VP Binay. We’re given the respect of our having our own independence. Kung makikita mo naman ang mga moves natin, ang mga panukalang hinahain namin, it’s really more of an individual basis at hindi block voting.

Hindi ko alam kung saan sila nanggagaling pero makikita mo naman, hindi aktibo ang Liberal sa hearing na iyan. Pero kung umabot man iyan sa main committee, gaya ng panahon ng PDAF na buong komite ng Blue Ribbon ang duminig ng issues diyan, handa naman kaming makasama at makilahok sa mga pangyayari.

 

Q: Si Mayor Junjun Binay mukhang dedesisyunan na ho dahil hindi na siya uma-attend ng hearing.  Ano ho ba ang pagkakaalam niyo sa rules ng Senado, puwede bang i-cite for contempt ang isang local chief executive na ayaw umattend ng hearing?

A: Alam mo Gerry, hindi ako sigurado sa exact na panukala. Of course, ang kapangyarihan ng Blue Ribbon Committee napakalawak niyan. I’m sure kung ano man ang i-decide ng sub-committee, baka i-raise pa iyan sa main committee, kung ganon na katindi iyan na may mga contempt charges na or mga subpoenas na ibibigay.

 

Q: Senator Bam, ano ho itong Senate Bill 2122?

 A: Na-file po namin ito noong February 12, 2014. Ito ang tinatawag nating anti-discrimination bill. Sa totoo lang, ang sakop nito ay larger than the LGBT community dahil kasama po dito ang social class, race, religion, ethnicity, civil status, medical condition status at iba pa po.

Basically, ang sinasabi po nito, hindi po puwedeng mag-discriminate based on these issues. For example, mayroong establishment, kunwari hindi ka puwedeng pumasok sa restaurang na ito dahil bading ka o iba ang relihiyon mo, o dahil mukha kang busabos. Bawal po iyon at puwede silang sampahan ng kaso.

Sa totoo lang po, nasa Constitution naman natin iyan na mayroon tayong equal protection at dapat walang discrimination pero wala pong batas na masasabi natin na nagbibigay ng penalties ukol dito.

Noong binuo po namin ang bill na ito, hindi pa po namin nasa isip talaga ang hate crime kasi ito pong isyu ni Jennifer Laude, ito lang po ang nagbigay sa amin ng ideya na maglagay ng hate crime dito.

The bill, as filed, wala pang hate crime na nakalagay. Nakatuon siya sa trabaho at government services. Na kunwari, iba ang relihiyon mo, and you’re denied basic services because of race, religion, ethnicity, LGBT, medical condition status, puwede po kayong magsampa ng kaso against all entities.

 

Q: Sino ang kakasuhan?

A: Iyong offending party. Kung sinuman ang nagdi-discriminate. Sa totoo lang po, iyong ganitong klaseng batas, hindi naman po ito bago pero sa bansa natin, bago po ito. Sa ibang bansa, pangkaraniwan na po iyan na kapag nagdi-discriminate ka, puwede ka talagang parusahan.

Ngayon pong nangyari kay Jennifer Laude na nakita naman natin na karumal-dumal na krimen, isipin niyo po kung gaano ka-grabe iyon, puwede po nating masabi na kung ang krimeng iyon ay ginawa dahil siya ay isang LGBT, puwede pong tumaas ang penalty sa probisyon na balak natin isama.

In other countries gaya po ng Estados Unidos, ang kanilang hate crime legislation, matagal na po iyan, more than one hundred years na. Doon po, kung mayroon kang krimen na ginawa sa isang minoridad, dahil siya ay isang minoridad, matindi po ang isyu ng race sa United States sa tinatawag na African-American or American-Indian. Kung gawin mo ang isang krimen, especially pag violence po ito, binugbog mo o pinatay po. Dahil may kasamang aspeto na ginawa ito sa isang minoridad, tumataas ang penalties.

Iyon po ang gusto naming idagdag dito sa batas na ito although admittedly, wala pa po itong committee hearing. Balak po naming isama po iyon na kung mayroon mang krimen corresponding to violence, assault or even murder, in this case, kapag mayroon pong elemento dahil ikaw ay isang minoridad, puwede pong itaas ang penalties na ibigay sa iyo dito.

 

Q: Pati sa edad sinabi niyo sa trabaho?

A: Iyong edad po, wala pa siya sa version na ito. Pero may ibang laws na currently pinag-uusapan natin, iyong age discrimination, isasama natin iyan pag nag-committee hearing na tayo.

 

Q: Na dapat hindi i-discriminate sa trabaho kahit may edad na?

