Mga kanegosyo, sa aking paglalakbay bilang entrepreneur naging mahalaga ang pagkuha ng tamang payo.
Napakahalaga na meron kang natatanungan at kahit papaano ay nagpapakita na hindi ka nag iisa sa iyong pagnenegosyo. Dito pumapasok ang mga business counselors sa ating mga Negosyo Center.
Importante ang kanilang papel, lalo na pagdating sa paggabay sa ating mga kababayan natin na magnegosyo ngunit walang sapat na kaalaman upang ito’y simulan at patakbuhin.
Maliban pa rito, handa ang mga business counselor na bigyan ng kailangang payo ang ating mga maliliit na negosyante sa mga karaniwang problema na nararanasan ng kanilang negosyo.
***
Sa kolum na ito, bibigyang pansin natin ang kuwento ni Junnairah Adrie at kung paano siya natulungan ng isang business counselor sa Negosyo Center-Cotabato City.
Kabilang ang negosyo ni Junnairah sa napakaraming tindahan ng siomai sa lungsod. Ngunit angat si Junnairah sa iba dahil siya mismo ang may gawa ng kanyang chilli garlic sauce para sa tindang siomai.
Napagtanto ni Junnairah na hindi sapat ang pagiging agresibo lang sa negosyo at kailangan niya ng sapat na kaalaman upang ito’y mapatakbo nang tama at maayos.
Ito ang dahilan kaya nagtungo siya sa Negosyo Center-Cotabato City upang humingi ng tulong.
Agad naman siyang tinulungan ni business counsellor Sharmagne Joyce Edio, na pinayuhan siyang iparehistro muna ang kanyang negosyo sa Department of Trade and Industry (DTI).
Noong Oktubre 2016, naiparehistro na ni Junnairah ang JBH Food Express.
***
Sa pagpapatuloy ng kanyang konsultasyon, pinuri ni Sharmagne ang chilli garlic sauce na si Junnairah mismo ang may gawa.
Pinayuhan din ng business counsellor si Junnairah na pag-aralan ang pagbebenta ng kanyang chili garlic sauce dahil nakapalaki ng potensiyal nito sa merkado.
Tinulungan din ni Sharmagne si Junnairah sa packaging, brand logo at paggawa ng label sa kanyang chili garlic sauce.
Hindi pa riyan natapos ang tulong ni Sharmagne dahil binigyan din siya ng kaalaman pagdating sa marketing, lalo na pagdating sa social media.
Dumalo rin si Junnairah sa libreng entrepreneurial trainings na bigay ng Negosyo Center.
***
Nang mabuo na ang bagong logo at packaging ng kanyang produkto, agad inilagay ni Junnairah sa Facebook ang kanyang chili garlic sauce bilang pagsunod sa payo ni Sharmagne.
Ayon kay Junnairah, marami siyang natanggap na tanong at order ukol sa kanyang produkto, mula sa mga tao na hindi niya kilala.
Dahil sumailalim sa training sa Negosyo Center kung kung paano makikipag-usap sa mga customer, maayos na naipakilala ni Junnairah ang kanyang produkto sa mga interesadong bumili, na ang ilan ay mula sa mga kalapit-lalawigan sa Mindanao.
Sa istratehiyang itinuro ni Sharmagne, umakyat sa 32 kilo ng chili garlic sause ang kanyang naibenta kada buwan, mula sa dating isang kilo lang bago siya lumapit sa Negosyo Center.
Ngayon, nagbebenta na rin si Junnairah ng wholesale o bultuhan sa mga nais magbenta ng kanyang produkto sa ibang lugar.
Sa ngayon, plano niyang dagdagan ang produkto ng baling o shrimp paste at iba pang uri ng sawsawan.
Malaking tulong talaga ang bigay ng ating mga business counsellor gaya ni Sharmagne.
Sila ang mga katuwang ng ating Negosyo Centers sa pag-alalay at paggabay tungo sa tagumpay ng ating mga kababayang negosyante.
***
Higit sa 600 na ang mga Negosyo Center sa Pilipinas salamat sa Republic Act No. 10644 o Go Negosyo Act, ang kauna-unahan kong naipasang batas bilang senador.
Layunin nitong maglagay ng Negosyo Center sa bawat munisipalidad, siyudad at lalawigan sa buong bansa upang suportahan ang mga Pilipino na nais magsimula ng sariling negosyo o tulungang mapalaki ang kasalukuyan nilang negosyo.
Upang malaman ang pinakamalapit na Negosyo Center sa inyong lugar, magtungo sahttps://www.bamaquino.com/gonegosyoact/negosyo-center-tracker/.
***
Mga Kanegosyo, kung may tanong kayo sa pagnenegosyo, mag-e-mail kay Kanegosyong Bam sanegosyonowna@gmail.com o mag-iwan ng mensahe sa fb.com/BenignoBamAquino.
Ugaliing makinig tuwing Miyerkules, alas-dos hanggang alas-tres ng hapon sa DZRH 666 sa programang “Go Negosyo sa Radyo” kasama si Cheska San Diego. Ang programa’y sa kagandahang loob ng Go Negosyo at MBC.
Pangarap namin na magkaroon kayo ng kabuhayan sa pamamagitan ng pagnenegosyo!
Recent Comments