A: Nang walang rason. Kasi po makikita niyo sa ibang fastfood. Looking for hire, cashier must be 25 and below. Walang rason. Bakit iyong 26, 27 o kahit sabihin mong 50 years old, hindi ba puwedeng magtrabaho iyon.

In a hearing, diniretso na po namin ang DOLE, puwede po ba ito o hindi. Sabi nila, hindi po puwede iyan, gumagawa ka ng discrimination sa edad nang walang rason.

Pero sabi ng DOLE, wala naman kasing batas na nagbibigay ng penalty. Ito po ang batas na magbibigay ng penalty.

Of course, iyong trabaho na pinapasukan po natin, mayroon talagang rason kung bakit kailangang ganun katanda o kabata, iba po iyon.

If there are jobs na wala naman talagang reason kung bakit kailangan 25 years old, 26 years old and below, diskriminasyon na rin po iyon.

 

Q: Malawak po talaga itong panukalang batas ninyo Senator Bam. Masasaklaw na niya lahat ng klase ng diskriminasyon, mapa-trabaho, eskuwela at sa government services. Halo-halo na.

A: Kapag nag-hearing na po tayo dito, we hope na iyong iba’t ibang grupo, na ang feeling nila kulang pa ito, puwede silang lumabas o may mga iba na magsasabing sobra naman iyan, huwag nang isama ang civil status o political inclination, public hearing naman po iyan, puwede naman pong magtalakayan ang iba’t ibang grupo doon.

 

Q: Nabanggit niyo po ang civil status, hindi kaya maging daan ang panukalang batas niyo para magkaroon ng same-sex marriage sa atin?

A: Hindi iyon ang intention ng bill na ito. Mayroon na pong isang indibidwal ang lumapit sa atin at nagsabi na baka maging inroad iyan sa same sex marriage. Ang sabi ko naman sa kanya, alam mo ang same-sex marriage, matinding talakayan iyan that needs a separate discussion altogether. Ang bill na ito ay tungkol sa diskriminasyon at ito ang nararamdaman ng maraming Pilipino sa pang-araw-araw nilang buhay.

 

Q: Ang sabi ng iba, diskriminasyon daw hong maituturing kapag ayaw mong payagan na mabigyan ng kasal ang dalawang nagsasama na pareho ang kasarian. Diskriminasyon ba iyon para sa inyo?

A: Alam mo sa totoo lang, iyan ang isang bagay na kailangan pa talaga ng talakayan sa Senado at sa Kongreso.  Kasi, kung tutuusin ang usapin ng RH, lasted 20 to 30 years. Talagang mabigat ang usapan at noong nagkaroon ng botohan, talagang masabi natin na na-divide ang lipunan.

Any discussion on same-sex marriage will need the right type of debate and discussion in Senate and Congress. Open debate, in the same way na iyong mga  mabibigat naman na isyu sa isang democratic country, kailangan talaga pag-usapan  iyan na open, public at iba’t ibang grupo ang puwedeng mag-share ng saloobin.

Iyong same-sex marriage, sa totoo lang, will need amendments. May ibang nagsasabi na kailangang Konstitusyon din daw. Kailangan talagang pag-aralan pa, even the Family Code will have to change. That needs further discussion.

But itong anti-discrimination bill, palagay ko mabigat na ito, dapat pag-usapan na. Nangyayari na ito sa pang-araw-araw na buhay ng tao.

 

Q: Baka lapitan kayo ng mga miyembro ng LGBT dahil may kinalaman din laban sa diskriminasyon ang inyong panukala.

A: Actually, iyong LGBT community nag-consult naman kami sa kanila on this bill. They are in favor of this bill. In fact, marami ngang nagsasabi na dapat matagal na ito.

In our society, I’d like to think, we’re loving and caring society. Basta’t kapwa Pilipino natin, kapwa human being natin iyan, dapat maayos ang trato natin sa isa’t isa.

 

Q: Salamat po Senator Bam, magandang umaga po. Kami po’y natutuwa sa inyong pagbisita sa studio.

A:  Salamat po Gerry, at sa mga nakikinig sa atin, maraming salamat po.

Alam niyo po, itong bill, isa lang po ito. Of course na-mention ko na po iyong ibang bills natin.

Iyon isa pa pong tinututukan natin, iyong IRR ng Philippine Lemon Law, ngayon po ay binubuo na, at iyong Go Negosyo Law, na isa pong batas na magbibigay tulong sa maliliit nating negosyante.

Kahit po iyon, binubuo na po iyong IRR, pareho po ng Department of Trade and Industry. Binabantayan po natin iyan upang ma-implement at the soonest possible time.

 

Scroll to top